CHAPTER 4

21 9 2
                                    

"Kuya, sumama na po kayo sa akin, natatanaw ko na ang susunod na truck," may pag-aalalang sambit ni Angel.

"Huwag na muna, Angel, magiging sagabal lang ako sa'yo," pilipit na pagsasalita ni Christ.

"Kuya, niligtas mo ako. Dahil sa akin kaya napilayan at nasugatan ang katawan mo, ilang araw na ta—"

"Sabihin mo sa kaniyang hahanapin ko siya, mahal na mahal ko siya, okay?" Hindi nito pinatapos si Angel, binigyan lamang niya ito ng isang ngiti pagkatapos bigkasin ang mga huling salita. Naluluhang sinulyapan ni Christ ang litrato bago ibinigay kay Angel.

"Bilisan ninyo! Ilang araw pa bago makakarating ang susunod na truck!"

Agad nagsipuntahan ang mga residente sa truck. Kahit sugatan at nahihirapan nang tumayo ang iba ay pilit nilang iginagalaw ang sarili sa tulong ng mga sundalo.

"Pangako, kuya, pero pakiusap mabuhay ka pa. Salamat." Naluluha nitong iniwanan ang taong nagligtas sa kaniya. Labag man sa loob nito, gagawin niya ang nais ni Christ.

Habang nasa sasakyan, hindi alam ni Angel ang unang iisipin. Nasaan na kaya ang kaniyang Tatay? Pa'no niya ito mahahanap? Napayakap na lamang siya sa kaniyang gitara habang umiiyak.

"Tay, paano ko tutuparin ang pangarap natin kung wala ka sa tabi ko? Bakit ba sa atin nangyayari 'to? Nasaan ang Maykapal nang kailangan ko Siya? Saan tayo nagkulang sa Kaniya?" mga katagang naglalaro sa kaniyang isipan. Lungkot, galit at pagkalito ang namumutawi sa kaniya.

Nagsilbi siyang mang-aawit sa kanilang simbahan, ngunit bakit ito ang ibinibigay sa kaniya ng Panginoon?

"Tumahimik ka nga! Sagabal ka sa mga nagpapahinga!" Napatingin ito sa katapat na babae, bakas sa mga mata nito ang galit at lungkot.

"Pasensya na, yung Tatay k—"

"Hinihingi ko ba ang kwento mo? Sa tingin mo kawawa ka na niyan? Ikaw lang ba, ha!" Naurong lahat ng luha ni Angel sa pagkabigla sa narinig. Ramdam nito ang galit na namumutawi sa babae.

"Mga dalaga, manahimik kayo, sa ganitong sitwasyon hindi iyan nararapat," pagsaway sa kanila ng isang sundalo. Nagkatinginan naman ang dalawa, ngunit agad na nag-iwas ng tingin ang babae.

"Ako si Angel, ikaw?" nag-aalangang tanong niya. Hindi siya nagagalit sa kung anumang sinabi ng dalaga dahil alam niya ang pakiramdam.

"Ako si Nyx, pasensya na, magulo lang ang isip ko ngayon." Hindi siya tumitingin kay Angel dala na rin ng hiya dahil sa ginawa niya kanina.

"Ayos lang, naiintindihan kita. Tulad ng sinabi mo, hindi lang naman ako." Lumapit siya rito at hinawakan ang kamay ni Nyx at ngumiti nang magtama ang kanilang mga mata.
Nang makababa mula sa truck ay idiniretso ng mga sundalo ang mga sugatan sa mga doktor, kasama si Angel.

"Tiya, dito na po tayo maglatag ng hihigaan, babalik po ako. Sasamahan ko lang ang kaibigan ko at kukuha ng makakain," ani Nyx kahit naguguluhan kung paano niya haharapin ang kaguluhang ito. Ipinapakita niya sa kaniyang tiya na ayos lang siya.

Tumakbo ito papunta kay Angel. Hindi niya alam pero magaan ang pakiramdam niya sa dalaga, umaasa siya na sa kabila ng gulo ay makakahanap siya ng kaibigan.

"Sir, ako na pong bahala sa kaniya. Tulungan n'yo na lang po ang iba." Inakay nito si Angel papunta sa mga nurse.

Pagkatapos mabigyan ng paunang lunas ay umalis na sila at pumila para sa makakain.

"Ganun pala ang nangyari sa Tatay mo, pasensya na. Ako kasi hindi ko alam ang ganyang pakiramdam, tiya ko ang nagpalaki sa akin, hindi ko naranasang magkaroon ng Tatay," malungkot na sambit ni Nyx. Bakas sa dalaga na puno ito ng lungkot sa buhay, kaya ibinaling nito ang lungkot sa pamamagitan ng paggawa ng mga tula. Kung hindi lang sana sa kaguluhang ito ay makakapaglabas na siya ng isang koleksyon ng kanyang mga tula. Dahil diyan, napuno muli ito ng galit sa mundo at sa Diyos.

Watty Writer's Guild Journal 2 Where stories live. Discover now