Prologue

11.1K 149 19
                                    

1990

NAPATAYO si Jerry nang makitang lumabas mula sa emergency room ang kaibigang doktor. "Kumusta ang anak ko, Jerry?"

Nakahinga siya nang maluwag nang ngumiti ang kaibigan. Ito ang doktor na tumingin sa kanyang anak pagkatapos na mag-overdose ng sleeping pills. Mabuti na lang at naisipan niyang silipin si Amanda bago matulog. Nakita niya ang anak na walang malay sa kuwarto nito, may kung anong lumalabas sa bibig at halos hindi na humihinga. Agad niya itong dinala sa hospital.

"Okay na si Amanda, Jerry. Nagawa naming i-pump ang nainom niyang sleeping pills. Mabuti na lang at nadala mo siya agad dito."

"Salamat, Ariel. Utang ko sa'yo ang pangalawang buhay ng anak ko."

"Nakausap mo na ba ang anak mo, Jerry? Alam mo ba kung bakit niya naisipang magpakamatay?"

Huminga siya nang malalim. "Narinig mo na siguro ang nangyari kay Amanda. Sinubukan ko siyang tulungan pero hanggang ngayon hindi pa rin niya matanggap ang nangyari sa kanya."

Biktima ng rape ang anak ni Jerry may dalawang buwan na ang nakararaan. Ilang beses niya itong pinilit na magkuwento ngunit nanatiling tikom ang bibig nito. Kahit mag-report sa pulis ay todo-tanggi si Amanda. Marahil masyado itong na-trauma kaya ganoon na lang ang pag-iwas nito na pag-usapan ang nangyari. Hindi na rin niya pinilit ang anak na magkuwento. Naniniwala siyang darating ang araw na magsasabi rin ito sa kanya. Ang kailangan lang niyang gawin ay maghintay ng tamang panahon.

Dahil sa nangyari, nagsimulang magbago si Amanda. Ang dating mabait, masayahin, at puno ng buhay niyang anak ay naging bugnutin, malungkutin, at palaging nakamukmok sa bahay. Hindi na ito pumasok sa eskuwelahan. Nasasaktan si Jerry para dito, ngunit kailangan niyang kontrolin ang sariling emosyon at magpakatatag para na rin sa kapakanan ng kanyang anak.

Ginawa na niya ang lahat para matulungan si Amanda. Kumuha siya ng psychiatrist para dito, ngunit hindi ito nakiki-cooperate. Parang nagkaroon ng sariling mundo ang kanyang anak. At ngayon, sinubukan pa nitong magpakamatay. Hindi na niya alam kung paano pa ito matutulungan.

"Buntis si Amanda, Jerry."

Parang may punyal na itinarak sa kanyang puso. Hindi pa ba sapat ang nangyari sa kanyang anak? Bakit kailangang magbunga ang pagsasamantala kay Amanda? Bakit kailangang pagbayaran nito ang nangyari sa buong buhay nito?

"I'm so sorry, Jerry. Sa tingin ko 'yon ang dahilan kung bakit nagtangkang magpakamatay si Amanda."

Nanghina si Jerry at napaupo sa pinakamalapit na upuan. Tumabi sa kanya ang kaibigan. Magaan nitong tinapik ang kanyang balikat. "Magpakatatag ka, Jerry. Para sa anak mo, magpakatatag ka. Sa'yo siya kukuha ng tibay ng loob para harapin ang mga susunod na araw."

"K-kumusta ang b-bata? A-ang apo ko?" Muntik na siyang masamid pagkasabi niya ng 'apo.'

"Maayos ang baby. Malakas ang kapit niya. Bukas puwede nang lumabas si Amanda. Mas makakapagpahinga siya sa bahay. May kakilala akong OB. I suggest dumaan kayo sa clinic niya. Makakatulong ang mga irereseta na gamot kay Amanda para maging maayos ang pagbubuntis niya."

Tumango si Jerry. Tama ang kaibigang doktor, kailangan niyang magpakatatag. Para kay Amanda at para sa apo niya. Sisiguruhin niya na iyon na ang huling beses na dadalhin niya sa hospital ang anak. As for his future granddaughter or grandson, anuman ang sirkumstansiya ng pagdating nito sa mundo, mamahalin niya ito nang buong puso.


---------------------------------------------------------------------------


Love On Air 2: Araw Gabi (Completed: Published by PHR, 2015)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon