CHAPTER 33

14 2 0
                                    

Almost

"Ayos lang basta para sa 'yo..."

Umiling ako habang naglalakad papuntang room. Ano ba itong pinag-iisip ko? Tumingin ako sa hawak kong payong bago sa labas ng building namin. Maaraw ngayon at hindi umuulan, ang suwerte namin ngayon at nakisama sa amin ang panahon.

Ehh, paano kaya kaming dalawa ni Aki? Kailan kaya makikisama ang tadhana sa amin? Hayzt! Ano ba itong pinagsasabi ko? Ako naman itong tumanggi sa nararamdaman niya para sa akin.

Pumasok na ako sa aming room at ang mga kaklase ko ay may sari-sariling mundo. Hinanap agad ng aking mata 'yong taong nagpabihag sa aking puso ngunit wala siya rito. Tiningnan ko ang kaniyang upuan pero wala ang bag niya rito. Sa tingin ko ay hindi pa siya dumarating.

Pumunta ako sa aking upuan bago umupo rito. Tiningnan ko ang pinto ng aming room para hintayin siya. Lumapit sa akin ang aking kaibigan ngunit wala akong maintindihan sa sinasabi niya dahil nakatuon lang ang isipan ko kung darating ba si Aki.

Paano kaya kung nagkasakit siya? Dahil simula no'ng sabihin niya ang mga katagang 'yon kahapon ay iniwan niya ako roong mag-isa habang pinapanood ko siyang lumayo sa akin.

"Hoy! Spring nakikinig ka ba sa akin?!" bumaling ang atensyon ko kay Cerise nang sigawan niya ako.

"Ayy sorry Cerise may iniisip lang," paghingi ko ng paumanhin sa aking kaibigan.

"Ano ba 'yang iniisip mo at mukhang malalim yata?!" magkasalubong ang kilay nitong tanong sa akin. Napaiwas na lang ako sa kaniya ng tingin at ayaw kong malaman niya na gusto ko na rin si Aki. Sa tingin ko ililihim ko na lang ito sa kaniya para hindi ulit mangyari 'yong nangyari sa amin, na muntikan ng masira ang aming pagkakaibigan.

"Ohh baka naman... Sino ba 'yang iniisip mo?" makahulugang tanong nito bago siya ngumiti sa akin ng maraming pahiwatig. Tinaas baba niya ang kaniyang kilay at saka niya siniko ang aking braso habang siya ay nakaupo sa aking desk.

"A-ano ba Cerise? Wala akong iniisip l-lutang lang." Pagpigil ko sa kaniya at patuloy pa rin siya sa pang-aasar sa akin.

"Asus! Mga palusot mo hindi oobra sa akin," wika nito bago siya umalis sa aking desk. Pinanood ko siyang lumapit sa akin hanggang makarating ito sa tapat ng aking tainga.

"Alam ko kung sino ang iniisip mo... si Aki 'di ba?" bigla akong lumayo sa kaniya nang sabihin niya 'yon.

"P-paanong?" 'yon na lang ang lumabas sa aking bibig. Habang gulat pa rin akong nakatingin sa kaniya.

"Alam mo masyado ka kasing halata!" sigaw nito sa akin at napatingin ako sa aking mga kaklase na may sari-sariling mundo. Mabuti't hindi nila napansin ang pagsigaw ni Cerise.

"Lagi kaya kitang pinapanood doon sa aking puwesto! Napapansin kong lagi mong tinitingnan si... Aki," sabay bulong nito sa pangalan ni Aki. Hindi ko mapigilan na hindi mamula sa pangalan pa lang niya, kaya tinakpan ko ang aking pisngi at umiwas ng tingin kay Cerise.

"Tsk! Kailan ka pa nagkagusto kay Aki?" tanong nito sa akin at tiningnan ko muna ang paligid namin kung may nakarinig ba ng kaniyang tanong ngunit wala naman. Tumingin ako sa kaniya at kitang-kita mong interesado siya sa kaniyang tanong. Siguro... talagang nakapagmove-on na ang aking kaibigan kay Aki. Halata na naman din dahil doon sa nangyari sa kaniya noong isang araw.

"M-matagal na... bago pa siya umamin sa akin pero naguguluhan pa ako no'ng mga oras na 'yon at hindi ko alam kung totoo ba 'yong nararamdaman ko para sa kaniya. H-hanggang sa umamin siya sa akin... doon ko lang naintindihan ang aking nararamdaman." nahihiya kong paliwanag sa kaniya.

"Mabuti't sinabi mo na rin sa akin ang totoo... matagal ko na itong hinihintay." Napatingin ako sa aking kaibigan nang sabihin niya 'yon. Hinawakan niya ang aking balikat at diretsong tumingin sa aking mata.

Middle Of A SummerTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon