Part 4

1.1K 22 0
                                    

"SAAN ka ba nanggaling?" ang bungad na sita sa kanya ni Tristan nang makalapit sa okupadong mesa ng mga ito.
Magsasalita sana siya pero mabilis siyang naunahan ni Joy. "Nakita ko siya may kausap na gwapong lalaki! And take note nakasalamin ang boylet niya!" ang madaldal nitong siwalat.
Pinanlakihan niya ang mata ang kaibigan. "Ano ba!" aniya pa.
"Totoo ba iyon?" ang seryoso at salubong ang mga kilay na tanong ni Tristan. "sino? At anong pangalan niya?" ang magkasunod pa nitong muling tanong.
"A-Ah, a-ano k-kasi" ang nauutal niyang sabi.
"Never mind" ani Tristan na iwinasiwas ang isang kamay saka tumayo. "Anong gusto mong kainin?" tanong pa nito sa kanya.
Nagkibit siya ng balikat. "Kahit ano, ikaw na ang bahala" aniya sa binatang kasunod ang dalawa pang kaibigan.
Nang mapag-isa ay muling nagbalik sa isipan niya ang gwapong mukha ni Lawrence. Hindi niya maiwasan ang kiligin kapag naiisip ito. Dahil kahit sabihing gwapo rin naman ang bestfriend niyang si Tristan, pero iba ang dating sa kanya ng karisma ni Lawrence.
"Ayokong nilalapitan ka ng kahit sino Anya, at isa pa kung mayroong gustong manligaw sa'yo alam mo ang rules ko, gaya nung high school pa tayo. Ipakilala mo muna sa akin okay?" ang awtorisadong tinig ni Tristan habang inaayos sa harapan niya ang pagkaing binili nito para sa kanya.
Natawa siya sa sinabing iyon ng binata. "Para namang may pumasa na sa taas ng standard mo!" aniyang pabirong inirapan ang kaibigan nang masulyapan niyang nakatingin ito sa kanya. Iyon ang dahilan kung bakit hindi parin siya nagkakaroon ng nobyo, dahil walang pumapasa sa standard ng bestfriend niya na mistulang quality control sa isang pabrika.
"Basta, wala ng maraming reklamo. Sige na kumain kana, basta ang usapan ay usapan, ang rules ay rules. Sumunod ka nalang para hindi tayo magkaproblema okay?" mando nito sa kanya.
Walang imik niyang sinimulan ang pagkain. Kahit hindi niya aminin, alam niya sa sarili niyang may mga pagkakataong nasasakal siya sa ginagawang pakekealam sa buhay niya ni Tristan. At hindi niya maintindihan kung bakit kailangan nitong gawin ang mga bagay na ginagawa nito dahil kung tutuusin ang pagkakaibigan ay may limitasyon naman.
May mga pagkakataon na gusto niya itong pagsabihan. Gusto niyang kausapin itong nasasakal at nagigipit na siya, pero dahil nga sa malubhang sakit na taglay nito ay hindi niya iyon magawa. Kaya nagpapasensya nalang siya.
"I know you heard me, bakit wala akong narinig na sagot?" anito sa karaniwan nitong istriktong tinig.
"Oo na po sir, masungit" aniyang inirapan pa ito.
Nangingiting kinurot ng binata ang tungki ng kanyang ilong. "Sige na kumain kana. Saka iyong lalaking sinasabi ni Joy, anong pangalan? Ipakilala mo sakin ah?"
Nagkibit siya ng balikat. "Kung magkikita pa kami" aniya.
ONE MONTH LATER
"GWAPO na romantic pa!" ang kinikilig na turan ni Lea, isa sa mga kaklaseng babae ni Anya.
"Kung ako ang girlfriend mo, hay naku wala na akong mahihiling pa!" si Janice naman iyon saka inilapit sa mukha nito ang hawak na campus journal at matunog na hinalikan. Doon natatawa niyang nilapitan ang dalawang kaklase.
"Anong nangyayari sa inyo?" ang amuse niyang tanong.
Umikot ang mga mata ni Lea habang nakangiting nakatingala sa kanya. "My god Anya hindi mo ba alam? Ah, baka hindi mo pa nababasa ang unang issue ng campus journal natin para sa sem na ito?" anito sa tinig na hindi makapaniwala.
Umiling siya. "Hindi pa nga, bakit ano bang meron?" aniyang kinuha sa kaklase ang hawak na dyaryo.
"Tingnan mo, hindi ba ang gwapo? At siya ang nagsulat ng tulang iyan! Bukas! Sana ikaw nalang ang bukas ko!" si Janice iyon na sinundan pa ang sinabi ng isang impit na tili kaya siya natawa.
Hinarap niya ang dyaryo ilang sandali pagkatapos para lang matigilan nang makilala kung sino ang tinutukoy ng dalawang kaklase. Walang iba kundi si Lawrence. Nasa ilalim ng title ng tula ang picture nito. Totoo naman, napakagwapo kaya agad na bumilis ang tahip ng kanyang dibdib at nagmamadaling naupo at nagbasa.

"Bukas"

Mula't sapul batid ko na
Pag-ibig mo sa aki'y maaaring mag-iba
Kahit alam kong masasaktan ako ng lubusan
Ibibigay ko parin ang iyong kalayaan

Kapag dumating ang araw at hindi kana mangiti
At ang puso mo sa iba na nakatali
Lumuha man ako ay ngingiti paring pilit
Kahit sa puso ko ay dama ang sakit

Aminin man o hindi sa dibdib ay may kaba
Na baka sa buhay ko ika'y pansamantala
Baka bukas makalawa ika'y magbago na
At tuluyan na ngang ako'y lisanin na

Kung ang araw mang iyon na kinatatakutan ko
Ay kinakailangang dumaan sa buhay ko
Anong aking magagawa kung ito ang kapalaran
Tatanggapin ng maluwag kahit ako'y mahirapan

Bukas kapag ika'y lumisan na
Bukas kapag ika'y nakalimot na
Basahin mo ang tulong ito
Patunay lamang na minahal kitang totoo

At sa mga darating pang bukas ng aking buhay
Sana makita ko ang bagong bukas
Nang sa piling mo nawa ako ay mahimlay
At magising na mukha mo ang magigisnan

Parang wala sa sarili niyang ibinaba ang hawag na dyaryo habang matamis ang pagkakangiting hinarap si Lea. "Pwede bang akin nalang ito?"
Makahulugan ang ngiting pumunit sa labi ng kamag-aral. "Okay" ang maikli nitong sagot.
Tumango siya. "Thanks" aniyang bumalik na sa kinauupuan dahil nagsimula naring magdatingan ang iba pa nilang mga kaklase. Habang sa isip niya, ngayon pa ba niya itatanggi na crush niya si Lawrence? Kung hindi, anong dahilan ang mayroon siya kaya plano niyang gupitin ang isinulat nitong tula at idikit iyon sa kanyang diary?
Hindi malalaman ni Tristan. At kung sakali, siguro naman maiintindihan niyang tao lang ako at gaya ng iba marunong ding humanga, marunong ding ma in love. Sa huling naisip ay lihim siyang napangiti.

JOURNEY TO FOREVER (TIMELESS ONES SEQUEL: UNEDITED_ TO BE PUBLISHED UNDER PHR)Where stories live. Discover now