Chapter 7

1.5K 97 24
                                    

"Special delivery po," ani Aileen, ipinatong ang dalang sariwang isda sa lababo.

Si Shaine ang bumili noon sa mga bagong daong na bangka sa pantalan. Maaga silang gumising at pumunta sa tabing dagat para mamasyal at manood ng pagsikat ng araw. Maalam naman magmotor ang kaibigan kaya kahit silang dalawa lang ay nakapunta sila roon. Kahit maalam siyang magmaneho ng kotse ay hindi siya maalam magmotor. Ayaw siyang payagan ng ina niyang mag-aral noon, masyado raw iyong delikado.

"Anong isda ang nabili n'yo?"

"Bukod po sa tilapia, galunggong, tulingan at bangus, wala na po akong kilalang isda. Ang mabuti pa po si Shaine ang tanungin n'yo dahil kahit po sa hito at dalag, nalilito po ako," aniya na ikinatawa ni Tita Celia.

"Matututunan mo naman iyan pagdating ng araw, anak."

"Tingin ko po'y dapat ko nang aralin ngayon pa lang. Baka isauli po ako ng anak n'yo kapag nalamang isda lang ay hindi ko pa kilala."

Muli na namang tumawa si Tita Celia. "Wag kang mag-alala, anak. Tutulungan kita hanggang sa matuto ka."

"Aasahan ko po iyan. Pero wag niyo na po munang maikwento kay Sherwin na wala pa akong masyadong alam sa kusina. Baka mabasted po ako nang tuluyan. Mukhang maselan pa naman 'yong anak niyo," binuksan niya ang gripo at nagsabon ng kamay para mawala roon ang amoy ng isda.

Muling tumawa ang ginang. "Ikaw na bata ka, hindi ko mawari kung ikaw ba'y seryoso o nagbibiro diyan sa panliligaw na iyan."

Ngumiti siya, "Speaking of, nasaan po iyon at nang maumpisahan ko na po ulit ang panliligaw ko sa kanya?"

"Nasa taniman na. Nag-aararo nang pagtataniman ng talong." Nilingon nito si Shaine na bagong pasok sa kusina, "Anak, pakitawag na ang Tatay at ang mga kuya, kakain na tayo. Si Samuel at ang tatay ay nasa taniman ng amplaya, si Sherwin naman ay nasa may taniman malapit sa kamalig."

"Sasama ako. Kusto kong makita kung paano mag-araro," aniya habang nagtutuyo ng kamay.

Sa likurang bahagi ng bahay sila dumaan. At hindi pa man nakalalayo ay tanaw na kaagad niya ang taniman ng ampalaya, "Wow, gan'yan kalawak ang taniman n'yo? Yung mga kalabasa sa likod-bahay nina Kuya Sandro, sa inyo rin?"

"Oo," sagot si Shaine.

Aileen was in awe. Natutuwa rin siya sa nakahilerang puno ng ampalaya at sa nakalawit na mga bunga noon. "Bakit maliliit na ito?" aniya, hinawakan ang isang maliit na bunga. Wala na siyang makitang malaking bunga ng ampalaya.

"Tapos na silang mag-ani," sabi ni Shaine, itinuro ang isang bahagi ng taniman kung saan inipon ang mga napitas na ampalaya.

"Hindi man lang ako naka-experience mamitas nito," aniya habang naglalakad palapit sa tatay nito at kay Samuel.

"Sa susunod ka na lang maki-experience. Kailangan kasing maaga pa lang tapos na pitasin ang ampalaya dahil kapag mataas na ang araw ay nalambot ang bunga ng ampalaya. Hindi na magandang pitasin," ani Shaine bago binalingan ang ama at kuya nito, "Kakain na daw po."

"Naroon si Kuya Sherwin. Tawagin mo na muna, Ate Aileen," ani Samuel, may diin ang pagkakasabi nito ng "ate", ang pagkakangiti rin nito ay nanunukso. Paano'y matapos nilang lumabas ng bahay nina Kuya Sandro ay naikwento na kaagad ni Ate Mildred dito na may ginawa raw silang milagro ni Sherwin sa loob ng nursery.

"Sige, ako na ang tatawag sa future hubby ko," pakikisakay niya bago humakbang papunta sa kamalig na itinuro ni Samuel.

Malayo pa sa kamalig ay nagtaka na siya. Nasabi na ni Shaine dati pa na gumagamit na sila ng traktora sa pagbubungkal ng lupa, pero tahimik doon at wala siyang naririnig na kahit anong ingay ng ano mang uri ng makina.

Spicy Sizzling Love (COMPLETED)Where stories live. Discover now