Chapter 22

2.1K 136 32
                                    

"Ano iyan?" tanong ko sa mga kaibigan ko nang makitang nagkukumpulan sila sa isang tabi. Humarang sa akin si Vera na naroon din pala at nakikitingin sa mga lalaki.

"Oops! Bawal sa mga inosente!" kaagad namang kumunot ang noo ko.

"Ano ba kasi iyan?" sumulyap sa akin si David. Nakita kong itinago niya ang cellphone bago sila nagtawanan.

"Scandal." muli silang nagtawanan  lahat. Nahiya naman ako at hindi na nagtangka pang magpumilit na makita iyon.

"Bakit kayo nanonood niyan?"

"May nagsend lang sa akin." katwiran sa akin ni David. Napailing-iling na lang ako.

Kaagad na pumagitna si Vera sa usapan.

"Tumigil ka, David! Alam mo namang santa iyang si Ana. Ni hindi pa niyan naranasang makakita ng mga taong naghahalikan kaya huwag mong impluwensyahan!"

"Sinong nagsabing iniimpluwensyahan ko? Hindi ko naman sinabing manood din siya ah?"

"Ewan, hanap ka ng kausap mo." hinila ako ni Vera palayo roon. "Tara na nga, mga bad influence talaga ang mga iyon."

Bumaling naman ako sa kaniya. "Eh 'di ba nakikipanood ka rin kanina?" nakita ko silang naroon sa gitna kanina eh kaya nga ako lumapit.

"Nakisilip lang, grabe ka naman." tumawa ako sa pagiging defensive niya. Nakisilip lang daw pero tinapos hanggang dulo.

Naupo na lang kami sa tabi nina Emily na may sariling pinag-uusapan. Recess ngayon kaya malaya kaming makapagkwentuhan. Medyo magulo rin ang classroom ngayon dahil marami kaming dalang gamit sa araw na ito. Ang grupo nina Fatima ay nagpa-practice ng sayaw nila para sa performance mamaya kaya maingay ang paligid. Nang magtapos kami sa junior high, ang akala ko ay mas kakaunti na ang mga performance na ganito lalo na at senior high school na kami. Akala ko mga paper works na lang ang karamihan, hindi pala. Kaya heto kami't abala na naman para sa gagawin mamaya.

Ilang linggo rin kaming nag-practice ng mga kagrupo ko para rito. Ako ang naging leader nila dahil member ako noon ng dance club. Madalang naman akong makasayaw sa mga events dahil hindi ako umaattend ng mga practice sa hapon sa takot na gabihin.

Hindi kalayuan ay natanaw ko si Diego na naglalakad papasok ng pinto. Kaagad akong lumapit sa kaniya para kausapin.

"Anong oras daw?"

"1:00 pm, sa gymnasium." tumango ako sa kaniya. Sasamahan ko sana siya kanina para sabay naming itanong kay Ma'am ang oras ng performance pero ang sabi niya ay siya na lang daw.

"Ready ka na?" pagbibiro ko. Kagrupo ko si Diego at kapartner sa ilang mga dance steps. Nagulat ako nang malaman na magaling pala siyang sumayaw.

Ngumisi muna siya sa akin. "Palagi naman." napatawa ako sa kaunting kayabangan niya. Natutuwa ako na naging close na ulit kaming dalawa kahit hindi na kami magkatabi sa upuan. Marami na rin siyang kinakausap na mga kaklase namin hindi katulad noon.

"Angas ah."

Siya naman ang tumawa. "Bakit parang hindi ka kumbinsido?"

"Baka kasi bigla kang kabahan mamaya."

"Baka ikaw ang kinakabahan habang nagsasayaw tayo."

Tumawa ako at umiling-iling. "Hindi ako kinakabahan, medyo nahihiya lang ako sa'yo. Galing mo kasi sumayaw."

Nakita kong biglang namula ang tenga niya sa sinabi ko. Natawa ako sa kaniya.

"Tumigil ka nga."

Mang-aasar pa sana ako subalit kaagad akong napatigil nang makita sina Kahel na paparating kasama sina Sayon. Natahimik ako at ginawang seryoso ang mukha lalo na nang kaagad na dumapo sa akin ang tingin ni Kahel.

Under The Rain (Guevarra Series 1)Where stories live. Discover now