CHAPTER 2

30 9 8
                                    

Isang gabing madilim, nabulabog ang mahimbing na tulog ng lahat. Ang bayan ng Marawi ay tila pinagsakluban ng langit at lupa. Sunod-sunod na putukan, pagsabog sa parang, takbuhan, iyakan, takot at pangamba ang bumalot sa buong bayan.

"Sa simbahan! Sa simbahan tayong lahat pumunta!" ang paulit-ulit na sigaw ng karamihan.

"Anak, makinig kang mabuti sa sasabihin ni Nanay. Dito ka lang sa sulok ng altar at huwag kang aalis. Kapag umalis ka, magtatampo si Papa Jesus kaya kahit magkagulo na ang mga tao at kahit hindi mo kami makita ay huwag na huwag kang aalis diyan, naiintindihan mo?" bilin ng ina sa pitong taong gulang na batang si Yanna.

"Pero Nay, saan po kayo pupunta ni Tatay? Iiwan n'yo na po ako rito sa simbahan? Nay, 'wag n'yo po akong iwan... sasama po ako sa inyo ni Tatay," naguguluhan ngunit matigas na tugon ng bata.

"Magtago kayo! Nandito na ang mga terorista! Bilisan n'yo, iligtas n'yo na ang mga sarili ninyo!" sigaw ng isa sa mga kalalakihan doon na mas lalong nagpasindak sa mga naroroon.

"Diyos kong mahabagin, iligtas Mo po kami. Ilayo Mo po kami sa kapahamakan lalo na ang mga tulad naming inosente," umiiyak na sambit ng isang ale.

"Tulungan Mo po kami, Panginoon," usal naman ng isang matanda na mahigpit ang kapit sa rebulto ni Sto. Niño.

"Anak, diyan ka lang. Yumuko ka lang at takpan mo ang 'yong mga mata. Anak, sabayan mo si Nanay, okay?
Amazing grace! How sweet the sound..."

"That saved a wretch like me
I was once lost, but now am found
Was blind but now I—
Nay, saan po kayo pupunta? Nay!" lumuluhang sigaw ni Yanna nang maramdaman ang mabibilis na yabag palayo ng kanyang ina.

Napatakip na lang sa bibig ang takot na takot na bata nang masaksihan ang kalunos-lunos na pagpaslang sa kanyang mga magulang. Kitang-kita niya mula sa sulok na kanyang pinagtataguan kung paanong nakipaglaban ang kanyang tatay hanggang kamatayan. Patuloy ito sa pagsalag ng mga atake ng kalaban na may hawak na matalim at matulis na bagay. Pinipilit nitong protektahan ang kanyang ina at iba pang kababaihan. Maya-maya pa, dahan-dahang bumagsak ang duguang katawan ng kanyang tatay sa sahig. Tumingin ito sa direksyon niya at kahit hirap na hirap ay pinilit nitong bumigkas ng mga kataga na hindi niya maunawaan kung ano.

Makalipas ang ilang segundo, nabaling naman ang atensyon ni Yanna sa sigaw ng kanyang ina. Napasiksik pa lalo siya sa kanyang pinagtataguan nang makitang sumentro sa sentido ng kanyang ina ang bala mula sa baril na pinaputok ng taong nakatakip ang bibig. Agad ring bumagsak ang walang buhay nitong katawan sa tabi ng kanyang ama. Impit ang kanyang pag-iyak dahil sa takot na baka makita siya ng mga pumaslang sa kanyang mga mahal sa buhay.

"P-papa Jesus, i-iligtas Mo po ang Nanay at Tatay ko," dalangin niya sa gitna ng mga hikbi.

Kahit nawala na sa kanyang paningin ang mga terorista ay hindi pa rin siya makalabas mula sa pinagtataguan. Patuloy lang siya sa pag-iyak kahit medyo nauubusan na ng hininga.

"Halika bata, sumama ka na sa akin."
Napatingala siya sa nagsalita at nakita niya ang isang lalaking may maamong mukha. Tinitigan niya lang ang nakalahad nitong palad at mas lalo pang nagsumiksik sa sulok.

“’Wag kang mag-alala, hindi kita sasaktan. Dito ako nakatira sa simbahan at 'yong pari kanina, siya ang tatay ko... Tara na," paliwanag nito sa kanya nang mahinuha ang kanyang pag-aalinlangan. Nakita niya rin kanina ang pagkaladkad sa pari na tinutukoy ng nagsasalita kaya medyo napalagay na ang loob niya rito. Nanghihinang lumabas si Yanna mula sa kanyang pinagtataguan at noon lamang siya nagkaroon ng kaunting lakas para daluhan ang mga wala ng buhay na katawan ng kanyang mga magulang.

"Nanay! Tatay! Gumising po kayo diyan! Bangon na po kayo, Tay. Nanay ko, Tatay ko!" paulit-ulit nitong sigaw habang pinipilit yakapin ang mga duguang katawan ng kanyang mga magulang.

Watty Writer's Guild Journal 2 Where stories live. Discover now