Chapter 27

2K 127 20
                                    

I was acting like nothing happened. Like I didn't lied to him. Like I didn't do something wrong. Pinagpatuloy ko ang ginagawa ko sa nakalipas na isang linggo. Walang sinabi si Kahel tungkol sa pagsisinungaling ko sa kanila. Wala ring sinabi sina Lola. Alam kong nagulat sila sa ginawa ko, para sa isang babaeng inakala nilang napakabuti, sadyang lubhang nakakagulat na kaya ko nang hindi magsabi ng totoo sa kanila.

I have two choices. Una, ang sabihin kay Mama na hiwalayan na niya si Tito Alfonso dahil hindi ako ligtas sa kaniya at pabalikin si Kuya sa bahay. Pangalawa, ang manatiling tikom ang bibig para hindi magkagulo ang lahat.

Hindi ko na alam ang gagawin ko. Dati gustong-gusto kong gumising sa umaga at pumasok ng maagap sa school pero ngayon, parang nawawalan na ako ng gana sa lahat. Wala akong mapupuntahan. Kung sa school, naroon sina Emily, Kahel at ang iba pa. Kung sa bahay naman, naroon si Tito Alfonso na anumang oras ay maaaring maging sanhi ng ikakapahamak ko.

Naisip ko na paano kung mag-empake na lang kaya ako ng mga gamit ko, puntahan si Kuya at sa kaniya na lang ako makikitira hanggang sa kaya ko ng magsarili. Maganda sanang ideya... ang kaso hindi papayag si Mama. Hindi rin papayag si Kuya sa gusto kong mangyari.

Iyon ang gumugulo sa isip ko habang tahimik kaming naglalakad ni Diego papunta sa canteen ngayong vacant ang isang subject namin sa umaga. Hindi ako lumabas ng breaktime kagaya ng palagi kong ginagawa dahil alam kong naroon sa canteen sina Emily. Pupunta sana ako ng mag-isa pero nagpumilit si Diego na sasamahan niya ako.

"Ako na lang ang o-order." saad niya nang makarating kami sa canteen. Naupo ako sa isang bakanteng pwesto roon matapos niyang pumunta sa counter upang bumili. Kakaunti ang mga estudyanteng narito ngayon dahil kanina pa nagsimula ang klase.

"Magkano?" tanong ko nang makarating siya dala ang pagkain. Hindi siya sumagot, sa halip ay isa-isa niyang inilapag ang pagkain at tubig na binili sa harap ko.

"Kumain ka na." utos niya sa akin.

"Magkano nga?"

"Kumain ka muna." hindi na ako nakipagtalo pa at sinimulang kainin ang mga binili niya. Doon ko naalala na hindi nga pala ako nakakain ng agahan kanina dahil sa pagmamadaling umalis ng bahay. Pakiramdam ko ay masyado ko ng napapabayaan ang kalusugan ko dahil palagi rin akong napupuyat kapag gabi.

"Huwag ka nang pumunta sa bilyaran mamaya." saad niya. Napatigil ako sa pagkain at lumingon sa kaniya.

"Bakit? Saan na tayo tatambay?" kumunot ang noo niya sa akin at umiling.

"Hindi ka na magpapagabi ng uwi, Ana. Ihahatid na kita kaagad sa inyo mamaya."

Ako naman ang kumunot ang noo.

"Kung naabala ka sa paghahatid sa akin, kaya ko namang umuwi mag-isa-

"Hindi iyon, Ana." napatigil ako nang putulin niya ang sasabihin ko. Mistulang galit ang tono niya. "Alam mong hindi kita pinipilit na sabihin sa akin ang problema mo. Pero alam kong hindi mo ugaling maglakwatsa o magpagabi ng uwi. Walang problema sa akin na ihatid ka palagi, hindi iyon abala para sa akin. Pero 'wag mo sanang pag-alalahanin ang pamilya mo."

Umiwas ako ng tingin sa pamumula ng mata. Alam ko namang mali ang ginagawa ko. Pero hindi ko na alam ang gagawin. Noong isang araw, sinubukan kong kausapin si Mama tungkol kay Tito Alfonso. Tinanong ko siya kung mahal ba talaga niya ang lalaki. Muntikan pa akong makipagtalo sa kaniya nang sabihin kong baka nagkakamali lang siya ng nararamdaman. Baka naghahap lang siya ng atensyon. Nagalit sa akin si Mama at hanggang ngayon ay hindi pa rin ako kinakausap.

"Ana? Ano ba talagang problema mo?" mas naging kalmado naman ang tono niya ngayon. Umiling ako at mabilis na tumayo sa kinauupuan. Hindi ko na nagawang magpaalam sa kaniya dahil maririnig niya ang basag na boses ko. Nagsimula na ring magbagsakan ang luha mula sa mga mata ko kaya mabilis akong tumakbo palabas ng canteen.

Under The Rain (Guevarra Series 1)Where stories live. Discover now