Chapter 24 - Break a Leg

8.2K 387 166
                                    

Eros

Dumating ang araw ng Sabado. Maaga akong nagising upang maghanda sa gaganaping play. Nae-excite ako, kinakabahan at masaya sa kabila ng lahat. Ito na ang bukangliwayway sa mahaba kong gabi. Sana magtuloy-tuloy na ang pagdating ng umaga.

     "Handa ka na?" tanong ni Zach habang nagpapahinga matapos ayusin ang kanyang damitan.

     Tumango ako. "Oo naman," nakangiti kong sagot.

     Malaki ang tulong ng Mahiwagang Batis nung gumuguho ang mundo namin ni Zach. Marahil dahil naitutuon ko ang buong atensyon dito at panandaliang nalilimutan si Zach; dahil bawat rehearsal ay papalapit sa pagkakataon upang patunayan ko ang sarili, ang resulta ng aking–aming–paghihirap.

     Malamang dahil din kay Dan na napagsasabihan ko ng saloobin at kay Yna na nagpapaalala sa akin ng dapat gawin. May ilang pagkakataon na gusto ko nang sabihin ang totoo sa kanya, na wala talaga akong nararamdaman, idagdag pa ang sinabi ni Zach noong nakaraan, ngunit bumabalik ako sa puntong ayaw kong pakawalan ang sakaling tamang daan.

     "Pupunta ka," sabi ko na kalahating paalala at tanong.

     Tinanguan ako ni Zach. "Nangako ako."

     Hindi ko na alam kung paano pa ilalarawan ang sitwasyon namin. Wala nang salita ang aangkop at sasapat.

     Pagsapit ng tanghali umalis na ako. Pagdating sa auditorium naabutan ko ang mga huling dagdag at pag-aayos sa disenyo ng entablado. Doon pa lang may mga kumukuha na ng larawan.

      Para sa last minute rehearsal namin nagtipon kami sa backstage. Simpleng palitan lang ng linya at huling pagbibigay punto ni Direk. Masasabi kong handa na kami para sa pagtatanghal sa harap ng maraming tao mamaya.

     Sa tinagal-tagal nawala na ang aking kaba. Ayaw kong maging kampante ngunit nitong mga nakaraan ay hindi na ako nagkakamali–naibibigay ko nang maayos ang bawat eksena, bawat emosyon.

     "Nakaka-excite, no?" magiliw na sabi ni Yna.

     "Oo nga," sagot ko habang pinagmamasdan ang mga abala naming kasamahan. "Eto na, ilang oras na lang."

     "May pupuntahan ka ba mamaya pagkatapos ng play?" tanong ni Yna.

     "Meron," sagot ko. Ang totoo wala, uuwi lang kami kaagad ng pamilya ko sa bahay. Isa pa, binabagabag pa rin ako ng mga sinabi ni Zach tungkol kay Yna. Idagdag pa ang kasinungalingan ko kaya lalo akong naiilang sa kanya ngayon. "Nandito sila Mama, eh. Kakain kami sa labas."

     "Talaga?" excited nyang tanong. "Pwede ko ba silang ma-meet mamaya?"

     "Oo naman," sagot ko.

     "Sayang, kung tayo na sana edi family dinner na mamaya," sabi nya. "Pupunta rin kasi sila Mama para manood tapos kakain din sa labas after."

     "Ahh. Oo nga," sagot ko na lang. "Yna, hanapin ko lang si Chris," paalam ko kay Yna. "Sabi nya parating na raw sya, may kailangan ako sa kanya, eh," dahilan ko para makaalis na.

     "Sige," tugon ni Yna. "Aayusan na rin naman ako."

     Palabas na sana ako nung tawagin ng make-up artist upang ihanda sa pagtatanghal. Ilang ayos sa mukha, buhok at pinagpalit ng damit bago pinakawalan. Mabuti na lang magkaiba ang dressing room ng lalaki at babae.

The Bathroom Love Affair (Published Under Pop Fiction)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon