Chapter Three

4.2K 85 0
                                    

"ANO'NG sabi mo, Jammy? Tama ba ang narinig ko na sasali ka sa COCC?"

Muntik nang mapailing si Jammy sa exaggerated na reaksiyon ng kaklase at kaibigan niyang si Jasmine. Nakasanayan na nitong tawagin siyang 'Jammy.' Masyado raw kasing mahaba ang pangalan niyang Jamaica. Kasalukuyan silang nasa labas ng classroom nila at nagpapalipas ng oras. May sampung minuto pa bago magsimula ang susunod nilang klase.

"Opo, sasali ako sa COCC. Heto nga, o, kumuha ako ng application form. Isa-submit ko na lang mamaya pagdaan ko sa COCC office."

Mabilis na inagaw ni Jasmine ang hawak niyang papel. Akmang pupunitin nito ang papel nang mabilis niya iyong inagaw mula sa kamay nito. "Jasmine! Huwag mong punitin 'yan!"

"Nakalimutan mo na ba? Bawal sa 'yo ang naiinitan, Jammy! Paano ka sasali sa COCC, ha? Hindi mo ba alam na sa ilalim ng araw sila nagte-training? Hindi mo ba alam na karamihan sa activities nila, eh, naka-expose sa araw? Paano mo matatagalan ang training kung hindi ka puwedeng naiinitan?"

"Kakayanin ko, Jas."

Si Jasmine ang nag-iisang kaibigan ni Jammy. Ang kaibigan din ang muse ng klase nila. Noong mga unang araw niya, palagi itong lumalapit sa kanya at hinihila siya sa kung saan-saan. Ang akala niya ay pinagti-trip-an lang siya ni Jasmine katulad ng iba. Pero sa isang buwan niya sa St. Agustin, napatunayan niya na sincere ito sa pakikipagkaibigan sa kanya. Si Jasmine ang naging replacement ng ate niya dahil ipinagtatanggol siya nito kapag may nanunukso sa kanya.

"Ano'ng pumasok sa isip mo at gusto mong mag-COCC?"

"I'm already sixteen, Jas. At sa loob ng sixteen years, palagi na lang akong nagtatago. Ang lolo ko at si Ate, at ngayon pati ikaw, palagi n'yo akong ipinagtatanggol sa mga tao. Pagod na akong maging mahina. Gusto kong maging matapang. Sa COCC, tuturuan nila akong maging matapang. Tuturuan nila akong maging disiplinado, tumaas ang self-esteem ko, at ipaglaban ang mga karapatan ko. Hindi puwedeng habang-buhay na lang akong umasa sa ibang tao. I should face my own fears. And I should start somewhere. Itong COCC, makakabuti ito sa akin. Naniniwala akong malaki ang maitutulong nito sa akin."

Umiling si Jasmine nang paulit-ulit. "You're a fool. Paano 'yon makakabuti sa 'yo? Pagti-trip-an ka lang ng mga officers. Sigurado ako na isa sa ipapagawa nila sa 'yo ay ang magbilad sa araw. Bago matapos ang training, hindi na kita kilala sa dami ng rashes mo sa katawan."

Naalala ni Jammy ang ate niya. Ganitong-ganito ang kapatid kapag pinapagalitan siya, kapag may gustong ipunto sa kanya. Iyon din ang pagkakataon na napatunayan niya sa sarili na totoong kaibigan si Jasmine. Dahil kung hindi, hindi siya nito papagalitan katulad ngayon. Kung makikilala ng ate niya si Jasmine, sigurado siyang magkakasundo ang dalawa.

Hindi lingid sa kaibigan ang allergy niya sa araw. Isa iyon sa itinanong nito sa kanya noong una silang nagkakilala. Si Jasmine lang ang matapang na tumabi sa kanya noong first day nila. Sinabi niya rito ang tungkol sa sakit niyang polymorphic light eruption o PMLE. Nagulat siya nang sa halip na iwasan siya katulad ng iba nilang kaklase, nakipagkaibigan ito sa kanya. Pinatunayan nito sa pamamagitan ng pakikipaglapit sa kanya na hindi nakakahawa ang sakit niya. And for that, she was very thankful.

"I'm sorry, Jas, pero buo na ang desisyon ko. Sasali ako sa COCC. There's nothing you can do or say to change my mind."

"Ang tigas talaga ng ulo mo. Paano mo sasabihin sa lolo at ate mo ang gagawin mo? For sure, hindi sila papayag na mag-COCC ka. Baka ikulong ka nila sa bahay at hindi ka na papasukin."

"Hindi ko muna sasabihin sa kanila. Saka na. Maghahanap ako ng magandang timing."

Hindi gusto ni Jammy na maglihim sa lolo at ate niya pero gusto niya talagang sumali sa COCC. Naniniwala siyang makakabuti sa kanya ang pagsali roon. Pagod na siyang maging mahina. Pagod na siyang magtago sa mundo, sa likod ng lolo, kapatid, at kaibigan niya. Gusto na niyang maging matapang. Hindi puwedeng habang-buhay na lang siyang aasa sa ibang tao. Hindi puwedeng habang-buhay na lang siyang pabigat. Kailangan niyang harapin lahat ng takot at kahinaan niya. Kailangan matuto siyang ipagtanggol ang sarili.

Love On Air 2: Araw Gabi (Completed: Published by PHR, 2015)Where stories live. Discover now