24th Confrontation

2.2K 100 3
                                    

PINAGSALIKOP ni Denim ang nanginginig niyang mga kamay. Habang papalapit sila sa Sta. Elena, ang bayan sa Bulacan kung nasaan ang private hospital na pupuntahan nila, lalo siyang kinakabahan.

Napapaligiran na sila ng mga nagtatayugang puno na mas lalong nagpadilim sa paligid. Bukod sa malalim na ang gabi, liblib din ang lugar kung saan nakatayo ang ospital. Para ngang nasa kakahuyan sila sa dami ng puno at mga paniking tumatama sa salamin ng sasakyan. Kanina ay may nadaanan pa silang mga kubo. Pero ngayon ay wala na silang kasabay na sasakyan sa malubak na kalsada.

"Kung natatakot ka, nagpaiwan ka na lang sana sa ibang lugar," sabi ni Eton na nagmamaneho ng mga sandaling 'yon. "Sa kasalukuyan naman, papunta na rin ang squad namin sa binigay mong address ng ospital. Makakasiguro kang maililigtas namin ang lahat ng naiwang biktima ro'n, may buhay man o wala. Sisiguraduhin din naming makakauwi sila sa kanya-kanya nilang pamilya."

Hinawakan na lang ni Denim ang seatbelt niya, saka siya tumingin sa labas ng bintana para hindi makita ni Eton ang takot sa mukha niya. Gaya ng madalas na ginagawa niya kapag natatakot o kinakabahan siya, dumaldal na naman siya. "I'm fine. Ako ang nagdala sa'yo rito kaya bakit naman ako aatras? Malaking bagay 'tong ginagawa natin para sa mga pamilya ng mga biktima kaya mag-i-stay ako."

Bumuga ng hangin si Eton habang iiling-iling. "You don't have to do this yourself."

"Ako ang naka-discover kung nasaan sila kaya ako dapat ang pumunta," katwiran naman ni Denim. "Isa pa, hindi ako makakatulog hangga't hindi ako mismo ang nakakakita na naalis na sila sa hospital na 'yon. Kasi, alam mo na, may konsensiya ako."

Kunot-noong sinulyapan siya ni Eton. "Are you upset because I told you to grow a conscience before?"

"Of course not," umiirap na kaila ni Denim, saka niya iniba ang usapan. "Ang sabi mo kanina, lahat ng full vampire na buhay ngayon ay masama. Bakit mo nasabi 'yon?"

"Mukhang walang nagbanggit sa'yo ng tungkol sa Eternal Sleep era ng mga bampira."

Umiling si Denim. "I was sheltered. In-assure lang ako ni Finn noon na hindi ako puwedeng kagatin ng mga bampira at saktan ng mga tulad niyang Bloodkeeper dahil civilian ako."

Tumango-tango lang si Eton. "Ipinag-utos ng hari at reyna noon ang panghabambuhay na pagtulog para sa lahat ng purong bampira mula sa lahat ng uri sa tulong ni Mayumi, ang pinuno noon ng mga salamangkera. Pero may isang grupo na nag-aklas noon sa pamumuno ng Nobleblood na si Victor at ang traidor na salamangkerang si Ylona. Tinakasan nila ang Eternal Sleep at nagplano para muling ipakilala sa buong mundo ang lahi ng mga bampira.

"Nitong nakaraan lang, tinapos na sina Victor at Ylona ng prinsipe ng mga bampira na si Estefano, pero patuloy pa rin ang paggalaw ng mga naiwang Nobleblood gaya nina Cerise Alessandra at Magnus Cadmus Stratton."

Kunot-noong nilingon ni Denim si Eton. "Wait, vampire prince? Akala ko ba, lahat ng bampira ay tulog na except sa mga nag-traidor?"

"Hindi pa tapos ang seremonya nang magtraidor sina Victor kaya may tatlong purong bampira pa ang gising ng mga sandaling 'yon," paliwanag ni Eton. "Ang vampire prince na si Estefano, ang Rareblood na si Riccos, at ang Nobleblood na si Nicholas. Nagdesisyon silang huwag munang pumasok sa Eternal Sleep hanggang hindi pa nahuhuli at napaparusahan ang lahat ng traidor. Ang vampire prince at si Lord Riccos, pumasok muna sila sa pansamantalang pagtulog para mabawi ang mga lakas nika dahil napuruhan sila no'ng araw na tinangka nilang pigilan si Victor. Si Lord Nicholas naman ang nanatiling gising at namuno sa'ming mga Bloodkeeper para tugusin ang mga traidor na bampira." Tinuro nito ang leeg niya. "'Yong mga traidor, may barcode sila sa leeg. Tanda 'yon ng sumpa ni Mayumi. Ang sumpa na 'yon ang dahilan kung bakit hindi puwedeng uminom ng dugo ng mga tao ang mga full vampire, at wala na rin silang kakayahang baguhin ang mga mortal, bilang paunang parusa sa kanila."

"Nakikita ko ang marka na 'yon sa mga Bloodsucker na utusan ni Finn, pero hindi kay Aunt Cerise."

"Noblebloods are beauty conscious," paliwanag ni Eton. "Siguro, ginagamit nila ang kapangyarihan ng kanilang dugo para itago ang marka sa leeg nila, lalo na sa ordinaryong mga mata."

"Ah. So, gumising ba ang vampire prince?"

"Oo, gumising siya para tapusin sina Victor at Ylona," pagpapatuloy ni Eton. "Pero nasa Europa siya ngayon kung saan mas malala ang labanang nagaganap. Saka hinahanap din niya si Lord Riccos na tinangay ng mga Grandkeepers noon, 'yong malalakas na uri ng mga Keeper."

Napayuko si Denim. Sa dami ng kinuwento ni Eton, isa lang ang pinakatumatak sa kanya. "Nagtraidor si Aunt Cerise sa lahi ng mga bampira...?"

"Posible ring tinutulungan niya si Magnus sa lahat ng 'to."

Nagprotesta agad ang kalooban ni Denim. Humarap siya kay Eton at nang sulyapan siya ng lalaki, mariin siyang umiling. "Posibleng nagtraidor si Aunt Cerise nang hindi siya pumasok sa Eternal Sleep, pero hindi niya magagawang tulungan ang Magnus na 'yon sa pagpatay ng mga inosenteng babae. Hindi masamang bampira ang aunt ko. Kung gano'n siya, eh di sana hindi siya naging mabait at mabuti sa'kin."

"Denim–"

"Saka anong klase ng leader ang mag-uutos sa nasasakupan niya na mag-mass suicide?" reklamo ni Denim. "Bakit hindi ginawang voluntary ang pagpasok sa Eternal Sleep na 'yan?"

"Hindi maiintindihan ng isang mortal na tulad mo ang klase ng dangal na meron ang mga bampira."

"What does pride have to do with wanting to live? Vampire or not, no one has the right to tell you to take your own life. Selfishness ang tawag do'n."

Biglang hininto ni Eton ang kotse.

Napasinghap si Denim at napakapit sa seatbelt. Akala talaga niya, galit si Eton sa mga pinagsasasabi niya kaya bigla itong huminto. Pero nang lingunin niya ang lalaki, nakita niyang deretso ang tingin nito.

Tumingin din siya sa harap at napasinghap siya sa sumalubong sa kanya: maraming Bloodsuckers.

"Denim, can you drive?" nagmamadaling tanong ni Eton.

Nilingon ni Denim si Eton. Sa sobrang seryoso ng lalaki, hindi na niya nakuhang magbiro o magmatigas. "Yes, I know how to drive."

"Good," sabi ni Eton, saka tinanggal ang seatbelt nito. Hinarap siya nito. "Lalabanan ko sila. Mag-drive ka lang papuntang ospital at huwag kang hihinto kahit anong mangyari. Bago ka pa makarating sa ospital, sisiguraduhing kong makakasunod na ko sa'yo kaya 'wag kang matakot."

"Hindi ako natatakot," sabi naman ni Denim, saka niya tinanggal ang seatbelt niya para makalipat siya sa driver's side. "Kung tauhan ni Finn ang mga Bloodsucker na 'yan, siguradong hindi nila ako sasaktan. Hindi siya papayag na masaktan ako."

Tumaas ang kilay ni Eton. "Sigurado kang hindi mo boyfriend si Finn?"

"Ikaw ang gusto kong maging boyfriend kaya huwag mo na kong i-ship sa iba," nagmamadaling sabi ni Denim, tinutulak si Eton palabas na binuksan na ang pinto sa gilid nito. "Don't die, okay?"

Tumango lang si Eton saka ito bumaba ng kotse.

Si Denim naman, hindi na nag-aksaya ng oras. Alam niyang makakagulo lang siya kung iintindihin pa siya ni Eton habang nakikipaglaban ito kaya pinaharurot agad niya ang kotse. Mabilis namang nagsiiwas ang mga bampira sa paligid ng sasakyan at tumalon para siguro atakihin si Eton.

Baby E, please be safe.

Bad Blood/Bad RomanceWhere stories live. Discover now