Kabanata 45

464 15 3
                                    

Dahan-dahan kong minulat ang mga mata ko at napasinghap ako nang puro malalaking puno ang nakikita ko. Napatingin ako sa kalangitan at tanging ang malaking buwan lang ang nakikita ko. Pumikit ako nang mariin. Nasaan ako? Dumilat ako at pinagmasdan ang kapaligiran. Mukhang alam ko na kung nasaan ako. Hindi ako pwedeng magkamali. 

Napatingin ako sa kabilang direksyon nang makarinig ng mga boses. Mabilis akong tumayo at patakbong lumapit sa lugar kung saan naririnig ang mga boses. Lumapit ako sa isang puno at doon sumiksik. Tiningnan ko ang mga taong nakikita ko at nanlaki ang mga mata ko nang makita sina Arisse at Fiona na hinahawakan ng apat na lalaki na paniguradong mga Bampira rin.

Nakatingin sina Arisse at Fiona sa lalaking nakatalikod sa banda ko. Diretso siyang nakatayo at itim na itim ang kaniyang damit. Kumunot ang noo ko nang mapagtanto kung sino siya. Napatunayan ko lang lalo nang marinig ko ang boses niya.

"Kapag hindi ninyo sinabi sa akin kung sino ang taong pinuntahan ni Forrest sa New York, mamamatay kayong lahat." Mahina pero mariing sinabi ni Francisco.

Nagkatinginan sina Arisse at Fiona bago muling tumingin kay Francisco.

"Hindi namin alam ang sinasabi mo, pinuno." Kalmadong sinabi ni Arisse.

Hinawakan ko ang ulo ko dahil sumasakit ito. 

"Arisse... Arisse..." Dahan-dahang sinabi ni Francisco ang pangalan ni Arisse. "Ang ayaw ko sa lahat, nagsisinungaling." Sabay sakal ni Francisco sa kaniya.

Tinakpan ko ang bibig ko habang nanlalaki ang mata. Hindi ko kayang makita ang nangyayari ngayon. 

"Ate Arisse!" Nag-aalalang sigaw ni Fiona.

Kinagat ko ang labi ko at hindi ko alam kung ano ang sunod kong gagawin. Ang lumapit at magpakita sa kanila o manatili rito para panuorin ang lahat? At bakit nandito ako? Panaginip lang ba ito? Kung panaginip lang ay bakit parang totoo?

Namuo ang luha sa aking mata habang nakikitang nahihirapan si Arisse. Malalakas sila kaya paniguradong mahigpit ang ginagawang pagsakal ni Francisco sa kaniya. Pumipikit-pikit si Arisse habang sinasakal pa rin ni Francisco. 

"Pinuno tama na po!" Sigaw ni Fiona.

Napatingin sa kaniya si Francisco bago binitawan si Arisse. Hinawakan naman ni Arisse ang kaniyang leeg at pagkatapos ay parang wala lang kay Arisse ang nangyari. Nag-iwas ako ng tingin at nagtago sa puno. Hinilot ko ang noo ko at inayos ang magulong buhok. Natataranta ako at hindi ko alam kung bakit nandito ako. Panaginip ba talaga ito?

"Bago matapos ang buwan ng Enero, dapat ay malaman ko na kung sino ang babaeng iyon." Rinig kong sinabi ni Francisco.

Shit.

Hanggang ngayon pa pala ay hindi pa rin nakakalimutan ni Francisco ang nangyari noon? Gusto niya pa akong makita para patayin? 

"Kapag hindi nangyari ang gusto ko, papatayin ko kayong lahat. Ititira ko si Forrest para magdusa siya habang siya ay nabubuhay." 

Nanginig ako sa sinabi ni Francisco. Seryosong-seryoso siya kaya alam kong gagawin niya talaga kung ano ang sinabi niya. Pumikit ako nang mariin at sa pagdilat ko ay nakita ko si Thunder sa malayong puno. Nakatingin siya sa akin kaya naman hindi na ako nag-isip at mabilis na tumakbo sa kaniya.

"Chandria!" Sigaw ni Arisse.

"Ate Chandria!" Sigaw naman ni Fiona.

Nilingon ko sila at mabilis nagsisi sa ginawang pagtakbo nang makita ko ang mga mata ni Franciso na nakatingin na sa akin. Ngumisi siya at mabilis na nagtungo sa akin. Nagulat ako at muling nilingon si Thunder pero hindi ko na makita si Thunder sa kung saan ko siya nakita.

Immortality in the Woods (Completed)Where stories live. Discover now