Chapter 15 - The Restroom Love Affair

11.9K 450 252
                                    

Eros

Napatungo ako nung umalingawngaw muli sa auditorium ang mabilis at malakas na palakpak ni Direk. Senyales na tumigil kami sa pag-arte dahil may mali kaming nagawa. Sa pagkakataong ito, ako ang nagkamali. Kanina pa.

     "Anong problema, Eros?" tanong ni Direk. Nasa may dulo sya ng entablado, nakahalukipkip dahil sa kapalpakan ko. "Kung kailan ikaw ang bida tsaka naman nawala ang galing mo."

     Tumayo ako mula sa pagkakaluhod sa harapan ng nakaupong si Yna. Scene 14 kami ngayon, ang eksena kung saan ko iniwan si Zach kahapon.

     Nitong nakaraang linggo walang napuntahan ang praktis namin. Tuwing kaharap ko sya parang nasisira ang koneksyon ng mga neurons ko. Nawawala ang isip ko sa kasalukuyan at napupunta sa gabing ayaw kong balikan.

     Biglang lumitaw si Dan sa ibaba ng stage, nakatingala kay Direk. "Sabi sayo, Direk, hindi nya kaya magbida," sabi nito. "Kinakabahan sya kay Mario, nakita naman natin yun nung audition nya. Ako na lang ulit, nagpraktis ako nang mabuti kay Mario nitong nakaraang linggo."

     Binigay ni Direk ang atensyon kay Dan. "Ah, ganun?" tanong nito na tinanguan ni Dan. "Kapag hindi mo nagampanan si Simion nang matino ngayon pagpapalitin ko kayo ni Joseph, ikaw na kay Anselmo."

    "Ngayon ka pa talaga kinakabahan, Eros?" tanong ni Yna.

     "Ha? Hindi."

     "Kung saan-saan napupunta ang mata mo," sabi ni Yna. "Tapos sobrang lamig ng kamay mo."

     Hindi ko magawang tumanggi dahil totoo ang mga sinabi ni Yna. Hindi ako makatingin nang diretso sa kanya. Hindi ko maibigay ang hinihingi ng eksena. At sigurado na hindi ito dala ng kakulangan ko sa matinong praktis.

     "Ganito na lang." Pinatong ni Yna ang isang kamay sa balikat ko. "Isipin mo na lang na ako yung taong mahal mo para hindi ka mahirapan. O kaya ka nahihirapan kasi crush mo ako."

     Nanlaki ang mata ko. "Oy! Hindi, ah."

     "Okay, sabi mo, eh," natatawa nyang sagot.

     "Kayong dalawa dyan," pagkuha ni Direk sa atensyon namin. "Handa na. Eros, ayusin natin."

     "Yes po, Direk," sagot ko bago sumunod sa pag-upo ni Yna sa stage.

      Isipin mo na lang na ako yung taong mahal mo. . . Parang imposible ang payo ni Yna. Wala naman kasing tinitibok ang puso ko ngayon.

     Hinagilap ko na lang si Mario sa sistema ko kung nasaan man sya. Kailangan kong maayos ito o baka mawala na naman sa akin si Mario.

     "Elena, anong gumugulo sa isip mo?" tanong ko. Tinuon ko ang tingin sa ilaw sa gitna ng auditorium, iyon ang buwan ngayon.

     "Ikaw," sagot ng Dyosa. Sa gilid ng aking paningin, nakita ko ang paglingon nya sa akin. "Ibig kong malaman, nagmahal ka na ba nang tunay, Mario?"

     Sinagot ko ang tingin nya at nginitian si Elena. "Bago ka?"

     "Kaduda-dudang tunay na pagmamahal yan, Mario," sagot ng Dyosa kasabay ng pag-iwas ng kanyang tingin. "Sandali pa lamang tayong magkakilala."

The Bathroom Love Affair (Published Under Pop Fiction)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon