Entry #16 - A child's standpoint

168 4 1
                                    

                                                A child's standpoint

              Sobrang saya ko noong napagtanto kong nanalo ako. Sa dinami-rami naming naglaban, ako ang nagwagi.

              Sa loob ng mahabang panahon, sobrang saya ko dahil inaalagaan nila akong mabuti. Binibigyan nila ako ng sapat na pagkain para mas maging malusog ako at higit sa lahat, binibigyan nila ako ng pagmamahal.

              Sa mga biyayang natatanggap ko, hindi ko nakakalimutang magpasalamat sa maykapal. Siya ang natatanging dahilan kung bakit ako narito ngayon.

              Ilang linggo pa ang lumipas bago ako magulantang. May isang metal na humawak sa aking paa at pilit nito akong hinihila.

              Halos maiyak ako sa sobrang sakit pero hindi ko inaalintala iyon, mas nag-aalala ako sa nagdadala sa akin. Mas inaalala ko ang kapakanan niya dahil mula sa aking kinakalagyan, naririnig ko ang pag-iyak niya at maging ang sakit na nararamdaman niya.

              Gustuhin ko mang ipagpatuloy ang  pagpupumiglas sa kapirasong metal na iyon, ngunit hindi ko na maatim dahil ayaw ko nang masaktan pa siya. Ayaw ko nang mahirapan pa siya.

              Umiiyak ako habang dinudurog ako, hindi dahil sa pisikal na sakit na nararamdaman ko, kung 'di dahil sa ideya at tanong na bakit nila ako pinabayaan?

              Pagkatapos ng masalimuot na pangyayaring iyon, bigla akong napunta sa isang kakaibang lugar ngunit pamilyar. Wala akong makikita roon kung 'di puting kapaligiran. Hanggang doon, hindi ko pa rin matigil ang aking pag-iyak.

              "Anak, tumahan ka na." Rinig kong sabi ng isang boses kung kaya't napatigil ako sa pag-iyak at hinanap ang pinagmumulan ng boses. "May dahilan ang lahat."

              Pagkasabi niyang iyon, nagpakita siya sa'kin. Nilapitan niya ako at niyakap, pagkatapos ay binuhat. Dahil sa ginawa niya, mas lalo akong napaiyak. Sa pagkakataong iyon, naramdaman ko ang pagmamahal niya sa'kin.

              "Mahal na mahal ka nila, ngunit natukso sila." Kahit papaano, gumaan ang pakiramdam ko sa sinabi niya. "Gusto mo ba silang makita?" tanong niya sa akin at tumango ako.

              "Pat, wala na siya. Wala na ang anak natin," hagulgol ng isang babae habang hawak ang isang durog na fetus.

              Gustung-gusto kong magalit sa kanila ngunit hindi ko magawa. May kung anong kapangyarihan ang mga hagulgol ng babae na nakakapagpalusaw sa aking puso.

              Niyakap ng lalaki ang babae. Sa sitwasyong iyon, napaiyak ulit ako at bigla kong naiintindihan ang lahat. Alam kong hindi rin nila ginusto ang nangyari sa akin.

              "Anong masasabi mo sa kanila?" tanong ng bumubuhat sa akin.

              "Ang ganda ng mama ko at guwapo ng papa ko kaso, umiiyak sila," tuwiran kong sabi at napangiti siya. "At masasabi kong mahal na mahal nila ako at hindi nila ginusto itong nangyari sa akin. Sana lang nabigyan pa ako ng pagkakataon na makasama sila," nanghihinayang kong sabi.

              "Sa takdang panahon anak."

              Naiiyak ako at hindi ito dahil sa sakit, poot at galit, naiiyak ako dahil sa tuwa dahil may pag-asa pang makasama ko sila.

              Sa kabila ng ginawa nila sa akin, gusto ko pa rin silang makasama. Kahit gaano kabigat yung ginawa nila sa akin, na humantong sa pagkitil sa buhay ng sarili nilang anak, napatawad ko pa rin sila. Ganoon ko sila kamahal.

POW 2014 (1st One-Shot Writing Contest)Where stories live. Discover now