Ika-12 Na Kabanata

1.3K 65 5
                                    


ANG saya namin ni Makisig sa pagpunta sa pamilihan ay napalitan ng lungkot nang pag-uwi namin sa kanyang kubol ay nakita namin iyong nasusunog. Malayo pa lang ay kitang-kita na namin ang laki ng apoy at usok niyon kaya naman nabitawan namin lahat ng dala namin at nagtatakbo papunta sa kubol.

Tatakbo pa sana si Makisig papunta sa loob ng bahay pero pinigilan ko siya. Niyakap ko siya sa kanyang beywang. “Makisig, huwag ka nang lumapit! Huli na ang lahat!” sabi ko.

Tila nahimasmasan naman siya at napaluhod na lang siya sa lupa habang unti-unting nilalamon ng apoy ang kanyang kubol. Napaawa ako sa kanya habang nangingilid ang kanyang luha.

Hindi namin alam kung gaano kami katagal sa ganoong pwesto. Basta namalayan na lang namin na wala nang natira sa bahay niya. Sa isang iglap ay naging abo iyon kasama ng mga gamit sa loob. Alam ko na masakit para kay Makisig na mawala ang kubol na iyon dahil naroon ang lahat ng alaala ng namayapa nitong mga magulang.

Halos padilim na nang tumayo siya at lumapit sa nasunog niyang bahay. Sumunod ako sa kanya at hindi na siya pinigilan.

“Nasunog at naging abo ang natitirang alaala ng ina at ama ko…” Mangiyak-ngiyak na sambit niya.

Dahil hindi ko alam kung paano papagaanin ang kanyang nararamdaman ay tumabi na lang ako sa kanya at hinawakan siya sa kamay. Hinigpitan ko talaga para maramdaman niya ang pakikiramay ko sa pagkawala ng kanyang kubol.

“Baka may mga gamit pa tayo na pwedeng pakinabangan. Kunin na lang natin ang mga iyon para makapagsimula ulit,” sabi ko sa kanya.

“Marahil ay ganoon na nga lang ang gawin natin.” Tumingin siya sa akin at kahit may bahid ng sadness ang kanyang smile na ibinigay sa akin ay okay na rin iyon. Atleast, ngumiti siya. “Salamat kay Bathala ay narito ka. Hindi pa rin ako tuluyang nawalan dahil ikaw ay nasa aking tabi, irog ko!”

Tumirik ang mata ko sa kilig sabay hampas sa kanyang braso. “Alam mo, para kang tanga diyan! Pinapakilig mo na naman ako, nasunugan ka na nga. Tara na nga, tignan na natin kung may mga gamit pa tayo na magagamit.” Nagpatiuna na ako sa kanya sa paghahanap ng gamit sa nasunog na kubol.

May mga gamit naman akong nakita na hindi nasunog na pwede pa naming gamitin. Katulad ng palayok at ilang lutuan na yari sa putik. Iyon lang ang nakuha ko.

Napansin ko na may hawak si Makisig at tinitignan niya iyon nang mabuti. Nang lapitan ko siya ay itinago niya ang bagay na iyon sa kanyang likuran. Na-curious tuloy ako kung ano iyon.

“Ano naman iyong hawak mo?” tanong ko.

“Wala ito. Hindi naman mahalaga.” Feel ko ang pag-iwas niya sa tanong ko. “Aba, ang dami pa palang pwedeng magagamit natin.”

“Oo nga, e. Pero, saan naman tayo nito titira, Makisig?”

“May lugar akong alam na pwede nating pagtayuan ng pansamantalang matitirahan. May salapi pa naman ako kaya makakapagsimula ulit tayo. Huwag kang mag-alala, irog ko.”

“Alam kong wala akong dapat ipag-alala hangga’t kasama kita, irog ko…” sagot ko. “Alam kong hindi mo ako papabayaan.”

“Salamat sa iyong tiwala.”

“Wala iyon. Oo nga pala, saan naman ang lugar na sinasabi mo?”

“Naisip ko na pwede tayong magtayo ng maliit na tirahan doon sa paborito kong puno. Mayabong iyon at mapoprotektahan tayo niyon sa init at lamig. Ano sa iyong palagay, irog ko?”

“Hmm… Sa palagay ko… Maganda ang naisip mo. Sige. Doon na lang muna tayo. Tara na at madilim na, irog ko.”

At ganoon na nga ang nangyari. Pinagtulungan naming dalhin ni Makisig ang mga gamit na nakuha namin sa nasunog niyang kubol at ang mga nabili namin kanina sa pamilihan. Nagtataka man kami kung bakit nasunog ang kubol ni Makisig, kahit papaano naman ay nagpapasalamat pa rin kami sa Diyos dahil ligtas kaming dalawa at magkasama pa rin. Iyon naman ang importante, e. Ang bahay at gamit, mapapalitan iyan. Pero ang buhay ng tao, isa lang.

Si Makisig At Si MarikitWhere stories live. Discover now