KABANATA 3

21 7 3
                                    

"HINDI pa rin ako makapaniwala! Bakit ganoon na lang ang nangyari kay Aling Yanna? Kawawa naman ang kanyang anak. Sino na lang ang bubuhay doon?" Nalulumong sabi ng isang Ginang sa sinapit ng dating kapitbahay na si Yanna. Na ngayon ay inililibing na ang katawan at pinaglalamayan na ng mga taong malapit sa kanya.

Matapos ang kaganapan kung saan natagpuan ang walang buhay na katawan ni Yanna, agad itong inaksiyunan at binigyan ng maayos na libingan. Sa mga malalapit na tao na siyang naiwan ng Ginang, poot at labis na paghihinagpis ang siyang namayani sa puso ng mga ito.

" 'Yon na nga eh. Hayop ang gumawa nun sa kanya. Mga wala silang awa!"

Matagal bago natapos ang libing. Ang iba sa mga ito ay nagsialisan na ngunit may isa pang taong natitira. Siya ang natatanging taong hindi susuko para sa namayapang kabaryo.

"Yanna, sana matahimik ang iyong kaluluwa. Hayaan mo't ako mismo ang maghahanap ng hustisya sa pagkamatay mo." Naghulog si Shane ng isang kapirasong bulaklak. Matagal bago niya pinasadaan ng tingin  kabaong na ngayon ay unti-unting natatakpan ng lupa. Pagkatapos niyon ay inihakbang na niya ang mga paa palayo rito. Hindi niya hahayaan na ganoon na lamang magtatapos ang lahat. Malaki ang kanyang utang na loob dito dahil ito lang ang tumulong sa kanya nang mga sandaling may kinakaharap siyang napakalaking problema. Sa pagkakataong ito, ipinangako niya sa kanyang sarili na  ibabalik niya ang utang na loob na iyon, kahit ano man ang mangyari. Hahanapin niya ang hustisya pati na rin ang pumatay kay Yanna.

* * *

"Mga hangal! Hindi niyo kasi pinapairal ang mga utak ninyo! Paano na lang kung may nakakita sa inyo sa pagpaslang sa hampaslupang iyon at matunton kayo?! Tapos ano? Sasabihin ninyo na ako ang may kagagawan ng lahat?! Mga estupido!" Aburidong-aburido si Madam Mela habang inilalabas ang galit sa dalawa niyang tauhan. Ilang araw matapos ang libing ni Yanna ay may biglang sumabog na tsismis tungkol sa pagkamatay nito. Kesyo ipinapatay raw niya ito, sa takot na baka magsumbong ito sa gobyerno dahil sa rasyon na hindi niya magawang ibigay nang libre sa mga dukhang mamamayan ng Marawi. Ano sila, siniswerte? Ang pagkaing iyon ay kailangan nilang paghirapan.

Marahas na napabuga ng hangin si Madam Mela. Maayos naman sana ang takbo ng lahat ngunit inataki ng katangahan ang dalawang niyang tauhan. Ngayon, wala na siyang ibang magawa kundi ang umalis sa bayang pinamumunuan ng kanyang mahal na asawa. Kailangan niyang mangibang bansa upang makaiwas sa posibleng pagbibintang na iataw sa kanya. May malaking posibilidad na siya ang pinaghihinalaan sapagkat ilan sa kanyang tauhan ang nakakita na may nagrorondang pulis sa labas ng kanyang tahan. Halos pabalik-balik ang mga ito.

Hindi mapigilan ni Madam Mela ang kabahan at mangamba sa kanyang kaligtasan. Noong una, masaya siya sa kanyang ginagawa dahil akala niya makakakuha siya ng malaking salapi sa pagbebenta ng mga rasyon sa mga mahihirap na nadamay sa giyera. Sa pag-aakalang siya ang unang makakabangon.  Hindi niya inakala na panandaliang kasiyahan lang pala ang lahat.

Nangangamba siya na maaaring makarating ito sa itaas, lalo na kay Pangulong Digong, ang kasakimang kanyang nagawa. Alam niya kung paano ito magbigay ng parusa  sa mga taong nagkakasala lalo na sa sarili nitong bayan. Ayaw niyang matulad sa napaparusahan nito.

"Kapag ito talaga lumabas nang wala sa oras naku! Papatayin ko rin kayo nang wala sa oras!" gigil na sabi ni Madam Mela, saka binigyan ng nagdududang tingin ang mga ito. Sa ngayon, kailangan niyang makasigurado kung mayroon mang taksil ni isa sa mga ito. "Tawagin ninyo ang lahat ng inyong kasamahan! Iisa isahin ko kayo at titingnan ko kung sino ang taksil sa inyo."

Nag-unahang lumabas ang dalawa at wala pang limang segundo ay nakaalis na ang mga ito. Kanyang binuklat ang kanyang pamaypay at mabilis na pinaypayan ang sarili. Kanina pa siya nababahala sa sitwasyon, hindi niya alam ang kanyang gagawin dahil sa tuwing titingin siya sa labas ng kanyang mansyon ay may makikita siyang pulis na nakatambay sa tapat nito. Para nga siyang isang kriminal na gumawa ng isang napakalaking kasalanan. Kahit ano man ang gawin ng mga ito, wala siyang dapat na aminin. Hindi niya kasalanan ang lahat.

Watty Writer's Guild Journal 2 Nơi câu chuyện tồn tại. Hãy khám phá bây giờ