Chapter 37

6.8K 407 317
                                    

Chapter 37: Uncontrolled
Zanashi

Trigger Warning// Mention of Abuse

Mabilis kong pinunasan ang luha sa mata ko, sinuklay ko ang buhok gamit ang daliri, at inayos ko ang unipormeng gusot na gusot na ngayon bago tuluyang pumasok sa kwarto ni Papa.

Gising na siya nang maabutan ko. Nakaupo siya sa dulo ng kama at nakayuko habang paulit-ulit na hinihila ang kanyang buhok, na para bang ito lang ang paraan para mailabas niya ang panggigigil na kasalukuyang nararamdaman. Tumataas-baba ang balikat niya at paulit-ulit na itinatapik sa sahig ang kanyang dalawang paa.

"Papa.." umupo ako sa tabi niya at muli siyang niyakap. Ramdam ko ang agad na pagkabasa ng braso kong nakapaikot sa kanya dahil sa luha niyang tuloy-tuloy na pumapatak.

Hindi siya nagbago ng posisyon sa kabila ng biglaan kong pagyakap sa kanya. Sa halip ay nagpatuloy siya sa kanyang ginagawa at sa pagbulong niya sa kanyang sarili.

"Kailangan kong mabawi ang bahay. Kahit iyon man lang ang mabawi ko sa kanya. Kailangan kong mabawi ang bahay.." paulit-ulit niyang bulong sa sarili.

Bigla akong nadismaya sa sarili dahil wala akong nagawa para mabawi ang bahay ni Papa. Sinampal ko si Delbert, minura, at pinagsalitaan ng mga hindi magandang salita kaya siguradong lalo pa siyang magiging determinado sa balak niyang pahirapan kami ni Papa. Imbes na makatulong ay lalo ko pang dinagdagan ang lalim ng hukay namin.

Hinigpitan ko ang yakap sa kanya at muli na namang tumulo ang luha ko dahil sa sobrang pagkadismaya, lungkot, sakit, at galit na nararamdaman. Hindi ko alam na darating ang panahon kung kailan sabay-sabay kong mararamdaman ang mga ito.

Nagsimula akong makaramdam ng pagod. Halos sigawan ko ang sarili nang dahil dito. Hindi rin ako natuwa sa tuloy-tuloy na pagbagsak ng luha ko.

Iyak ka nang iyak, Aphra! Walang magagawa ang pag-iyak mo ngayon! Maging matatag ka naman, please! Kahit ngayon lang!

Huminga ako nang malalim at pinilit na ialis ang pangangatog ng boses ko, umaasang kahit man lang sa paraan ng pasasalita ko ay mabibigyan ko ng konting pag-asa si Papa.

"I know, Papa. I know.."

"Kailangan ko itong mabawi mula sa kanya. Kailangan kong mabawi ang mga pagmamay-ari ko. Kailangan kong bumawi sa kanya."

Natatakot ako sa ginagawa niyang pagkausap sa sarili. Ni hindi niya man lang napansin ang presensya ko mula nang dumating ako sa kwarto niya. Nasasaktan akong makita siyang sarili ang kinakausap gayong nandito naman ako para makinig sa bawat hinaing niya.

Sa kagustuhang makuha ang atensyon niya, napagdesisyunan kong sabihin sa kanya kung saan ako nanggaling at kung ano ang mga ginawa ko para lang mabawi ang bahay niya.

"Ang sama-sama nga ni Delbert, Papa. Ang sama niya.." isiniksik ko ang ulo sa balikat niya at hindi na napigilan ang muling pag-iyak.

Kahit anong pagpapatatag ang gawin ko sa sarili ay patuloy pa ring bumibigay ang kahinaan ng damdamin ko. Paulit-ulit kong naaalala ang pagluhod ko kay Delbert, ang pagmamakaawa ko sa puntong halos handa akong halikan ang sapatos niya, ang paglunok ko sa dignidad na tanging natitira sa akin sa mga oras na iyon, pero sa kabila ng paghihirap kong lunukin ang pagkatao ay insulto lang ang tanging natanggap ko mula sa kanya.

Kung sino pa ang may karapatan, siya pa ang nasa putikan. Kung sino pa ang walang karapatan, siya pa ang niluluhuran. Anong klaseng mundo ba itong ginagalawan natin?

"Pumunta ako sa bahay ng mga de Lopezes kanina, Papa."

Laking pasasalamat ko nang makuha nito ang atensyon ni Papa. Dahan-dahan siyang umangat mula sa pagkakayuko at kunot-noong tumingin sa akin. Parang piniga nang paulit-ulit ang puso ko at para itong tinarakan ng napakalaking punyal habang nakatingin sa mukha niyang nagsusumigaw ng poot at pighati.

After Her Last Straw (Dream Series #1)Where stories live. Discover now