TC#37 : Sarcophagus

837 42 9
                                    


TC#37 : Sarcophagus

I

Tahimik na binabagtas ni Fantoccio ang isang sekretong pasilyo sa ilalim ng paaralan ng Xanadu Scolu. Hawak niya ang scroll na ninakaw niya mula sa mga morphers ng Zoic Clan. Iniangat niya ito at marahang pinagmasdan.

'Ano man ang magiging kahihinatnan nito, alam kong marami ang masasawi sa huli. Ito ba talaga ang gusto mong mangyari, Eclipse?'

Napailing siya at ipinagpatuloy ang paglalakad. Kakagaling niya lamang sa silid ni Crimson upang ipamalita ang kanyang misyon. At heto, panibagong utos na naman ang natanggap niya.

Huminto siya sa tapat ng isang silid na may bakal na pinto. Nakaawang ito ng bahagya kaya walang paalam niya itong binuksan. Madilim na silid na pinaliliwanag nang malamlam na ilaw galing sa paupos na kandila ang nakita. Napailing na lang siya ng bumungad sa kanya ang malansang amoy ng dugo mula sa silid.

'Heto ka na naman sa obsesiyon mo sa sarili mong kamatayan'

Naglawa ang dugo sa sahig. Sinundan niya ang pinagmumulan ng dugo at napahinto sa napakalaking sarkopago na nakatayo sa gitna ng silid. Agad niya itong tinungo at binuksan ang sarkopago.

Bumagsak sa kanyang balikat ang isang lalaking hubo na naliligo sa sarili nitong dugo. Punong puno ito ng butas sa kalamnan dahil sa mga patalim na nasa loob ng sarkopago. Halos lumaylay ang laman-loob at makita na ang utak ng lalaki ngunit hindi man lamang kakakitaan ng pandidiri si Fantoccio.

Binuhat niya ang duguang lalaki kahit na mukhang patay na ito. Inihiga ni Fantoccio ang lalaki sa sofa at umupo sa tabi ng duguang katawan.

"Hanggang kailan ka magkukunwaring patay Eclipse?" tanong niya sabay tingin sa lalaking duguan.

Biglang nagmulat ng mata ang kaninang duguang lalaki. Sa isang kisap-mata ang halos patay nitong katawan ay naayos na parang walang pinsalang natamo. Ngunit nababalutan pa rin ito ng natuyong dugo mula ulo hanggang paa.

Tumayo si Fantoccio at kumuha ng balabal at maskara. Inabot niya ito kay Eclipse at agad nagturan.

"Hanggang kailan mo gagawin ang pagpapakamatay? Alam mong hindi maaari"

Humalakhak si Eclipse habang nagbibihis. Tumayo siya at inayos ang maskrang puti na may tribal design. "Nagiging madaldal ka na Fantoccio!"

Umiling si Fantoccio. Tumalikod ito at kumuha ng maiinom mula sa lamesang puno ng alikabok. Tanging alak lamang ang mayroon kaya yun na lamang ang napili niyang inumin. Isinalin niya ito sa babasaging baso at bago inumin ay tinanggal ang maskara. Nalahad ang kulay pula nitong mata at buhok na kasing kulay ng pulang alak na iniinom niya.

May kung anong nais lumabas sa katauhan ni Fantoccio. Sabagay, nakakita na naman siya ng bangkay. Tinampal-tampal niya ang kanyang ulo upang pakalmahin ang sarili.

'Mas maiging 'wag ka nang lalabas pa' bulong niya sa sarili.

"Haha! Ang tanging hangarin ko ay ang kamatayan ko. Ang imortalidad na hawak ko ay isang kasumpa-sumpang regalo ng kapangyarihang hinangad ko. Tanging pighati ang dulot nito sa'kin" paliwanag ni Eclipse sabay lapit kay Fantoccio at hablot ng scroll sa kamay nito.

"Crimson, matutuloy ang plano ayon sa gusto ko" bulong nito sa hangin sabay halakhak na parang walang bukas at dali-daling naglakad palabas ng naturang silid.

"Gawin mo na ang inscription Eclipse. Sa araw ng huling laban sa Tassein Czar mag-uumpisa ang wakas" ani Fantoccio sabay pitik ng mga daliri niya.

Kumulo ang sahig na naglawa sa dugo ni Eclipse kasabay ng paglitaw ng isang halimaw na may napakalaking tenga. Ang loch ness monster. Ang espirito ng tubig.

"Linisin mo" aniya sa espirito at sinundan si Eclipse.

Nagpakawala ng malakas na ungol ang nilalang bilang pag-sang-ayon sa utos ng kanyang amo. Bumuga ito ng malakas na ragasa ng tubig na siyang nag-alis ng lahat ng natuyong dugo sa buong silid. Matapos nito ay naglakad ang halimaw gamit ang maliliit nitong binti at mahahabang bisig ay hinila niya ang sarkopago papunta sa kumukulong sahig. Kumalabog ang sarkopago matapos mahulog sa sahig. Inignora lamang ito ng halimaw at dali-daling hinila ang sarkopago. Pumasok siya sa kumukulong sahig dala ang sarkopago at parang bulang naglaho.

II

Samantala, nagising si Arko sa malakas na sigaw mula sa ilalim ng kanyang silid. Isang araw na mula nang makabalik sila mula sa Morphrealm at hanggang ngayon ay iniinda niya pa rin ang sakit ng katawan buhat sa naging laban nila roon.

Tumayo siya at lumuhod sa kanyang silid. Sinubukan niyang pakinggan muli ang ingay ngunit wala na siyang narinig pang muli. Napakamot na lamang siya ng ulo.

Tumayo siya at napatingin sa bintana ng kanyang kwarto. Gabi na. Nagkalat ang nagkikislapang bituin sa madilim na kalangitan. Napangiti na lamang siya ng isang imahe ni Jen ang nabuo ng malikot niyang isipan mula sa mga bituin.

Namiss niya bigla ang dalaga. Halos hindi siya makapaniwala na sila na. Nang ganoon kadali. Masiyadong naging mabilis ang kaganapan kaya wala na siyang ibang naisip kundi ang saya. Sana lang, tama ang napili niyang desisyon.

Nahiga na siya sa kama ng makarinig siya ng kalabog mula sa labas. Inatake na naman siya ng kuryusidad kaya agad niyang tinungo ang salas nila at nakita roon si Dran na nakaupo.

Ngumiti ito sa kanya at ganoon din siya. Napagpasyahan niyang kausapin ito tungkol kay Jen. Baka kasi may itinatago na pala itong galit sa kanya dahil lamang kay Jen. Kahit papaano ay kaibigan na niya ang psycho.

"Dran, tungkol kay Jen..." panimula niya.

Humalakhak si Dran na walang dahilan at tumingin sa kanya. "Wala akong balak na makigulo sainyo. Wala akong sama ng loob sainyo. Ang pag-ibig ay hindi para sa katulad ko. Isang lang naman ang gusto ko mula pa noon..." paliwanag ni Dran at tumayo. Tinungo niya ang kanyang silid at binuksan ito.

"Huwag kang mag-alala. Boto ako sa'yo at sa relasiyon niyo. Hanggad ko ang kasiyahan niyo"  usal ni Dran bago pumasok sa silid nito.

Naiwang nakatulala si Arko. Naisip niyang mukhang may malalim na problema si Dran. Bagama't tumatawa ito ay hindi na niya ramdam pa ang saya sa bawat halakhak na pinapakawalan nito. Mukhang apektado ang binatang Light sa pag-iibigan nila ni Jen.

Tumayo siya at nagpagpag ng pantalon. Kung ano man ang problema ni Dran ay kailangan niyang alamin upang matulungan niya ito. Mas maigi nang magtulungan ang mga kaibigan kaysa magtago ng mga sekreto. Napabuntong hininga siya.

"Ano ba ang alam ko? Ang Chess ay isang grupong puno ng sekreto"

Tassein CzarWhere stories live. Discover now