Chapter 13

4K 125 12
                                    

Emilia

Alas-otso na nang magising ako kinabukasan. Dahil siguro sa hindi ako makatulog kakaisip at sa tahimik na pag-iyak sa kama para lang hindi niya ako marinig. Kaya hindi napaaga ang gising ko at nang bumangon ako't tumingin sa tabi ay wala na si Roman doon.

Bumuntonghininga ako nang maalala kong hindi nga pala siya makakasama sa amin ng anak niya. Dahil kailangan daw siya ng kaniyang boss. Naiintindihan ko naman kung 'yun nga ang totoo pero nang makita ko noong Biyernes kung sino ang naghatid sa kaniya ay hindi ko maiwasang hindi malungkot at mainis.

Hindi naman na bago sa paningin ko ang kotseng puti at babaeng humahatid sa kaniya sa tuwing uuwi siya sa amin. Tila ba isa na itong normal na nakasanayan para sa mga mata ko. Dahil noon pa man, tanaw ko sila sa dati naming bahay kapag naririnig ko na ang busina ng kotse at aminin ko man o hindi, nasasaktan ako. Pero habang nakakasanayan ko 'yun at sinasabi sa sariling kahit isang pursiyento ay walang-wala ako sa babae, pinabayaan ko na lang. Nagbulag-bulagan na lang ako sa lahat ng mga nakikita ko noon.

Ayos lang sa akin kung hindi siya nangako ngunit nangako siya sa anak nito na sasama siya ngayon. Na buong weekends ay kami lang ang uunahin niya. Pero ika nga nila na lahat ng pangako ay napapako. Kaya bakit pa ako aasang tutuparin niya 'yun?

Muli akong napahugot nang malalim na buntonghininga at saka bumaba na sa kama. Masyado nang napalalim ang iniisip ko at hindi ko man lang namalayan ang pagtakbo ng oras. Kailangan ko pang maghanda para sa anak ko dahil kahit na hindi namin kasama ang ama niya'y gagawin ko ang lahat, mapasaya ko lang 'to.

Lumabas ako ng kuwarto at agad akong bumaba papuntang kusina. Nang makapasok ako ay nagulat ako sa nakita kong nakaupo sa hapag. Naroroon si Roman at Rowan na magkatabing nakaupo sa harapan ng mesa. Habang maraming nakahandang pagkain sa mesa. Napukaw ko ang atensiyon ng mga ito dahil abala sila sa paglalagay ng iilang pagkain sa mga Tupperware na nakapatong din sa mesa.

"Momma!" sigaw ng anak ko nang makita niya ako. Tinulungan siyang makabab ng ama at nagmadali siyang lumapit sa akin. "We prepared the foods that we are bringing to the beach po. Papa and I cooked it. Halika po, tikman niyo dahil masarap po 'to lahat."

Nagpahila ako kay Rowan nang hawakan niya ako sa kamay at lumapit kaming dalawa sa puwesto ni Roman na nakatingin nang diretso sa aking mga mata. Ang bilis nang tibok ng puso ko dahil sa gulat na nandito siya ngayon at nagluto pa para sa dadalhin namin mamaya.

"A-Akala ko may pupuntahan ka ngayon?" mahina kong tanong nang makaupo ako sa harapan niya. Sumulyap ako sa anak ko na nakangiti lang sa tabi habang tinitignan ang mga pagkaing nasa harapan.

Ibinaba ni niya ang hawak niyang kutsara at saka tumingin ulit sa akin. Bumuntonghininga muna ito bago ngumiti. Hindi ko maintindihan pero sa oras na 'to nang ngumiti siya sa harapan ko'y parang nagkaroon ng liwanag ang paligid ko at tanging siya lang ang nakikita ko. Ang kanina bilis nang kabog sa dibdib ko ay mas lalong dumadagundong.

"I cancelled my meeting. Gusto kong bumawi sa inyo," sagot niya kaya napangiti rin ako.

"S-Salamat."

Hindi ko man lubos na maintindihan kung bakit ito ginawa ni Roman. Masaya ako kahit sa ganitong paraan ay bumabawi siya, kahit na hindi na para sa akin dahil alam kong hindi naman kami magtatagal dito at kinakailangan din naming maghiwalay. Kahit na para lang sa anak naming dalawa.

--

Kasama namin sina nanay Asunta at ang apo nitong si Alyana, narating namin ang dagat na malapit dito sa lugar nila. Hindi kasi namin alam ang daan papunta rito kaya pinuntahan muna namin sila at mabuti na lang dahil naabutan namin ang mga 'to. Kaya niyaya na rin namin sila para may kasama kami.

"Ang ganda po pala dito," sabi ko nang marating namin ang tabing dagat. Puti ang buhanging inaapakan namin at ang dagat ay asul na asul. May iilang kubo at mga puno rito na puwedeng sumilong kapag ayaw mong magbilad sa araw.

"Oo, maganda talaga rito. Ipinagbawal kasi ng aming barangay ang pagtayo ng bahay sa tabing dagat. Minsan kasi ay high tide ang tubig tagat at baka hindi namin mapansin na lubog na pala kami sa baha." Tumango-tango ako sa ikinuwento ni nanay Asunta. Mabuti nga 'yun na may kalayuan ang mga kabahayan sa dagat dahil hindi natin alam kung kailan darating ang sakuna. Mas mabuti na tayo ang palaging handa.

Napili naming ilagay ang mga gamit namin sa isang kubo rito. Gawa ito sa matibay na kawayan at mukhang pinasadya talaga ito dahil na rin sa nasa sampo ang nakatayong ganito. Maliit lang din ito at sakto lang para sa mga gamit namin.

"Momma, I wanna go the beach na po!" Tumingin ako kay Rowan na nakatingala sa akin at nakanguso pa ito. Sumusulyap-sulyap din siya sa dagat. Inilagay ko muna ang hawak kong basket sa mesang nasa gitna kung saan ang iilang gamit namin at saka ko siya muling hinarap.

"Magpasama ka muna kay papa mo, 'nak. Alam mo naman hindi ako marunong lumangoy," sabi ko at nilingon si Roman na nakatayo lang sa tabi habang pinagmamasdan ang paligid. "S-Samahan mo muna ang mga bata." Hindi ko alam kung narinig niya ba ang sinabi ko pero mukhang narinig naman niya dahil lumingon ito sa akin.

"And you? Aren't you want to learn how to swim?" tanong nito. Ngumiti ako at saka umiling.

"Susunod na lang ako mamaya. Medyo masakit kasi ang ulo ko," sabi ko dahil iyon naman ang totoo. Hindi ako masyadong nakatulog kagabi kaya minsan ay ganito ang nagiging epekto. Sumasakit ang ulo ko ngunit hindi naman ito 'yung nakakabiyak na ng ulo.

"Are you okay? We can go home if you're not feeling well." Natigilan ako dahil sa naging tono ng boses niya. Para bang nag-aalala ito sa kalagayan ko pero nang mapansin kong nakatingin lang sa amin si Rowan ay naalala kong kailangan pala naming magpanggap para sa bata.

"Ayos lang ako. May dala rin akong gamot para sa sakit ng ulo kaya huwag mo na akong intindihin. Ikaw na muna ang bahala sa mga bata." Kahit parang nag-aalinlangan ang mga mata nito ay wala itong nagawa nang humawak sa kaniya ang anak niya't hinila ito. Kasama si Alyana ay umalis silang tatlo para pumunta sa dagat. Nang makalayo-layo na sila'y saka pa lang ako tumalikod at inayos ang mga dala namin sa mesa.

"Talagang mahal ka ng asawa mo , Iha." Nilingon ko si nanay Asunta na abala sa pagbabalat ng dinala nitong prutas kanina.

"P-Paano niyo po nasabi, 'nay?" tanong ko dahil sa pagkakaalam ko'y kinamumuhian ako ng ama ng anak ko. Kasal lang kaming dalawa dahil sa bata pero ang totoo'y hindi naman niya ako mahal. Kaya nakakapagtaka kung papaano niya nasasabi na mahal ako ni Roman. At kung totoo man 'yun. Isa na siguro ako sa mga masusuwerteng babaeng nagmahal at minahal pabalik.

"Sa paraan ng tingin nito sa 'yo. Gano'n na gano'n ako tignan ng asawa ko noon." Ngumisi ito at saka inabot sa akin ang binalatan nitong prutas.

Isang sinserong ngiti lang ang isinagot ko kay nanay Asunta. Dahil hindi ko naman alam kung ano ang sasabihin ko at ayaw ko ring ipaalam na salungat ang nararanasan ko sa nakikita niya. Kung natutupad lang sana ang mga kahilingan ko, masaya ko siyang sasagutin nang, "'nay, tama ho kayo. Masuwerte nga ako dahil mahal ako ng asawa ko. At kung totoo man ang reincarnation kapag namatay ka, siya at siya pa rin ang mamahalin ko."

Pero hindi totoo ang nakikita niya o kung ano man ang iniisip niya. Ang lahat ng 'yun ay pakitang tao lamang at hanggang sa mga pangarap ko na lang 'yun na kahit kailan ay hinding-hindi matutupad. 

WIFE SERIES: The Annulment (Completed) [PUBLISHED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon