13

12 0 0
                                    


Bata pa lang ako nahilig na ko sa musika. Hilig na hilig kasi ni papa na magpatugtog sa bahay. Spiral Staircase, The Beachboys, minsan may Elvis pero talagang mas hardcore fan sya ng Beatles. Kumpleto niya ata plaka nun, kung hindi man, meron siyang ilang tape, may mga CD din. Kapag aalis kami, Beatles ang pinapatugtog niya sa kotse. Kapag naglilinis siya, Beatles ang pinapatugtog niya. Kahit sa radyo basta Beatles. Pati din sa tuwing maggigitara o magpipiano, tinutugtog niya yun.

Hindi niya man ako direktang inimpluwensyahan, nahilig na din ako sa ganung tugtugan at sa pagtugtog ng mga instrumento. Matapos matanggal ang benda ko sa napilay na braso, dun ako lalong nagkainteres tumugtog ng gitara. Naging mahirap ng kaunti kasi kaliwete ako kaya pinagaralan ko kung paano gamitin ang kanan sa pagtugtog. At nung nagpapaturo na ko kay papa, binigyan niya ko ng songbook at nilagay niya sa pahina kung saan nakalagay ang chord chart. Sa madaling sabi, hindi niya ko tinuruan. Basta ang sabi niya lang sakin, "Wag ka tumugtog gamit ang utak, gamitin mo ang tenga mo," Edi mas lalo akong nahirapan. Kaya nagpursigi ako matuto. Ginagabayan niya lang ako sa tuwing tumutugtog ako. Hanggang sa natuto na ko tumugtog ng tuloy tuloy. Hanggang sa natuto na ko ng mga ad lib. Parokya ni Edgar at Eraserheads ang mga unang inaral ko. Pero may napuna si papa sa ginagawa ko, "Wag mong tugtugin kung hindi mo tatapusin," sabi niya. Nahirapan na naman ako. Pakiramdam ko inaasar niya lang ako. Ayaw niya na nga ako turuan, kung anu ano pa sinasabi niya. Pero ginawa ko pa din sinabi niya, sa tuwing tumutugtog ako, inaaral ko yung buong kanta hanggang sa matapos ko bago magpatutog ulit ng ibang kanta.

Nagiiba iba ang gusto kong tipo ng musika habang tumatagal. O hindi kaya naman nadadagdagan basta may bago at kakaiba sa pandinig ko. Nahilig ako sa Classical Music lalo na nung nauso yung Canon Rock. Nalaman ko na yung pinapatugtog ng kumokolekta ng basura noon ay Fur Elise. Natuto din ako tumugtog ng tinatawag na classical guitar gaya ng Minuet at Romance.

Akala ko dati masyadong baduy yung mga rapper o hiphop songs, yung mga kantang may kasamang rap at malakas na beat pero dumating din yung panahon na nagustuhan ko yung ganitong uri ng musika. Paborito ko yung Tao Lang ni Loonie, maganda kasi yung meaning nung kanta at nakakainspire. Pampagood vibes naman yung Biglang Liko ni Ron Henley, lagi ko yun pinapatugtog bago ako magaral ng konti.

Naadik ako sa mga kanta ni Sam Smith. Syempre dumating ako sa punto na umibig at nasawi. I'm Not The Only One, Lay Me Down – mga kantang pangsenti (at natawa ako dahil naalala ko yung mga araw na yun) Paborito ko yung Leave Your Lover kasi... basta. May mga upbeat din siya tulad ng Restart, La La La, at yung disco version ng Latch. Paborito ko din pala yung Make It To Me, madaming bumabalik na alaala pag naririnig ko yun.

Ang pagdating ng EDM (Electronic Dance Music) talaga ang kinahiligan ko sa lahat. Para sakin bagong "flavor" ng musika ito. Bitter-sweet. Ang lalim at nakakalungkot ang liriko. Karaniwang tema ay tungkol sa pagibig – pagibig na nasawi, pagibig na hindi maari, pagibig na naudlot, na lalapatan ng pangsayaw na beat. Yung mapapaindak o mapapasayaw ka sa kinauupuan mo. Mga halimbawa ng mga paborito ko ay: Never Forget You, Middle, Don't Leave, Nights With You, Starving, at Without You. Maganda din yung mga gawa ni Martin Garrix gaya ng In The Name Of Love, Scared To Be Lonely at There For You. Isa naman sa malapit sa puso ko ay mga gawa ni Jonas Blue gaya ng By Your Side at syempre, ang Perfect Strangers. Ang pinaka gusto ko naman sa lahat ay The Chainsmokers. Until You Were Gone, Inside Out, All We Know, at ang walang kamatayang Closer – na sa lahat ng EDM, pinakapaborito ko kasi... basta.

Sabi ni papa nung bata pa ko "Alam mo ang music, parang time traveling machine," at totoo. Habang sinusulat ko to pinapatugtog ko ang mga nabanggit kong kanta o musika, pakiramdam ko bumalik ako sa nakaraan. Kung ano naaamoy, nakikita, nadidinig o nararamdaman ko noon, kayang pabalikin ng mga kantang naging bahagi ng mga alaala kong yun. At tingin ko papakinggan mo isa sa mga kantang nabanggit ko kasi gusto mo din madama kung ano nararamdaman ko sa tuwing maririnig ito.

Bakit Gusto Mo Na Magpakamatay?Where stories live. Discover now