Season 1 Chapter 18: The Forbidden Love

26 10 9
                                    


TUMAKAS ako sa bahay namin. Gusto ko na talaga siyang makita. Nagmadali akong tumakbo para hindi kaagad akong mahuli ni Pater. Sigurado akong mapapagalitan na naman ako noon.

“Pupuntahan kita. Pupuntahan kita, Valeon.” ang sabi ko habang hawak-hawak ang laylayan ng damit ko, nadudumihan kasi ito ng mga naaapakan kong putik.

Halos malaglag ang puso ko nang makita ko si Pater na papunta sa direksyon ko. Patay na talaga ako. Nagmadali akong magtago sa isa sa mga halaman na nakita ko.

“Veldes! Hindi mo pa nadidiligan ang mga halaman. Bilis! Bilis at pakitignan si Theara sa kaniyang silid!” nanlaki ang mga mata ko nang banggitin niya ang pangalan ko. Patay na talaga ako.

Nang mapansin kong nakaalis na siya ay madali akong nagtatatakbo papunta sa malaking tarangkahan ng mansion namin. Kailangan ko na talagang mapuntahan si Valeon.

Humahangos akong napahawak sa may tuhod ko, pagod na ako. “Valeon.” bulong ko. Hindi pa rin naman ako kumakain kaya kumakalam na rin ang sikmura ko.

“Theara!” napabaling ako sa lalaking tumawag sa akin. Si Pater, nakita niya ako. May dala-dala siyang kadena sa kaliwang kamay at mahabang patpat sa kanan.

Ginawa ko ang makakaya ko upang makalayo sa kaniya. Ayoko nang bumalik kay Pater, ayoko nang bumalik sa ama ko.

Nagtatatakbo ako papunta sa madilim na gubat, nagbabakasakaling maliligaw ko siya. “Theara! Bumalik ka dito!” mas lalo kong binilisan ang pagtakbo ko nang marinig ko na naman ang boses niya mula sa di kalayuan.

“Ayoko.” bulong ko. Napa-aray ako nang bigla na lamang akong madapa ng napakahabang sanga ng puno. Tumama pa ang noo ko sa may bato kaya dumudugo ito ngayon.

“Aray!” ang sabi ko nang makaramdam ako ng taong humihila sa mahaba kong buhok. Sobrang sakit, tila matatanggal na ito sa anit ko.

“Sasama ka sa akin sa ayaw at sa gusto mo, Theara!” rinig na rinig sa tahimik na paligid ang mababa niyang boses. Natatakot ako sa kaniya.

Marahas niyang hinila ang buhok ko at kinaladkad ako. “Ayokong sumama sa iyo, Pater.” ang pagpupumilit ko. Hindi niya ako pinapakinggan kahit na anong gawin ko.

“Ang pag-ibig ninyo ni Valeon ay ipinagbabawal. Magkaiba kayo, Theara! Kailangan mong mag-sisi sa ginawa mo!”

Nilagyan niya ako ng takip sa mata, binusalan din niya ang bibig ko at nilagyan ng tali ang kamay ko. Hindi ko alam kung saan niya ako dadalhin, nararamdaman ko lamang ang malamig na hangin na dumadampi sa balat ko.

Napapaungol na lamang ako sa tuwing sisigaw si Pater at patatahimikin ako. Nakaririnig ako ng mga ibon sa paligid. Nakakaaninag din ako ng kaunting liwanag sa paligid. Wala akong kaalam-alam kung nasaan ako. Sana nga lang ay nandidito si Valeon para iligtas ako.

“Don Theamo, nandito na po tayo. Sigurado po ba kayong gagawin ninyo ang bagay na iyon?” nakarinig ako ng pamilyar na boses ng isang lalaki. “Kailangan niyang matuto. Kailangan niyang malaman na walang saysay kung ipagpapatuloy niyang mahalin si Valeon. Labag sa batas natin ang bagay na iyon, hindi ba Ferro?”

Naramdaman ko ang mahigpit na hawak ni Pater sa braso ko. Tila misteryo pa din kung saan niya ako dinala.

“Ito ang magiging kaparusahan mo. Sana lang ay maintindihan mo kung ano ang bawal at mali, Theara. Maling mali ang umibig sa hindi mo kauri!” ang sigaw niya sanhi para lalong manlambot ang tuhod ko sa takot.

Dinala niya ako sa isang lumang bahay, itim na itim ang kulay nito at nag-iisa lamang ito sa gitna ng napakalagong gubat sa paligid nito. Hindi ko mawari kung bakit niya ako dito dinala.

When Midnight Falls Where stories live. Discover now