KABANATA 1

24 7 12
                                    

"DOON tayo sa banda roon maghanap ng maaari nating maikalakal para meron tayong maibigay na pera kay Nanay." Yaya ni Bea kay Simon habang magkasabay na naglalakad ang magkapatid patungo sa direksyon ng talahiban.

Dahil magulo pa ang buong lungsod ay nagbaka sakali ang magkapatid na maghanap ng mga mapapakinabangan pang mga gamit na nagkalat sa kalsadang daan. Karamihan sa mga gamit na nakita ng dalawa ay maputik na at sa palagay nila ay hindi na maaaring magamit o maibenta. Kaya napagpasyahan ng dalagitang si Bea na sumubok maghanap sa direksyon ng talahiban.

"Baka mapahamak tayo sa lugar na 'yon. Maputik pa naman at medyo maulan." Komento naman ni Simon habang paparoon na sila sa talahiban.

"Titingnan lang naman natin kung may naligaw na ibang mga gamit doon sanhi ng giyera. Naaawa na rin kasi ako sa Nanay natin dahil bukod sa alam naman nating baon ang ating pamilya sa utang, nakidagdag pa itong pinsala ng giyera sa pinoproblema ni Nanay. Gusto ko lang namang makatulong sa kanya kahit man lang dito sa gagawin nating pangangalakal. Malaking tulong na rin ang kaunting pera na makukuha natin kapag may naipagbili tayong mga gamit na mapapakinabangan pa." Paliwanag ni Bea sa kapatid.

“Basta 'wag tayong lalayo masyado.” Kinakabahan na paalala ni Simon sa kapatid na may pagpayag na rin sa tinig nito. "Hapon na rin. Mag-aalala ang Nanay kung matatagalan tayong umuwi mamaya."

"Oo. Saglit lang naman tayo roon pagkatapos ay sa aalis na rin tayo kapag may makita tayo roon."

Nag-aalinlangan man ay pinili pa rin ni Simon na pumayag at samahan si Bea. Sang-ayon din naman siya sa naisip ng kapatid sa nais nitomg mangyari. Gusto rin niyang makatulong sa kanilang ina upang kahit paano mabawasan ang mga iniisip nito.

* * *

Gaya nga ng napagkasunduan nina Bea at Simon, naghanap nga sila sa talahiban ng mga naligaw na gamit na maaari nilang maibenta. Hindi naman sila nabigo sa paghahanap dahil may mga nahanap naman sila tulad ng mamahaling cellphone na gumagana pa kahit na basag na ang makapal na protector, mga maruruming damit na maaari pang magamit kung idadaan sa matiyagang paglalaba at marami pang iba.

"Kapag naibenta na natin ang mga ito, tiyak ko na  matutuwa si Nanay at meron na tayong maipanlalaman sa ating sikmura." Ani Bea habang patulong laang ito sa paghananap na ginagawa.

"Ang sabi ni Madam Mela ipamimigay daw niya ang mga relief goods pero hanggang ngayon parang wala pa ring nangyayari. Parang hindi ko maramdaman kung binabahagi na ba nila sa mga tao ang mga relief goods na pinadala ng ating Pangulo."

"Baka inaayos pa nila ang mga relief goods para kapag ipinamahagi na sa atin eh hindi magkakaroon ng kaguluhan. Lahat tayo ay apektado ng giyera at alam kong lahat tayo ay umaasam din na maambunan ng kaunting biyaya."

"Pero naiinip na rin ako—"

Huminto sa pagsasalita at paglalakad si Simon nang makabangga ang kanyang paa ng isang matigas na bagay. Bahagyang yumuko si Simon upang nakita ang bagay na nabangga ng kanyang paa.

Isa palang sako.

Ngunit mas lalong nagtaka si Simon nang mapansin nitong tila hindi putik ang mantsang nakadikit sa sako.

Inilapit pa lalo ni Simon ang sarili nito sa sako at napangiwi nang maamoy nito ang kasula-sulasok na amoy.

Tila amoy 'yon ng isang bangkay na matagal nang naaagnas at nakumpirma rin ni Simon ang kanyang hinala nang matitigan nito nang mabuti ang inakala nitong putik na mansta sa sako.

Isa iyong dugo!

Maaaring matagal na ang dugo na iyon kaya natuyo na iyon at napagkamalan ni Simon na putik.

Watty Writer's Guild Journal 2 Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon