Entry #12 - iPhone 20

269 12 5
                                    

iPhone 20

"Yan nanaman ang ulam?" Reklamo ng dalagitang si Janine habang nakatingin sa pritong itlog na nasa mesa.

"Pasensya na anak, mahina ang benta ni nanay. Hayaan mo bukas, baboy naman." Nakangiting sabi ng matanda. Halata sa itsura nito ang pagkahapo dahil madaling araw palang ay nagtitinda na ito sa palengke.

Halos hindi naman maipinta ang mukha ng dalaga habang nag-aayos ng sarili sa salamin. Naaalala kasi niya yung mamahaling gamit ng mga kaklase niya na nakita sa Facebook at naiingit siya dito.

"Anak siya nga pala, di ba sabi mo gusto mo ng cellphone?"

Biglang nagbago ang ekspresyon ng mukha ng dalaga nang iabot sa kanya ng ina ang isang kahon. Abot tainga ang ngiti niya habang binubuksan ang regalo ng ina.

"Cellphone ba 'to?" Pagalit niyang sabi na tila hindi man lang nasiyahan sa ibinigay ng ina. Hindi pa nakontento't ibinato pa ito sa malapit na basurahan.

"Kapag nakita yan ng mga kaklase ko pagtatawanan pa nila ko. Ang uso na ngayon, may wifi, bluetooth at camera. Baka nga kahit radyo wala yan eh." Walang prenong sabi nito habang nakapamewang sa harap ng ina. Ni wala siyang pakialam kung ano ang naramdaman nito sa ginawa niya.

"Pasensya na anak. Hayaan mo papapalitan ko mamaya. Kumain ka na muna dito." Alok ng ina habang pilit na ngumiti.

"Ayoko na! Nawalan na ko ng gana. Hindi ako uuwi mamaya kapag wala yung Iphone 20 na gusto 'ko!" Padabog itong lumabas ng bahay at hindi man lang lumingon para magpa-alam.

Palinga-linga siya habang palabas ng eskinita. Ayaw niyang may makaalam sa iskwelahan na sa iskwater siya nakatira. Bagamat mahirap lang, sinikap siyang ipasok ng kanyang ina sa private school. Naniniwala ito na mas gaganda ang buhay ng anak kung doon ito mag-aaral. Gayunman, hindi pa rin nag-aaral ng mabuti si Janine. Sa halip ay pakikipagsosyalan at pagboboyfriend ang inatupag nito.

Nagkaklase sila nang may tumawag sa kanya.

"Janine yung nanay mo nasaksak! Nahold-up siya kanina kaya lang nanlaban." Garalgal na sabi ng babae sa kabilang linya pero hindi niya ito pinansin.

Gabi na siyang nakauwi dahil nakipagdate pa siya sa boyfriend niya. Nasa kabaong na ang kanyang ina nang abutan niya ito. Tila hindi naman siya makapaniwala sa nangyayari.

Nakita niya sa ibabaw ng kabaong ang isang cellphone. Nanginginig ang kamay niyang binuksan ito at pinanuod ang isang video.

"Anak, sinubukan ko lang gamitin ang Iphone mo. Kaya pala ganito ang gusto mo. Ang ganda pala. Binawasan ko muna yung iniipon ko sa bangko para sana sa pangcollege mo. Gusto ko kasi masayahan ka sa regalo ko. Ingatan mo itong Iphone ha. I love you."

Napahagulgol nalang bigla si Janine pagkapanood ng video. Sising-sisi siya sa lahat ng nagawa niya. Paulit-ulit siyang humingi ng tawad.

Umiyak siya nang may marinig siyang tinig.

"Anak... Gising... Anak."

Pawisang nagising si Janine. Ang lahat ay panaginip pala. Dali-dali siyang yumakap sa ina na siyang gumising sa kanya.

"I love you nanay. Sorry po sa lahat."

-wakas-

POW 2014 (1st One-Shot Writing Contest)Where stories live. Discover now