Title: ELLANA
Genre: Paranormal/Romance
Author: Wiz LigeraMadilim pa ay bumangon na mula sa higaan ang labingwalong taong gulang na si Ellana. Hindi pa man nakakabawi ang katawan sa pagod, kailangan niya nang kumilos ulit para malabhan naman ang mga damit ng pamilyang pinagsisilbihan. Pagkatapos naman ay maghahanda pa siya ng almusal at lilinisin naman ang mga kubeta sa mansyon. Nakagawian na niya ang maituring na isang alila, kahit ang totoo ay kadugo rin niya ang mga nananahan doon.
Taong 1956, ang panahong walang lugar sa lipunan ang mga bastarda, iniwan siya ng ina sa bahay ng mga Cortez. Resulta siya ng pagtataksil ng asawang lalaki kaya naibuhos ng babae ang lahat ng galit sa walang kamuwang-muwang na paslit. Maging ang kapatid at sariling ama ay naging malupit din sa kanya. Makailang beses man na masaktan at pagsabihan ng masasakit, tinitiis na lamang niya dahil alam niyang wala siyang mapupuntahan at umaasa pa rin siya na darating ang araw na mamahalin din siya ng tinuturing na pamilya.
Hindi man lang niya matandaan ang mukha ng tunay na ina. Wala rin siyang ideya kung anong itsura nito o kung saan man nakatira. Sa pagkakakuwento lang sa kanya, noong dalawang taong gulang lamang ay ibinigay siya sa ama at hindi na binalikan pa. Bata pa lamang ay namulat na siya katotohanang isa lamang siyang bastarda kaya hindi rin naman niya magawang magreklamo.
Napakahirap man ng kanyang sitwasyon ay pasalamat pa rin siya dahil hindi naman siya ginugutom at pinag-aaral naman ng ama. Sa isip niya, kapag nakapagtapos na siya ng kolehiyo, makakahanap na siya ng sariling trabaho. Inaasam niya na kapag nakapag-ipon na ng pera, magtatayo rin siya ng sariling negosyo. Sa bawat pagkakataon na nangangarap siya nang gising na matagumpay sa karera at ipinagmamalaki na ng tatay, napapangiti na lang siya at mas ginaganahan na tapusin ang mga gawaing-bahay.
"Kaunting tiis na lang, matutupad mo rin ang mga pangarap mo," pagkukumbinsi niya sa sarili kahit hapo na rin ang katawan at isipan sa kakatrabaho.
Buhat-buhat ang isang batsa ng nalabhan, nagtungo na siya sa labas upang magsampay. Habang abala siyang inaayos ang mga damit at kumot, pinanonood pala siya ng nakatandang kapatid na abot-langit ang inggit sa nakababata. Mestisahin man at may itsura rin, hindi maipagkakailang mas biniyayaan ng kagandahan si Ellana. Mula sa mamula-mula nitong buhok at malaporselanang kutis, maraming makagsasabi na mukha itong dyosa at hindi karapat-dapat na maging alila lamang.
Dahil sa inggit ni Sophia sa kapatid, sinasadya niyang mas pahirapan ito. Sa isip niya, mawawala ang kinaiinisang kagandahan nito kung papagurin at sasaktan. Subalit, makailang ulit man niyang pagbuhatan ng kamay ang kinaiinggitan, parang mas lalo pa itong gumaganda at kapansin-pansin sa kalalakihan.
Napangisi siya nang muli ay sumagi sa isipan na pagmalupitan ang kadugo. Dali-dali siyang pumanaog upang maisakatuparan ang pagpapahirap sa nakababata.
Nang makitang papalapit na si Sophia, nakaramdam na ng takot at kaba si Ellana. Ganoon pa man, sinikap niyang magmukhang masaya at mahinahon dahil umaasa siya na maganda ang sumpong nito at hindi naman siya sasaktan ngayong araw.
BINABASA MO ANG
Paranormal One-shot Stories
ParanormalA compilation of my one-shot stories, mostly with paranormal theme. Also published in my Facebook Page, Author Wiz.