Chapter Six

3.7K 84 0
                                    

"PASOK po kayo, Sir. Ikaw rin, Joshua."

"Okay lang ba, Maica? Nakakahiya sa lolo mo."

Napatingin si Jammy kay Joshua. "Mabait si Lolo. Sigurado akong magagalit pa 'yon sa akin kung paalisin ko kayo agad."

Pinatuloy niya sina Joshua at Sir Tolentino sa sala. Agad niyang dinulutan ng makakain at maiinom ang dalawa.

"Ikaw lang ang tao ngayon dito?" tanong ni Sir Tolentino sa kanya.

"Baka mamaya pa po umuwi si Lolo. Abala po kasi siya sa palaisdaan."

"Naalala ko nga palaging busy ang lolo mo noon sa palaisdaan ninyo. Hanggang ngayon pala dala niya ang ugali niyang iyon."

Tumango siya. "'Yong kakambal ko naman po," tumingin siya sa suot na relo. "darating na rin po siya."

Namutla si Sir Tolentino. Hindi alam ni Jammy kung ano sa sinabi niya ang dahilan ng pamumutla nito. "May kakambal ka?"

Ngumiti siya. "Si Ate Jaime po. Matanda siya sa akin ng isang minuto. Close po kami ni Ate. But unlike me, wala po siyang allergy katulad ng sa akin."

"That's so cool. I wanna meet your twin sister one of these days," ani Joshua.

"Sigurado akong magkakasundo kayo. Naikuwento na kita sa kanya."

Namula ang binata habang napapakamot ng ulo. Parang ninerbiyos ito na hindi niya maintindihan.

"Maaari ko bang makita ang pictures ninyong magkapatid?" tanong ni Sir Tolentino. Nagtaka man pero kumuha na rin si Jammy ng photo album at ibinigay dito. "Thanks."

Hindi niya maipaliwanag ang expression ng mukha ni Sir Tolentino habang pinagmamasdan ang mga larawan nilang magkapatid. Naroong ngingiti ito pagkatapos ay malulungkot. Nagulat siya nang Makita na hinahaplos ng kanyang teacher ang larawan nilang magkapatid noong last birthday nila. It was as if he missed a very significant event in his life while looking at their picture.

"Dumating na ba ang magkapatid, Goryo?"

Napalingon si Jammy sa may pintuan. "Dumating na si Lolo."

Hindi nagtagal, nakita niyang papasok ng pinto ang lolo niya. Nagulat siya nang makitang nakasunod sa matanda ang kanyang mama. Bigla niyang naalala ang sinabi ng kapatid. Totoo palang dumating na ang kanilang ina mula Australia.

"Tingnan mo kung sino ang sorpresang bumisita sa akin sa palaisdaan, apo. Sa tagal niyang nawala, ang akala ko hindi na niya alam ang daan pauwi sa atin," anang lolo niya. Natigilan ito nang makitang may kasama siya. "May bisita ka pala, apo."

Lumapit siya at nagmano. "Nasiraan po si Mang Goryo at hindi ako nasundo. Sina Joshua at Sir Tolentino po ang naghatid sa akin pauwi."

Lumapit si Joshua sa kanyang lolo. Sa gulat niya ay nagmano rin ito sa matanda. "Magandang hapon po, Sir. Ikinagagalak ko po kayong makilala." Pagkatapos magmano, kinamayan ni Joshua ang lolo niya na ikinasorpresa nilang lahat.

"Ikinagagalak din kitang makilala, hijo." Sa pagkakangiti ng lolo niya, sigurado siyang nagustuhan nito si Joshua.

Mula kay Joshua, lumipad ang tingin ng lolo niya kay Sir Tolentino. Nagsalubong ang mga kilay nito.

"Magandang hapon po-"

Natigil si Sir Tolentino sa pagsasalita nang biglang magsalita ang ina ni Jammy. Dahil natural na maputi, kitang-kita ni Jammy ang pamumula nito. "Ano'ng ginagawa mo dito? Ang kapal din ng mukha mong pumunta rito!"

Love On Air 2: Araw Gabi (Completed: Published by PHR, 2015)Where stories live. Discover now