Chapter 11

1.6K 118 31
                                    

"Ipagpabukas mo na lang kaya ang pag-aayos, anak," ani Tita Celia kay Sherwin na kapapasok lang sa kusina. Ayon dito ay dumating na raw ang inorder nitong piyesa ng traktora na kailangang mapalitan. Sasaglitin daw nito iyon sa bayan at pagkatapos ay ikakabit na rin ngayong araw.

"Saglit lang naman po ikabit 'yon, Nay. Sayang din po ang araw. Ilang araw na ring halos natigil ang pag-aararo kaya mas maganda pong mayari na ngayon at bukas nang umaga'y makapag-araro na kaagad."

"Ay siya, sige. Basta pagkatapos ay umuwi na rin kaagad, ha," ani Tita Celia.

"Sisilipin ko na po muna ang maisan bago ako umuwi," ani Sherwin. May ilan pa ring namimitas ng mais pero sabi naman ni Sherwin ay bago makapananghali ay tiyak na tapos na  iyon.

"Sherwin, kumain ka na muna bago ka umalis," ani Aileen na nagkusa nang kumuha ng plato para sa binata.

"Nagkape na ako kanina."

"Iba ang kanin," aniya bago ipinatong ang plato sa lamesa. Nang hindi tuminag ang binata sa pagkakatayo ay tiningnan niya ito. 

"Ay siya nga naman, anak, iba ang kanin. Kumain ka na muna lalo na't pupunta ka pa sa bayan," nangingiting singit ni Tita Celia.

"Halika na. Sumabay ka na sa akin," aniya bago muling dumulog sa lamesa. Maaga siyang gumising para sana tumulong sa preparasyon sa birthday ng ina nito. Pero mas maaga pa ring nagising ang binata dahil paglabas niya ay nasa labas na ito at katulong ng ibang tiyahin na nagluluto ng handa ni Tita Celia. Pumasok lang ito para magpaalam sa ina.

Nang hindi pa rin lumapit ang binata ay tiningnan niya itong muli, "Ano? Kakain ka mag-isa o susubuan pa kita?" Umiling lang si Sherwin pero lumapit na sa lamesa at naupo sa tabi niya. "Anong gusto mong ulam, menudo o kaldereta?"

Napatawa si Samuel na kumakain din kasabay niya, "Malaki na 'yan si Kuya. Alam na niya kung anong gusto niya."

Iningusan niya ito, "Inggit ka lang kasi wala kang girlfriend na kasing sweet ko na nag-aasikaso sa iyo."

"Kasing sweet? Wag na oy kung kasing ligalig mo," sagot naman nito.

"Maligalig ka diyan! Maganda kaya ako. Tanungin pa natin itong kuya mo," aniya saka nginitian ang binatang katabi.

"Kumain ka na," ani Sherwin na kinuha na ang serving spoon na hawak niya. Hindi man nakangiti ang binata, bakas naman sa mata nito ang kaaliwan.

**********

"Ano ka na? Kanina ka pa hindi mapakali diyan," ani Shaine na tinaasan pa siya ng kilay.

"Wala."

Pinaikot nito ang mga mata. "Kanina ka pa palingon-lingon. Uuwi rin 'yon si Kuya," ani Shaine habang inaayos ang design sa lamesa kung saan ilalagay ang mga handa ni Tita Celia mamaya.

Nakagat ni Aileen ang mga labi, saka siya huminga ng malalim. Totoo naman kasing hindi siya mapakali lalo na noong maalala niya ang sinabi ni Lianne kahapon na babalik ito ngayong araw.

Paano kung kaya wala pa si Sherwin ay dahil nagkita pa ang dalawa? Kanina pa bago mag alas-otso umalis ng bahay si Sherwin. Mag-aalas diyes na pero wala pa rin ang binata.

"Baka sa kamalig na dumeretso si Kuya at ginagawa na ang traktora," ani Shaine habang ikinakabit ang cut-out letters na ginawa nila kagabi.

"Shaine, anak pagkatapos ninyo diyan ay makidala na nga muna nito sa mga namimitas ng mais," ipinatong ni Tita Celia sa bangkong malapit sa kanila ang basket na may lamang mga tinapay.

"Ako na po ang magdadala, Tita."

"Baka maligaw ka," ani Tita Celia.

"Kabisado ko na po ang paikot-ikot dito sa inyo. At saka baka malipasan po sila ng gutom kung aantayin ko pang matapos si Shaine," aniya bago nilingon ang kaibigan na tinaasan naman siya ng kilay.

Spicy Sizzling Love (COMPLETED)Where stories live. Discover now