CHAPTER 1

58 9 10
                                    

"Kapopootan kayo ng lahat dahil sa'kin subalit ang sino mang maging tapat hanggang wakas ay siyang maliligtas." (Mateo 10:22)

---

Isang panibagong umaga na naman.
Nagising si Glenn nang tumama sa kaniya ang liwanag na galing sa sinag ng araw.

Walang kibo nitong minasid ang apat na sulok ng silid at pagkatapos ay sa kisame nito idinako ang paningin.
Kasunod noon ay tahimik at taimtim na nanalangin ang binata. Sa huli, isang pasasalamat ang namutawi sa kaniyang isipan.

"Salamat po, Panginoon sa panibagong buhay."

Hindi namalayan ni Glenn na umaagos na pala ang kaniyang luha habang nananalangin at nagpapasalamat sa Diyos. Kahit tapos na kasi ang digmaan sa Marawi ay sariwa pa rin sa kaniya ang mga hindi magandang pangyayari. Mahirap nga namang magpasalamat sa Poong Maykapal kung ganoong sitwasyon ang 'yong kinalagyan.

Sa kabila noon ay hindi magawang isisi ng binata sa Diyos ang mga nangyari, hindi kasi ganoon ang tinuro sa kaniya ng kinagisnan niyang magulang.

Laking simbahan si Glenn. Inaruga, pinalaki at pinag-aral siya ng isang pari. Itinuring siya nitong parang tunay na anak, gayundin naman ang binata, tinuring niyang tunay na magulang ang paring iyon.
Kasabay nang pagpunas ng mga luhang pumatak na ay ang pagbabalik tanaw niya sa nakalipas.

"Madali kayo!" sigaw ng isang lalaki kasama ng iilang tao. Patungo ang mga ito sa Simbahang Katoliko kung saan inaakala nilang ligtas.
Mula sa tuktok ng simbahan ay tanaw ni Glenn at ng pari ang mga taong iyon.

"Tay, saan kayo pupunta?" kinakabahang tanong ni Glenn nang makita ang pari na pababa ng hagdan.

"Tinatanong pa ba 'yan, anak? Siyempre papapasukin natin sila," masayang wika ng ginoo.

Nakakabilib talaga ang kaniyang tatay-tatayan, napakamatulungin talaga nito. Biruin mo 'yon, sa kabila ng lumalalang digmaan ay nakukuha pa rin nitong ngumiti.

"Bilisan mo na at sumunod ka na sa akin sa ibaba," namalayan na lang ni Glenn na wala na pala ang pari sa harapan niya pagkatapos marinig ang mga salitang iyon.

Pababa na sana noon ang binata nang makitang nagkakagulo na sa pintuan ng simbahan. Naroon na ang mga terorista tangan ang mga taong nagtakbuhan kanina patungo sa simbahan, kasama na rin ang kaniyang tatay-tatayan.

Dala ng takot ay nagsumiksik si Glenn sa sulok para hindi siya makita ng mga teroristang halang ang kaluluwa.

Doon ay nasaksihan niya kung paano wasakin ng mga ito ang simbahang itinuring niyang tahanan. Dinuraan, niyurakan at sinunog ang mga imahe ng kanilang Diyos.

Masakit iyon para kay Glenn lalo na nang makita niya kung paano bugbugin ang kaniyang kinilalang ama.

Nais niya man tumulong ay pinangibabawan siya ng napakalaking takot at isa pa, alam niyang wala siyang magagawa.

Namalayan na lang niya na umiiyak na siya dahil sa mga pangyayari. Mas rumagasa pa ang mga luha ni Glenn nang magtama ang mga mata nila ng kaniyang tatay-tatayan, habang binubugbog ito ng mga bandido.
Nakangiti ito sa kaniya at sa wangis ng itsura ng pari ay hindi siya nito sinisisi. Alam ni Glenn iyon sa kaniyang sarili dahil noon pa man ay hindi na siya pinagbuhatan nito ng kamay o sinigawan. Lagi lang ito nagpapaalala sa tuwing may nagagawa siyang pagkakamali.

"Patawad, ama," kasunod ng mga salitang iyon ay ang pagtakas niya sa lugar na iyon.

Bago pa tuluyang makalayo ay nakarinig na si Glenn ng mga sigawan kasabay ng sunod-sunod na putok ng mga baril. Napahinto siya habang takip-takip ang mga tainga.

Watty Writer's Guild Journal 2 Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon