14

41.4K 818 58
                                    


NAKASALO ni Elizabeth sa agahan si Pablo.

"I'm pregnant," kaswal na anunsiyo niya habang naglalagay ng sinangag sa plato niya.

Nabitiwan ni Pablo ang hawak na mga kubyertos. Ang kawaksi naman nila na si Nana Milagros ay natigil sa pagsasalin ng fresh mango juice sa baso niya. Parehong nanlaki ang mga mata ng mga ito. Hindi niya kailanman naging ugali ang magbiro nang ganoon kaaga. Hindi siya marunong magbiro, period. Bumuka ang bibig ni Pablo at tila may sasabihin pero walang namutawing anumang kataga mula rito.

"I'm giving birth in December." Sinabi niya ang eksaktong petsa ng expected date of delivery niya ayon sa calculation niya. "Clear your schedule for that month. Walang magdadala at magbabantay sa 'kin sa ospital. Ikaw na lang ang pamilya ko kaya ikaw rin lang ang maaasahan kong makakatuwang ko. Congratulations, Uncle Pablo."

Natulala ito sa kanya. Namutla ito at tila hihimatayin na anumang sandali.

Nine months later

"HINDI mo talaga sasabihin sa 'kin kung sino ang ama ng dinadala mo?"

"Huwag ka nang maraming tanong, Pablo. Humihilab ang tiyan ko," sabi ni Elizabeth habang nakahiga sa hospital bed. Nasa suite sila sa ospital na pinagtatrabahuhan niya. Nagpa-confine na siya dahil alam niyang manganganak na siya. Mamaya lang ay magpapadala na siya sa labor room.

Nag-alala ito. "Tatawagan ko ba si Aila?"

Umiling siya. "Kaya kong i-monitor ang contractions ko. Don't worry, I'm still a doctor the last time I checked."

Nahagod ni Pablo ang mahabang buhok nito patalikod. "Ate, sabihin mo na sa 'kin ang pangalan ng ama ng magiging pamangkin ko."

"Ano ang gagawin mo kapag nalaman mo?"

"Siyempre, hahanapin ko!"

"Kapag nakaharap mo na siya, ano ang susunod mong gagawin?"

"Sasapakin ko."

Natawa siya sa kabila ng kirot na nararamdaman niya. "Then?"

"Pipilitin ko siyang panagutan ka."

"Ngayon, alam mo na kung bakit ayokong sabihin sa 'yo ang pangalan ng ama nito?"

Marahas itong napabuga ng hangin. "What do you want me to do, Eli? Support you with this crazy idea? Ate, kapatid mo ako."

"Pablo this isn't a crazy idea. I'm gonna be a mother. I've already made it clear. I don't need a husband. I don't need a man. Anak lang ang gusto ko. Magiging miserable lang ang buhay ko kung pipilitin mo akong magpakasal sa isang lalaking hindi ko naman kilala. Kaya kong alagaan ang sarili ko, ang anak ko."

"Anong kalokohan ang pumasok sa isip mo at nagpabuntis ka sa isang lalaking hindi mo kilala?"

"One-night stand, Pablo. You do it all the time."

"I'm different! I'm a guy. And I make sure it's never complicated. Hindi ako nambubuntis."

"Bakit hindi ba puwedeng gawin ng babae ang ginagawa n'yong mga lalaki? Sa palagay mo ba, kayo lang ang takot sa obligasyon at commitment? Kayo lang ba ang may karapatang umakto na tila walang nangyari pagkatapos ng isang gabi? Women can't separate love and sex, they say. Well, I can and I did."

Lalo yata itong na-frustrate. "Hindi ko alam kung bakit ganyan ka!"

"Hindi ko alam kung bakit pinalalaki mo ang maliit na bagay. We've already gone over this countless times. Nakakapagod na. Tawagan mo na si Aila. I think it's time for me to go into the labor room. Come on, brother, move."

Kahit halatang naiinis ay sinunod pa rin nito ang utos niya. Elizabeth took deep calming breaths. Kinakabahan siya at natatakot sa panganganak niya, pero excited din siyang makita ang magiging anak niya. Naiintindihan niya kung bakit ayaw sukuan ng kapatid niya ang pag-alam sa pangalan ng lalaking nakabuntis sa kanya. Alam niyang mahal siya nito at nais lang nitong mapabuti siya. Paglaon ay maiintindihan din nito ang mga rason niya sa hindi pagsasabi.

Alam niya na may karapatan si George na malaman ang tungkol sa ipinagbubuntis niya, ngunit mas pinili pa rin niyang manahimik. Madali niya itong mahahanap kung gugustuhin lang niya. Pero ayaw niya ng masyadong komplikasyon sa buhay. Hindi nga siya hinanap nito, ibig sabihin ay hindi ito interesado sa kanya. Wala siyang iniwang kahit anong contact number, pero kung interesado talaga ito sa kanya ay hinanap sana siya nito. May paraan kung ginusto lang nito.

Sa palagay niya ay kinalimutan na nito ang lahat ng nangyari sa kanila. Ayaw na niya itong masyadong pakaisipin. Itutuon na lang niya ang lahat ng enerhiya niya sa panganganak. Nang mga sumunod na sandali ay mas nahirapan siya. Alam niya ang lahat ng paghihirap ng mga babaeng malapit nang magsilang dahil karamay siya ng mga pasyente niya mula sa simula hanggang sa mailuwal ng mga ito ang sanggol na nasa sinapupunan. Pero iba pa rin pala ngayong siya mismo ang nakakaranas ng panganganak.

Napakatagal niyang nag-labor. Hindi niya naorasan ang kanyang sarili dahil hinang-hina na siya. Halos hindi niya namalayan nang ipasok siya sa delivery room. Nang iluwal niya ang kanyang anak at marinig ang iyak nito ay hindi niya inasahan ang mapaluha. Hindi siya kailanman naging iyakin pero parang may sariling isip ang mga luha niya at patuloy sa pagdaloy. Maraming beses na siyang nakarinig ng uha ng sanggol, pero iba pala ang tunog ng iyak ng sarili niyang anak. Her heart contracted violently as she listened to his cry. She already loved him.

"It's a boy, Mommy," nakangiting sabi sa kanya ni Aila. Inilapit nito sa kanya ang newborn niya.

Pinagmasdan niya ang mukha ng kanyang anak. "Welcome, Sebastian."

Love Drunk COMPLETED (Published by PHR)Where stories live. Discover now