Kabanata 56

476 13 0
                                    

"Ikaw ang gumabay sa kanila habang wala kami ng iyong ama, Forrest."

Napatingin ako sa aking ina. Tumango ako sa pinakamamahal kong ina. 

"Masusunod po." Sagot ko. 

Ngumiti siya at hinaplos ang aking mukha. 

"Panatag naman ang loob namin ng ama mo na magiging maayos kayo roon sa Nueva Ecija." Ngumiti ang aking ina bago magpatuloy. "Basta't kung kailangan ni'yo ng tulong, nandito lang kami ng ama ninyo. Ginagawa namin ito para sa ating kalahi na gustong mamuhay nang payapa at normal." 

Tumango ako dahil naiintindihan ko iyon. Pagkatapos ng usapan namin ni ina ay bumalik na rin ako sa Penaranda, Nueva Ecija. Seryoso akong nagmamaneho habang inaalala ang mga panahong palipat-lipat kami ng bansa at lugar. Dito lang kami sa Pilipinas nagtagal at nagustuhan naming tumira rito lalo na sa Nueva Ecija kung saan naramdaman namin ang kapayapaan ng isang normal na pamumuhay. 

Tumunog ang selpon ko sa isang tawag. Sinagot ko agad si Fiona. 

"Kuya nasaan ka na?" Tanong ni Fiona. 

"Malapit na ako." Sagot ko sa aking kapatid. 

Narinig ko ang tawanan ng aming mga pinsan. Nasa balkonahe yata sila at tumitikim na naman ng alak na nagustuhan nila simula nang mamuhay kami ng normal. Muling tumawa ang kapatid ko at walang sabi-sabing pinatay ang tawag. Napangisi at napailing na lang ako. 

Binagalan ko na ang takbo ko nang makapasok na ako sa Penaranda. Pasulyap-sulyap ako sa mga kabahayan na aking nakikita. Pumasok ako sa Purok Sais at mas binagalan ko ang pagmamaneho ko. May mga bata pa kasing naglalaro sa gilid ng kalsada kahit lubog na ang araw. Siguro'y ganito talaga rito. Mabuti na lang at kami pa lang ang naninirahan sa lugar na ito. Hindi ko kailangan mangamba para sa mga taga-rito.

Nasa loob na ako ng Tumana at sa tuwing dadaan ako rito, palagi akong napapatingin sa malaking mansion na narito. Kahit makaluma ang disenyo ay maganda pa ring tingnan. Wala akong masyadong alam sa pamumuhay ng mga mortal pero masasabi kong marangya ang nagmamay-ari ng mansion na ito. 

Nang malampasan ko ang mansion ay binilisan ko na ang takbo ng sasakyan. Nakarating agad ako sa aming bahay at nakita ko agad ang pamilya ko na nasa balkonahe at nagkakatuwaan. Pumalakpak sina Halton at Kylo. 

"Tagal mo. Tara rito!" Sigaw ni Halton.

Ngumisi ako at ginamit ang pagiging mabilis. Wala pang isang segundo ay nasa balkonahe na rin ako. Sinulyapan ko ang aking kapatid na kausap si Arisse habang umiinom ng juice. 

"May nakita na namang bagong alak si Kylo. Sarap!" Lumapit sa akin si Dalton at inabot ang isang baso na may lamang alak.

Napailing ako at kinuha iyon. Tiningnan ko muna iyon bago ininom. Napapikit ako at naramdaman ang sarap nito. 

"Masarap ang lasa pero ayokong uminom." Sabi ko sa kanila.

Napailing naman sina Halton at Kylo. Ngumisi lang ako at pumasok na sa loob ng bahay. Nagtungo ako sa pinakadulong pinto kung saan ang kuwarto ko. Pumasok ako at hinubad ang aking suot na leather jacket. Umupo ako sa kama at inisip ang kailangan kong gawin sa susunod pang mga araw. 

Simula nang umalis kami sa aming bansa, mas lumaki ang aking responsibilidad lalo na't napili ako bilang papalit sa aming pinuno na si Francisco. Dahil nakita ng iba naming kalahi ang kagustuhan kong magturo ng mga kalahi namin na gustong mamuhay ng normal. Sa totoo lang, hindi ko talaga alam kung kakayanin ko bang gawin lahat iyon lalo na't ang tanging gusto ko lang naman ay manirahan dito sa simpleng paraan kasama ang aking pamilya. 

Hindi ko naman tinatalikuran ang pagiging Bampira pero gusto ko lang mamuhay nang malayo sa kanila. Pero dahil pumayag din ang aming pinuno, wala na rin akong nagawa at mas lalo ko pang paghuhusayan dahil ayaw kong mapili si Lazaro. Mabait si Lazaro at maaasahan ngunit hindi sa lahat ng oras. Masama ang nais niya para sa amin at hindi ko iyon pahihintulutan. 

Immortality in the Woods (Completed)Where stories live. Discover now