Kabanata 55

483 18 0
                                    

Tinakpan ko ang tainga ko para hindi marinig ang sigaw niya. Ilang minuto ang lumipas nang matigil ang sigaw. Napalunok ako at mabilis na tumayo nang makita sina Hugo at Francisca na patungo sa akin. Napatingin ako sa mga batang maingat nilang hinahawakan. Mabilis na kumabog ang dibdib ko. Hindi ako makapaniwalang nailabas ni Chandria ang dalawang bata. 

"Katrina ang saya-saya ko! Pakiramdam ko'y natupad ang pangarap ko noon!" 

Kitang-kita ko ang kislap sa mga mata ni Francisca habang tinitingnan ang sanggol na hawak niya. Naalala ko agad ang pangarap noon ni Francisca. Hindi ako nagsalita at nilingon ko si Hugo na maingat na ibinababa ang isa pang sanggol sa puting kumot. 

"Lalaki siya." Nakangiting sinabi ni Hugo habang tinitingnan ang sanggol na malaking-malaki na ang mga mata. 

"Babae naman ang hawak ko." Sabi ni Francisca. 

Napatingin muli ako kay Francisca. Bahagya siyang sumasayaw habang kalmadong pinagmamasdan ang sanggol na nakapikit ngayon. Muli akong napalunok. Hindi ako makapaniwalang mga pamangkin ko sila. Hindi ako makapaniwala na anak sila ni Kuya Forrest. Hindi ako makapaniwala na may dumagdag na sa pamilya namin. 

Napatingin ako kay Hugo nang nilingon niya ako. Pinagtaasan ko siya ng kilay.

"Mukhang hindi ka masaya..." Sabi niya.

Hindi ako nakapagsalita sa sinabi ng Taong Lobo na ito. Nilingon ko si Francisca na kahit narinig ang sinabi ni Hugo ay walang pakialam dahil abala siya sa pamangkin ko. 

Paano ako magiging masaya kung nasa panganib pa ang ina ng mga batang ito?

Magsasalita pa sana si Hugo pero narinig ko ang iyak ni Cindy kaya naman mabilis akong umakyat sa kwarto. Nakita ko sila na nakapa-ikot sa kama. Dahan-dahan akong lumapit at nakita ko sina Thunder at Kuya Forrest na nasa magkabilang gilid ni Chandria. 

Pumikit ako at hindi ko na maramdaman ang pagtibok ng kaniyang puso. Dumilat ako at tiningnan si Kuya Forrest na nakatulala sa leeg ni Chandria na may kagat niya. Hindi ko alam kung nagtagumpay ba si Kuya Forrest.

"Chandria..." Umiiyak na si Cindy.

Nilingon ko siya. Matalik siyang kaibigan ni Chandria kaya alam kong masakit sa kaniya ito. Kahit si Kuya Forrest, hindi niya masasabi na nagtagumpay nga siya. Pero base sa nakikita ko ngayon, hindi mukhang malungkot o wasak si Kuya Forrest. Dahan-dahan kong inilipat ang tingin ko sa mukha ni Chandria. Halatang-halata na hirap na hirap siya sa nangyari. 

Tiningnan kaming lahat ni Kuya Forrest. 

"Bumaba na kayo." Seryosong sinabi ni Kuya Forrest. 

Isa-isa niya kaming tiningnan. Pero wala ni isa sa amin ang sumunod. Si Arisse ay tahimik na tumutulo ang luha habang nakatingin kay Chandria. Si Kuya Carlos naman ay niyayakap nang mahigpit si Cindy. Sina Kuya Dalton at Halton ay parehong seryoso habang nakatingin kay Kuya Forrest. Si Kuya naman ay malungkot ang mukha. Si Thunder naman ay bigong-bigo at si Rain naman ay nasa balkonahe at nakatulala sa mga puno. 

Sa mga oras na ito, gusto ko na lang magsisi kung bakit hindi ko ipinakita o ipinaramdam kay Chandria na gustong-gusto ko siya para sa pamilya namin at kay Kuya Forrest. Napangunahan ako ng takot at ipinilit ko sa aking utak na mali iyon sa aming lahi. Labag iyon. Mali ang ginawa ni Kuya Forrest na magmahal ng isang tao pero sa puntong ito, wala na sa isipan ko iyon. 

"Hindi ni'yo ba ako narinig?" Matigas na sinabi ni Kuya Forrest.

Huminga nang malalim si Kuya Dalton at tatalikod na sana siya nang biglang napaatras si Kuya Forrest dahil sa suntok ni Thunder. Sumigaw si Cindy at mabilis na inawat ni Kuya Dalton si Thunder. Pinipigilan ni Kuya Dalton si Thunder dahil balak pa niyang sugurin si Kuya Forrest. Wala namang reaksyon si Kuya Forrest dahil para siyang nanghihina at napaupo na lang sa sahig. Si Thunder lang ang agresibo ngayon.

Immortality in the Woods (Completed)Where stories live. Discover now