SIMULA

31 7 9
                                    

NABALOT nang nakabibinging katahimikan ang lahat ng mga tao sa evacuation center. Nagsimula lamang maghari ang katahimikan nang ipakita mula sa screen ng telebisyon ang isang news anchor mula sa isang sikat na balitaan sa Pilipinas. Lahat ay nag-aabang ng isa sa magandang balitang may kinalaman sa siyudad na kanilang tahanan. Lahat ay pinagsakluban ng pag-asang sana ay maibalik na ang kapayapaan sa kanilang bayan.

"Marawi City, idineklarang malaya na ni Pangulong Duterte. Para sa detalye, Shade Umipig ibalita mo," wika ng lalaking anchor na si Glen Jaraba. Mayamaya ay lumitaw na sa telebisyon ang isang field reporter. Kita sa likod nito ang napakaraming sundalong tila mga langgam na nagtitipon-tipon sa harap ng isang entablado kung nasaan ang Pangulong Duterte.

"Ladies and gentlemen, I hereby declare Marawi City liberated from terrorists," maligayang anunsiyo ng Pangulo. Naghiyawan ang mga tao sa evacuation center na parang wala nang bukas. May ilan pang tinakasan ng luha sa saya at mga napatingin sa itaas at nagwikang, "salamat sa Diyos."

Hindi matutumbasan ng anuman ang kasiyahang bumabalot sa puso ng mga tao. Mga taong limang buwang nagtiis sa loob ng mainit at masikip na evacuation center; at araw-araw na umaasang mayroong magandang balitang darating sa lahat.

Sa wakas! Ito na ang araw na kanilang pinakahihintay!

May mga nagkulungan sa kani-kanilang mga bisig at ilan sa kanila ay umiiyak pa rin sa sayang kumukumot sa kanilang mga puso. Lumipas pa ang ilang paglubog at paglitaw ng araw bago sila pabalikin sa kanilang bayan.

Sa kabila ng sayang nadarama ay nadaig ng panlulumo ang karamihan nang makita ang kanilang bayan. Tila naging isang napakalaking tambakan ng mga basura ang Marawi. Mga bahay na hindi na makilala pa, mga yupi-yuping piraso ng yero mula sa mga gumuhong bubungan ng mga bahay, mga gusaling tanging dingding na lamang ang natitirang buhay at mga establisimiyentong tila nilindol o nagulungan ng isang napakalaking truck kaya nagkadurug-durog.

Malaya na nga ang Marawai. Subalit mababakas pa rin ang bunga ng giyera mula sa air strikes, mga butas na dingding na tinagusan ng mga bala, mga durug-durog na dingding na kumumot sa lupa, mga basyo ng bala at mga abandonadong baril at granada.

Nakapanlulumo ang iniwan ng digmaan sa dating tahimik at payapa na siyudad na ngayon ay tila isa ng lugar na inabandona sa mapa. Tila kaunting putukan pa ay mabubura na sa mapa at magiging bahagi na lamang ng kasaysayan.

"Tatay!" iyak ng mga batang naulila ng kanilang mga pinakamamahal na mga amang sundalo. Mga sundalong sinubukang pigilin ang pagguho ng Marawi. Mga sundalong ginawa ang lahat ng makakaya upang masugpo ang terorismo. Mga sundalong sa kabilang putukan at kaguluhan ay tumupad sa kanilang tungkulin at sumuong pa rin sa digmaan.

Gumuhit ang sakit at hinagpis ng mga asawang babaeng nabiyuda ng kani-kanilang mga asawang lalaki habang yakap-yakap ang mga labi ng kanilang pinakamamahal na asawa. Hanggang sa mga oras na iyon at hindi pa rin makapaniwala ang mga asawang babae na sa isang iglap ay mawawalan sila ng katuwang sa buhay.

Basang-basa na ang mga bangkay. Bukod sa nababalutan ang mga ito ng natuyong dugo ay kitang-kita sa kanilang mukha ang mga luhang bakas ng labis na pighati at kirot sa mga puso ng mga iniwang kamag-anak at mga mahal sa buhay. Mga labing may amoy na ngunit hindi alintana ng mga nagmamahal sa kanila.

Nang araw na iyon ay napuno ng hindi mapapantayang sakit, hindi mapapawing mga luha at labis na paghihinagpis ang mga mamamayan ng Marawi. Ngunit higit sa anuman, hindi alam ng mga tao kung paano sila babangon at magsisimulang muli ng kanilang mga buhay.

Ilang linggo pa ang lumipas ay may mga nag-iiyakan na sa gutom. Mga batang namimilipit na sa sakit dahil wala ng maipanlaman sa kanilang mga sikmura. Mga sanggol na humihiyaw na dahil sa gutom at uhaw sa gatas ng kanilang mga ina at mga nanay na wala nang maipasuso pa sa kanilang mga anak.

Watty Writer's Guild Journal 2 Where stories live. Discover now