Chapter 26 - Icecream

11K 505 263
                                    

Eros

Napatayo na lang ako sa gitna ng malawak na pasilidad. Malalim ang paghinga dahil sa pagtakbo mula labas, umaasang maaabutan pa sila Zach sa kabila ng halos isang oras na huli ng pagdating namin.

     Paulit-ulit na sinabi ko sa sariling naipit din sila sa traffic. Pwede iyong mangyari, may tsansa na mahuli rin sila. O kaya delay ang flight. Palagi namang nangyayari iyon sa Pinas. Iyon ang mga natitirang apoy na nagpakilos sa akin kanina, na ngayon ay wala na.

     Napunta ang tingin ko sa departure board. Lalo akong nanlumo sa nakita. Alam kong huli na kami, pero iba kapag sinampal ka ng katotohanan.

     Bumigay ang kontrol ko kasabay ng pag-asang muli ko pa syang makikita. Kumawala ang luha kasama ng mga katagang 'mahal kita.' Para saan pa ang mga salitang iyon kung hindi na masasabi kay Zach?

     May ilang nagbigay sa akin ng sandaling tingin pero wala akong paki-alam. Wala na si Zach. Ang taong bubuo sa buhay ko ay tuluyan nang naglaho.

     Parang kinuha ang puso ko nang walang kalaban-laban-mali, pinili kong hindi lumaban. Nararapat lang sa akin ito, pero hindi kay Zach. Yumakap ang sakit kasama ng paalala na ako ang nagdulot nito sa aming dalawa. Iniwan ko sya sa laban na dapat ay hinarap naming magkasama.

     May ilang linggo ako upang sabihin sa kanya ang tunay na nararamdaman ngunit hirap ang binigay ko. Ilang beses syang nagmakaawa at ilang beses ko rin syang tinaboy. May hanggang kaninang umaga ako upang pigilan sya pero sarili ang inisip ko.

     Tumatakbong dumating si Chris mula sa labas matapos iparada ang sasakyan. Hindi na nya kailangan magtanong, sinasabi na ng pag-iyak ko ang lahat. "Eros," marahan nyang sambit.

     Yinakap ko sya nang mahigpit. Alam kong hindi ito patas para kay Chris ngunit kailangan ko ng masasandalan. "Wala na sya Chris at kasalanan ko kung bakit." Binuhos ang lahat ng sakit, panghihinayang, paghihirap at galit sa sarili. "Mahal ko sya pero naging mahina ako, Chris. Naduwag ako. Kasalanan ko, Chris. Kasalanan ko."

     "Shhh," pag-aalo nya. "Wag mong sisihin ang sarili mo. Balido ang dahilan kung bakit mo ginawa yun. Wag mong ibunton ang sisi at dagdagan pa ang sakit."

     "Siguro nga hindi ako karapatdapat kay Zach dahil hindi sapat ang pagmamahal ko para ipaglaban sya." Deserve ni Zach ang taong kayang tumbasan ang binibigay nya. "Siguro nga hindi pa ako dapat magmahal at mahalin dahil hindi ko pa kilala ang sarili ko."

     Sabi nila kung saan ka nadapa doon ka dapat bumangon. Ngunit hindi sa pagkakataong ito. Si Zach ang mundo ko. Anong saysay ng araw at buwan kung wala na ito?

     "Naintindihan kita, Eros, alam mo yan. Pareho tayo ng sitwasyon," sabi ni Chris. "Hindi umayon sa atin ang ngayon, pero alam na natin ang gagawin pagdating ng bukas. May natutunan tayo na kapag nagkaroon ulit tayo ng pagkakataon, alam na natin ang gagawin."

     Tumango ako. Sa ngayon iyon ang aking titignan. Hindi ko pa nakikita ang sarili na magmamahal ng iba, at mukhang matagal pa bago mangyari iyon. Pero kung sakali man, kung sino nga ang taong dadating, hindi ko na sya pakakawalan dahil handa na ako.

     Kung si Zach man sya o hindi.

     Kumalas ako sa yakap at pinunasan ang luha. Kung naduwag ako para sa amin ni Zach, kailangan kong maging matapang sa naging resulta noon. Pero parang pagkalunod sa malamig, malalim at madilim na tubig ang lahat. Wala akong ibang nasa isip kundi dapat akong mabuhay sa kahit anong paraan, dapat akong magpatuloy.

     "Tara na?" aya ni Chris.

     Tumango ako. Wala na akong magagawa at pinapaalala lang sa akin ng lugar na ito ang kabagalan ko. Ilang buwan akong nahuli sa paghabol kay Zach.

The Bathroom Love Affair (Published Under Pop Fiction)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon