Part 5

1.1K 22 12
                                    

"SA library, sige bye" at nang maputol ang linya ay saka nagmamadaling pumasok ng silid-aklatan si Anya. Si Tristan ang kausap niya, ayon sa binata ay nagmeryenda lang raw ito kasama ang nobya nitong si Nathalie at pagkatapos ay pupuntahan siya sa library.
Ang dulong mesa ang pinili niya dahil nakita niyang bakante iyon. Ilang sandali siyang nag-stay nang walang ginagawa at nang makaramdam ng pagkainip ay tumayo at minabuting maghanap ng libro. Nang magbalik sa iniwang pwesto ay napigil ang mga hakbang niya nang makilala kung sino ang nakaupo doon.
Kahit nakatagilid ang anggulo, talagang gwapo ka!
Agad na niragasa ng matinding kaba ang kanyang dibdib. Nagdadalawang isip kung babalikan ba niya ang kaninang pwesto o hindi na? Nang makitang nandoon at nakapatong ang diary niya ay napangiwi siya. Saka lakas-loob at malalaki ang mga hakbang na nilapitan ang iniwang mesa.
Noon naman mula sa pagkakasubsob sa sinusulatang papel ay nagtaas ng ulo nito si Lawrence. At kagaya niya, awtomatiko rin ang pagpunit ng mga labi nito nang makita siya. Bagay na humaplos at nagdulot ng kakaibang kilig sa kanyang puso.
"Hi!" ang halos magkapanabay pa nilang bati sa isa't-isa.
Natawa siya ng mahina saka nagbaba ng tingin habang kagat ang pang-ibabang labi. Naiilang siyang naupo sa kaninang binakanteng silya katapat ng okupado ng binata. "Sa'yo pala iyan, akala ko naiwan ng ibang estudyante" simula ni Lawrence sa kanya sabay sandal ng likod sa sandalan ng upuan.
Tumango siya. "O-Oo, diary ko" sa huling sinabi ay napuna niya ang amusement sa mga mata ni Lawrence.
Tumawa ng mahina ang binata saka ibinalik ang pansin sa ginagawa. "Mabuti nalang pala hindi ko binuklat, kung sakali nabuking na kita kung sino ang crush mo" sa pagbanggit ng salitang crush ay nagtaas ng ulo nito si Lawrence saka siya nakangiting pinakatitigan.
Napigil ang paghinga niya sa titig na iyon ng binata. Pero sa kabilang banda ay minabuti parin niyang magsalita. Hindi niya tiyak kung bakit, marahil dahil sa kagustuhan niyang huwag mahalata? Parang napaka-defensive naman yata niya?
"W-Wala akong crush!" pagsisinungaling niya.
Umangat ang makakapal na kilay ni Lawrence sabay napatuwid ng upo. "Really? Bakit naman?" sa tono nito halatang hindi ito kumbinsido sa sinabi niya.
Mabilis siyang nag-isip ng pwedeng isagot. "A-Ayaw kasi nung bestfriend ko!"
"Ayaw nang bestfriend mo? Bakit?" ang hindi makapaniwalang tanong ulit ng kaharap.
Nagbuka siya ng bibig para magsalita pero napigil iyon nang mula sa kanyang kinauupuan ay natanawan niyang pumasok si Tristan. "H-Hayan na pala siya!" aniyang mabilis na tumayo.
CURIOUS na nilingon ni Lawrence ang papalayong bulto ni Anya para lang masorpresa nang makilala ang sinasabi nitong bestfriend nito. "Tristan?" ang hindi makapaniwala niyang turan saka tumayo para habulin ang mga ito.
"Tristan!" pababa na ng hagdan ang dalawa nang abutan niya. "Anya!"
Nakita niyang nagsalubong ang mga kilay ni Tristan bagaman nakangiti itong humarap sa kanya. "Lawrence, may kailangan ka?"
"I-re-remind lang kita doon sa report natin bukas" aniyang sinulyapan si Anya na maiilap ang mga matang umiwas ng tingin sa kanya.
Tumango ito. "By the way, narinig kong tinawag mo ang pangalan nitong si Anya, magkakilala na ba kayo?"
Noon sumabad sa usapan si Anya kaya hindi na niya nasabi ang gustong sabihin. "O-Oo, siya iyong sinasabi ni Joy" naguluhan siya sa narinig na panginginig ng tinig ni Anya.
"Ah, okay" si Tristan na inakbayan si Anya at kinabig palapit rito. "sige pare mauna na kami" paalam nito saka mabilis na iginiya pababa ng hagdan ang kasama.
Hindi niya hiniwalayan ng tingin ang dalawa, umaasang lilingunin siya ni Anya, at hindi nga siya nagkamali. Nakangiti niya itong tinanguan at gumanti rin naman ng ngiti sa kanya ang dalaga. Habang sa isip niya, mukhang hindi magiging madali ang lahat.
"SO, siya pala iyong lalaking sinasabi ni Joy na kausap mo noong isang araw?" seryosong tanong sa kanya ni Tristan.
Kinakabahan siyang nagbuka ng bibig at nagsalita. "Aksidente lang naman iyon, nagkabanggaan kasi kami kaya lang nauwi sa maikling kwentuhan" pagsasabi niya ng totoo habang pilit na itinatago ang inis para sa kaibigan.
"Style iyon ng ibang lalake kapag type nila ang isang babae. Baka sinadya niyang banggain ka kasi gusto ka niyang kausapin" nasa tono ni Tristan ang matinding paghihinala at hindi niya nagustuhan iyon.
"Ano ka ba, huwag mo ngang pag-isipan ng masama iyong tao. Saka wala ka naman doon nung nangyari iyon kaya huwag kang magsalita ng ganyan!" nasasaktan talaga siya para kay Lawrence kaya hindi niya napigilang ipagtanggol ito.
"Basta, huwag kang naglalalapit sa lalaking iyon, hindi ko gusto!" ang kaibigan niyang tila walang narinig na sinabi niya kaya minabuti niyang manahimik nalang.

JOURNEY TO FOREVER (TIMELESS ONES SEQUEL: UNEDITED_ TO BE PUBLISHED UNDER PHR)Where stories live. Discover now