Paglilinaw

440 23 1
                                    

Wala naman akong intensiyong ibigin ka noong una.

Ang nais ko lamang ay mabigyang-linaw ang kagaguhang ginawa mo halos isang taon na ang nakalilipas—hindi sa akin kundi sa kanya.

Dapat ay itinigil ko na nang mabigyan mo ako ng sagot. Bagaman ay hindi malinaw, sapat na iyon para malaman kong hindi mo kayang mapanindigan ang kanyang mga nararamdaman.

Ngunit ika'y nagpatuloy, at ako'y sumunod lamang sa agos.


Wala naman akong intensiyong ibigin ka noong una.

Balak ko lamang magpaulan saglit sa iyong mga salita. Sisilong din naman ako sapagkat alam kong nakabihag ka na sa ganitong pamamaraan, at hindi ako hunghang upang magpabihag sa isang gaya mo. Maglalaro, ngunit mag-iingat, kumbaga. Isa pa'y umaasa ako na ika'y mawawala rin tulad ng ginawa mo noon—hindi sa akin kundi sa kanya.

Kaya't sa t'wing hindi ka sumasagot sa aking mga liham kaagad, humihinga lamang ako at nagpapatuloy dahil ito ay aking inaasahan.

Subalit taliwas sa aking inaasahan ang mga nangyari.

Bakit ka patuloy na sumusulat? Bakit ka nananatili?


Wala naman akong intensiyong ibigin ka noong una.

Ngunit nag-iiba naman ang mga intensiyon at ang mga nararamdaman. Gusto ko lang malinawan kung bakit mo ginagawa sa akin ang mga bagay na hindi mo kayang gawin sa kanya.

Mga Lihim na Liham ni Maria Kina Juan at JuanaWhere stories live. Discover now