Prologue

35.4K 606 37
                                    

HINIHINGAL si Burt habang tumatakbo papunta sa paboritong tambayan nilang magbabarkada—ang lumang tangke ng tubig sa kanilang bayan. Walang nakakaalam na doon sila naglalagi. Kung may makakaalam lang ay siguradong isusumbong na sila sa kani-kanilang mga pamilya.

Sa kaso niya, siguradong magagalit ang kanyang lola na tanging kamag-anak niya sa lugar nila—ang Pakyit-pakyitan. Pero kung may makaalam man na tambay siya sa lumang tangke, sigurado naman siyang walang magsasabi sa lola niya. Inaakusahan kasi ng buong bayan na baliw ito. Nakagawian na kasi ng lola niya na maglagi sa ilog, hawak ang salamin nito at itinatapat sa tubig. Sa pamamagitan daw niyon ay nakakausap nito ang namatay nang lolo niya na asawa nito.

Sa kaso naman ng mga kaibigan ni Burt na sina Cholo at Urbino, siguradong magagalit ang mga magulang ng mga ito. Kawawa si Cholo dahil kilalang nananakit ang ama nito. Sa katunayan, napakarami nitong paso ng sigarilyo sa katawan. Palagi lang nakatawa si Cholo pero alam niyang sobra ang galit nito sa sariling ama. Si Urbino naman, malamang na mapagalitan pero palagi naman itong walang pakialam.

Si Wulfredo naman, ang pinaka-leader ng barkada, ay siguradong hindi iindahin sakali mang may magsumbong sa ama nito. Kilala ang pamilya nito, maging ito, sa pagiging tarantado sa lugar nila. Dalawa ang kapatid na lalaki ni Wulfredo na palaging laman ng principal's office noong kapanahunan ng mga ito. At ngayong graduate na ng high school ay laman naman ng city jail, kasama ang ama. Kung hindi man sa city jail, laman ng beerhouse at kung saan-saang bilyaran.

Kahit ganoon, hindi takot si Burt kay Wulfredo. Alam niyang mabait na tao ito. Hindi nga siya makakapasa sa Home Economics kung hindi dahil sa pagtulong ni Wulfredo sa project nilang papier-mâché.

Mayamaya ay napahinto si Burt sa gitna ng daan. Naitukod niya ang mga kamay sa mga tuhod habang hinihingal pa rin. Inilabas niya ang malinis na panyo mula sa bulsa at pinunasan ang mukha. Inilabas naman niya mula sa kabilang bulsa ang isang tira-tira at isinubo. Lakad-takbo uli siya papunta sa tangke.

Matagal nang hindi nagagamit ang tangke. Kataka-takang itinayo iyon malayo sa mga kabahayan. Kaya nga siguro hindi iyon nagamit nang matagal.

Mayamaya ay narating na ni Burt ang tangke. Natatanaw na niya sa itaas ang tatlong kaibigan. "'Tol!" tawag niya sa mga ito, saka nagmamadaling umakyat sa hagdan. Pawis na pawis na siya.

"Dahan-dahan, baka bumigay ang hagdan sa 'yo!" tukso ni Cholo, saka sabay-sabay na nagtawanan ang mga ito.

"Gago ka talaga, apat naman ang mata mo!" ganti niya. May makapal na salamin si Cholo sa mga mata, palaging nakapantalon at kamisetang mahaba ang mga manggas, at kahit kailan, hindi nagsando kahit mainit ang panahon. Marami kasi itong sugat sa katawan, dahil sa ama nito.

Lalong lumakas ang tawa nina Urbino at Wulfredo.

Hindi naman ikinagagalit ni Burt ang biro ng mga kaibigan tungkol sa kanyang katabaan. Para sa kanya, kung sino ang mas matindi ang maipipintas ay ang mas sikat.

Nang eksaktong makaakyat sa hagdan ay nakita niyang kinutusan ni Cholo si Urbino. Ipinasa naman ni Urbino ang kutos kay Wulfredo. Nasapo ni Wulfredo ang ulong malinis ang gupit. Madalas itong nakaputing kamiseta at kupasing pantalon. Napatingin sa kanya si Wulfredo, may ngisi sa mga labi.

"Uy, masakit 'yan. Walang ganyanan. Baka mabobo na ako niyan!"

Nakalapit na si Wulfredo at hindi na umangal pa si Burt. Hinihingal pa rin siya at wala nang ganang takbuhan pa ang kutos. Kusa na niyang iniumang ang ulo. Hindi tulad ng inaasahan niya, hindi masakit iyon. "Ibinalik niya ang talino" sa pamamagitan ng pagpapatama ng likod ng palad sa baba niya. Pagkatapos ay umupo na siya sa sahig.

Territorio de los Hombres 1: Burt Sullen (Published by PHR, COMPLETED)Where stories live. Discover now