Ika-11 Na Kabanata

1.3K 81 3
                                    


MULA sa aking kinatatayuan ay kitang-kita ko na tinapunan ni Hu Tzu Zi ng napakaraming bara ng ginto si Makisig sa paanan nito. Sobrang dami talaga dahil natapon pa ang iba sa lalagyan nito na tela na kulay brown. Napanganga ako sa dami niyon. Kung sa panahon ko siguro ibebenta ang mga bara ng gintong iyon ay baka bilyonarya na ako. Nakakaloka naman! Itinatapon lang sa panahon na ito ang mga bagay na iyon. E, sa kasalukuyan ay hinuhukay at hinahanap iyon ng mga tao. Hindi kaya si Hu Tzu Zi ang nakakaalam kung nasaan ang Yamashita’s treasure? Hmm… Ay, ewan!

“Para saan ang mga bara ng ginto na iyan, Mangubat?” tanong ni Makisig.

“Iyan ang kabayaran ng aking pinuno para ibigay mo sa kanya ang babae, Makisig! Batid namin na wala na sa iyo ang iyong sakahan at sa pamamagitan ng mga bara ng ginto na iyan ay mabibili mo ulit iyon pabalik. Hindi ba at mainam iyon?” tila nanunukso pang sabi ni Mangubat.

Mariin na umiling si Makisig. “Inuulit ko, hindi ko ipinagbibili si Marikit sa kahit na ilang piraso ng bara. Paumanhin ngunit mas makakabuti kung makakaalis na kayo. Nagsasayang lamang kayo ng oras sa akin dahil wala kayong mahihita sa akin.” Walang lingon-likod na tinalikuran ni Makisig ang mga kausap nito at pumasok sa kubol.

“Iyong pag-isipan ang bagay na ito. Marami kang magagawa at mabibili gamit ang mga bara na ito!” habol no’ng Mangubat.

Ako naman ay nagmamadali na bumalik sa silid at hinintay siya doon. Ilang sandali pa ay pinuntahan na niya ako. Agad ko siyang nilapitan at tinanong kung sino ang mga taong iyon. Kunwari ay wala pa akong alam.

“Ang Tsino na nais bumili sa iyo. Sa wari ko ay nabighani siya ng iyong kagandahan, irog ko… At hindi naman ako nagtataka dahil ikaw ay tunay na marikit!” Nag-blush ako ng bonggang-bongga sa sinabi niya. Grabe naman! “Ngunit wala kang dapat ipangamba dahil kahit ilang bara ng ginto ang ibigay niya sa akin ay hindi kita ibibigay sa kanya! Ikaw ay hindi matutumbasan ng kahit na ilang yaman dito sa daigdig.”

Abot hanggang langit ang kilig ko sa sinabi niyang iyon. Aba, kung ibang lalaki siguro ay baka walang pagdadalawang-isip na ibinigay na ako sa intsik na iyon. Pero, I am so lucky pa rin kasi hindi nasilaw si Makisig sa offer ni Hu Tzu Zi. Hindi na rin naman kasi ako nagtataka kung presyuhan ni Hu Tzu Zi ng napakaraming ginto ang ganda ko, 'no. Maganda naman kasi talaga ako.

Isang matamis na ngiti ang isinukli ko sa kanya. “Maraming salamat, irog ko. Ngunit sapat na yata ang mga bara ng ginto ni Hu Tzu Zi upang matubos o mabili mo ulit ang iyong palayan… Alam ko, nararamdaman ko na nais mo ulit iyong mabawi. Nitong mga nakaraang araw ay napapansin ko na malungkot ka at palaging nakamasid sa palayan na dati mong pagmamay-ari.”

“May palayan nga ako ngunit mawawala ka naman sa akin,” aniya sabay iling. “Hindi na, Marikit. Mas pipiliin kong tuluyan nang mawala sa akin ang palayan at magsimula ulit ng ikaw ang kasama. Tandaan mo na mas mahalaga ka pa sa kahit na anong bagay.”

Sa sobrang kilig ko ay nahampas ko siya sa braso. Pabebe kong hinawi ang aking buhok. “Alam mo, para kang tanga! 'Weg ke nge…” Halos tumirik na ang mata ko. Grabe naman kasi! Kahit kay Benjie ay hindi ko narinig ang mga salitang ito. Si Makisig lang talaga ang nakakapagparamdaman sa akin ng ganitong kilig. Siya lang ang nakakapagpa-feel sa akin na ako ay isang babae na dapat na iginagalang at minamahal nang todo-todo at walang preno hanggang sa dulo ng mundo. Ganern!

“Marikit, anong nangyayari sa iyo? Bakit ganiyan na ang iyong pagsasalita?” Nagatataka at may halong pag-aalala na tanong niya sa akin.

“Ah, eh, wala. Wala. Ano lang… kinikilig lang ako. Masaya lang ako dahil damang-dama ko na mahal mo talaga ako. Ikaw ang dahilan kung bakit wala na akong balak pang bumalik sa aking panahon,” seryoso ko nang sabi.

Si Makisig At Si MarikitWhere stories live. Discover now