16

42.7K 688 72
                                    


PAG-UPO ni Elizabeth sa swivel chair ay kaagad niyang nakita ang dalawang stick ng banana cue sa desk niya. May isang tangkay ng rosas sa isang garapon na pinanggalingan ng mayonnaise na madalas niyang paglagyan ng paper clips at pins para sa maliit na bulletin board sa ibabaw ng desk niya.

Malinis na malinis ang klinika niya at amoy-Lysol. Natutuwa siya sa bagong maintenance ng clinic dahil palagi nitong sinisiguro na malinis ang mga klinika at banyo kahit hindi niya ito napagsasabihan. Natutuwa rin siya sa nurse-midwife na assistant niya dahil sa pagiging organized nito.

Hindi lang niya alam kung ikatutuwa niya ang nadatnan niyang banana cue at rosas. Paborito niya ang banana cue na nabibili sa tabi ng klinika pero hindi niya gusto ang dahilan kung bakit siya binigyan niyon. Kahit walang note, alam niyang galing ang mga iyon kay Iñaki Salvador.

Hindi pa man niya nadedesisyunan ang gagawin niya sa mga iyon ay nakarinig na siya ng katok sa pinto. Bumukas iyon at pumasok doon si Lavender. Stepsister ito ng kababata ni Pablo na si Blythe. She and Pablo were pretty close nowadays.

"Bakit narito ka pa? Hanggang twelve lang ang clinic mo dapat, hindi ba?" tanong niya. Humugot siya ng wet wipes at pinunasan niya ang mesa kahit alam niyang nilinis na iyon. Wala pa naman daw siyang pasyente. Parang nahuhulaan na niya kung bakit naroon na naman si Lavender.

Umupo ito sa examination bed. "Marami akong pasyente ngayon kaya dito na rin ako nag-lunch." Dumako ang mga mata nito sa rosas sa mesa niya. Naging mapanudyo ang ngiti nito. "Alam ko kung kanino galing 'yan."

Elizabeth rolled her eyes. "Tigilan mo 'ko, Lavender. The answer is still 'no.'"

Tumawa ito. "Ate, come on. When was the last time you went out on a date?"

"Last Sunday. I was with the most amazing boy."

Sumimangot ito. "Hindi counted ang date n'yo ni Basty, Ate."

"Bakit hindi na lang ikaw ang makipag-date kay Doctor Salvador?"

"We're friends. He's not really interested in me. Ikaw ang gusto niya. Hindi naman masama kung papayag kang makipag-date sa kanya."

Nalukot ang kanyang mukha. "Alam mo ba ang sinasabi mo, Lavender? He's twenty-four and I'm thirty-five. I don't date a twenty-four-year-old man, okay?"

"Malaking factor ba talaga ang age difference n'yo, Ate? You look ten years younger naman and he's very mature for a twenty-four-year old. He's a great man."

"If I date him, I'd feel like I'm Vicky Belo and he's Hayden Kho. Baka may makisawsaw pang Katrina Halili."

Tumawa ito. "It's not like that."

"It is like that, Lavender."

Mula nang nagsimulang magtrabaho sa Love Clinic si Iñaki ay nagpakita na ito ng interes sa kanya. Noong una ay hindi niya ito gaanong pinapansin pero nag-umpisa na itong mas lumapit. Kapag wala itong mga pasyente ay pinupuntahan siya nito sa clinic niya at tumutulong kahit naiilang dito ang ilang mga pasyente niya. Ang sabi nito ay interesado ito sa obstetrics at gynecology.

She bought that even if he didn't look like a doctor who would specialize in obstetrics and gynecology. Hinayaan niya ito dahil mayroon siyang laging naaalala tuwing natititigan niya ito. Mula nang dumating ito ay palagi na niyang naaalala si George. Kahawig ni Iñaki ang ama ng kanyang anak.

Hanggang sa padalhan siya ni Iñaki ng mga merienda; at nasundan ng mga bulaklak. Naipahayag na rin nito sa kanya ang paghanga nito. Nagugulumihan siya na nagkagusto sa kanya ang isang katulad nito. Doctor Iñaki Salvador was the clinic's new pretty boy. Masarap itong pagmasdan dahil palaging maaliwalas ang mukha nito. Palagi itong may nakahandang ngiti para sa lahat. Narinig na rin niya mula kay Laura—ang bagong head nurse—na mahusay itong doktor.

Wala siyang maireklamo kay Iñaki. Mabait ito. He was a perfect gentleman. Ramdam niya ang respeto nito sa kanya bilang babae at doktor. Masarap itong kakuwentuhan dahil marami itong alam at may sense of humor ito. He seemed so perfect except for his age. He was too young for her.

Tila hindi naman nito alintana ang malaking agwat ng kanilang mga edad. Sinabi niya ang tungkol kay Sebastian at kaswal nito iyong tinanggap. He said he was looking forward to meeting her little boy. Tinawanan pa siya nito nang sabihin niyang maaari na niyang maging anak si Sebastian. Her youngest pregnant patient was twelve years old.

"Pagbigyan mo na kasi, Ate, kahit friendly date lang," wika ni Lavender. "Pati ako kinukulit na ilakad ko siya sa 'yo, eh."

"Ano tayo, nasa high school? Kailangan talagang ilakad, may tulay pa?"

Lavender giggled. "He really likes you. Tinamaan ang loko. Pagbigyan mo na. Hindi rin kita titigilan sa pangungulit hanggang sa pumayag ka. Bigyan mo naman siya ng chance. Huwag mo agad isara ang isip mo sa posibilidad na may lalaking nakalaan sa 'yo."

Tumango si Elizabeth. "Yes. Sa next life ko siya darating."

Tumawa ito. "Basta pag-isipan mo, Ate, ha?"

Tumango na lang siya para tumigil na ito sa pangungulit sa kanya. Nagpaalam ito nang magkaroon na siya ng pasyente. Isang oras pa bago matapos ang clinic hours niya nang magpasya siyang bumaba muna. Wala pa naman siyang pasyente.

Malakas pala ang ulan sa labas. Pinaupo siya ni Hedwig sa isang bakanteng swivel chair sa likod ng reception table. Nakigamit siya ng computer nito para malaman niya kung ilan sa mga pasyente niya ang dapat na may follow-up checkup ngayong araw. Bukod sa pagiging receptionist, si Hedwig din ang nag-e-encode ng lahat ng medical files sa computer bago ilagay ang mga chart sa filing cabinet.

"Hey."

Natigil siya sa ginagawa nang marinig niya ang tinig ni Iñaki. Nginitian niya ito bago niya isinara ang computer. Nagpaalam si Hedwig na magtutungo sandali sa pantry. Naupo kaagad sa tabi niya si Iñaki. Hinubad nito ang white blazer at pinagmasdan siya habang nakapangalumbaba ito. His eyes were bright with wonderment and awe.

Natawa siya. Hindi niya maiwasang ma-flatter kahit na paano. Lalo na at pamilyar na pamilyar sa kanya ang mga matang iyon. "Stop that," natatawang saway niya.

"Stop what? I'm just admiring your beauty. You're the loveliest of them all, Elizabeth."

"Medyo naiilang na ako, Doc."

Lalong nagliwanag ang mukha nito. "Good. That means you're starting to feel something for me, too."

Napapailing na tumawa siya. "This wouldn't work. Huwag mo nang aksayahin ang panahon mo sa isang katulad ko. Marami naman diyang iba na kaedad mo, dalaga at walang anak. Hindi ko talaga maintindihan kung bakit sa dinami-rami ng mga dalaga sa klinikang ito, sa isang thirty-five years old na dalagang-ina ka pa nagkagusto. What were you thinking?"

Hindi natinag si Iñaki. Walang dismaya o kahit na bahid ng lungkot na bumalatay sa mukha nito. "Ikaw ang gusto ko, hindi ang ibang kaedad ko."

"Why?" nababaghang tanong niya. Ilang beses na ba niya iyong naitanong dito?

Nagkibit-balikat ito. "Hindi ko rin alam. Ganito talaga siguro ang pag-ibig. Dumarating nang hindi inaasahan. Nararamdaman sa hindi inaasahang tao."

"I believe in love, you know. May mga taong masuwerte na nabibiyayaan ng habang-buhay na kaligayahan sa pag-ibig. It's just that my faith in love and in men isn't that strong. I'm happy being a single mom. I'm happy being single. I don't think I still need a man. Hindi ako naghahanap ng magiging ama ng anak ko. Kahit pa marahil naghahanap ako, hindi ikaw ang lalaking iyon, Iñaki. I'm sorry."

Hindi pa rin ito natinag. Tila wala itong planong magpatalo sa kanya. "Pagbigyan mo na ako kahit na isang date lang. Subukan mo muna bago ka magsalita nang tapos."

Nainis siya rito pero hindi niya ipinahalata. Ito na marahil ang pinakamatiyaga at pinakamakulit na nanligaw sa kanya. Mas maigi yata kung pagbibigyan niya ito ng isang date. Ipapakita niya rito ang kaibahan nila. Mag-uusap sila nang masinsinan. Pilit niyang ipapaintindi rito na hindi sila ang para sa isa't isa.

Tumayo na siya. "I'm free on Saturday night. Kunin mo kay Hedwig ang address ko. Seven PM sharp. Not a minute late. I wanna eat in a quiet French restaurant. Make the reservation."

Tila Christmas lights na nagliwanag ang buong mukha nito. "Noted! Thank you, Eli! Hindi ka magsisisi."

"'See you on Saturday," aniyang umakyat na sa hagdan at bumalik sa klinika niya.

Love Drunk COMPLETED (Published by PHR)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon