Chapter 14

267 29 5
                                    

The days went passed. Hindi pa rin kami nagkakasundo ni mama. Madalang kaming mag-usap dahil bukod sa minsan na lang kaming magsabay na kumain sa hapag, hindi ko na rin siya gaanong naabutan sa pag-uwi ng bahay. Lagi siyang overtime sa trabaho kila Hailee.

Madalas kong nakakatulugan ang paghihintay sa kanya sa gabi. Sa umaga naman, hindi ko na siya naabutan dahil maagang umaalis. Alam kong umuuwi pa rin naman siya.

Araw-araw kong chini-check ang mga damit na pinagbibihisan niya sa kwarto niya. Palagi ko siyang naiisip. Hinahayaan ko na lang ang sarili kong malunod sa pag-iyak sa gabi sa sobrang pagkamiss ko sa kanya. Hindi naman kami ganito noon. Nag-umpisa lang ito dahil sa mga lalaking bumibisita sa kanya rito. Kung alam ko lang sana kung ano ang totoong nangyayari, hindi ko na sana kailangan pang magtiis sa ganitong sitwasyon namin.

Siguro, dala na rin ng pagiging desperada kong mangalap ng impormasyon, kinabukasan sa sumunod na araw, napagpasiyahan kong kausapin na si Emman. Siya ang napili kong kausapin dahil baka mahirapan ako sa paghahagilap kay Aries. Mapapagod lang ako kung sasadyain ko pa siya sa campus ng college para lang sa mga tanong ko. Mas mabuti na kay Emman na lang dahil palagi lang naman 'yon sa court.

Kagaya ng dati, sinundo ako ni Chino pagkatapos ng afternoon class ko. Sabay kaming dumiretso sa school gym kung saan nagpa-practice ang basketball team.

"Sure ka na bang si Emman ang kakausapin mo? Tingin ko, mas mabait si Aries," ani Chino.

Wala akong ibang sinasabihan ng mga naiisip ko kundi siya. I trust him in so many things. Kahit alam ko kung gaano siya kaloko minsan, sure akong hindi pa rin magbabago ang tingin niya sa akin ano man ang sabihin ko.

"Baka kasi mahirapan ako kay Aries. Kakausapin ko pa rin naman siya kapag hindi naging maayos ang usapan namin ni Emman." Bumuntong-hininga ako.

Sana nga masagot niya lahat ng katanungan ko.

Pagkarating sa gym, halos manlumo ako nang apat lang ang madatnan naming naglalaro roon. Dumiretso kami sa bench kung nasaan ang mga gamit nila. May mangilan-ngilang estudyante ang nanonood. Karamihan ay mga babae.

Una naming nakuha ang atensyon ni Chiyo. Sumenyas siya sa tatlo na titigil muna sa paglalaro. Nagsitanguan lang ang mga ito. Si Ramiel at Ryu ay sumunod sa kanya sa paglapit sa amin habang si Torren naman ay nagpaiwan para maglarong mag-isa. Saglit kong tinuunan ang pagdi-dribble niya ng bola. Ishinoot niya iyon na agad namang pumasok. Namangha ako sa galing niya. Lumingon siya sa gawi ko. Halata ang gulat sa reaksyon niya nang makitang pinapanood ko siya.

Mabilis akong nag-iwas ng tingin. Bumaling ako kay Chiyo na ngayon ay kinakausap na ako.

"How's your class? Wala ka ng gagawin?" bungad na tanong niya.

Umiling ako. "Wala na."

Sinuyod ko ng tingin ang iba pang parte ng gym. Baka kasi nandito pa si Emman at nag time out lang.

"Apat lang kayo?" Napatanong na ako nang hindi ko talaga siya makita.

Tumango si Chiyo sa akin, nagtataka. Akmang magsasalita pa lang sana siya nang maunahan ni Ramiel.

"Maagang umuuwi si Emman para sunduin ang kapatid ko. Bakit?" singit niya sa usapan. Sa paraan ng pagtatanong niya, para bang siguradong-sigurado siyang hinahanap ko nga si Emman.

Sway Along The Waves (Bellariva Series #1) Where stories live. Discover now