CASSANDRA (Finale/Part 3)

15 0 0
                                    

"Sino ka?" paggambala sa kanya ni Dante Ivan Oliveros, ang asawa ni Cassandra.

"Kaano-ano ka ng misis ko?"

Sinipat siya nito mula ulo hanggang paa sapagkat nainsulto ito sa pagbigla-biglang pagpasok niya sa teritoryo at hindi man lang pagkilala rito bilang kabiyak ng nakaburol.

Lumingon siya sa gawi ng kinasusuklamang lalaki. Nais man niya itong saktan at sisihin ay pinili niyang pairalin ang isipan, bago ang damdamin. Malakas ang kutob niya na ang kaharap ngayon ay ang dahilan kung bakit nam@tay ang kababata at hindi aksidenteng pagkahulog sa hagdanan ang naging dahilan ng pagkasawi.

Kung nais niyang malaman ang katotohanan, kailangan niyang huminahon. Nararapat na kalimutan muna niya nang panandalian ang poot at pagluluksa kung nais niyang mabigyan ng hustisya si Cassandra.

"Ako si Alejandro Gonzalez, kababata ni Cassie," may pekeng ngiti na pagpapakilala na niya. Inilahad niya pa ang palad upang makipagkamay. "Marahil, ikaw ang kanyang asawa..."

Kapansin-pansin na nagbago ang ekspresyon ni Ivan. Bakas sa mga mata nito ang pagkabigla na ang pinagseselosan ay ang kaharap ngayon. Nabasa niya ang ilan sa mga sulat nito, simula pagkabata hanggang sa pagdadalaga ni Cassandra, nang halungkatin ang mga gamit ng kabiyak.

"Kahit sa paghihingalo, ikaw pa rin ang hinahanap-hanap niya!" puno ng panibughong naisip ni Ivan pero katulad ni Alejandro, nagpanggap din siya na walang sama ng loob. Nanlalamig ang kamay na nakipag-handshake siya sa bisita at nagkunwaring natural lang ang mga akto at walang nagawa na nakaririmarim.

"Oo, ako nga ang asawa niya," kaswal na sinagot naman niya. "Ah! Ikaw pala ang bestfriend ni Cassie. Pasensiya na at hindi kita nakilala kaagad. Halika, maupo ka muna at magkuwentuhan tayo."

"Sinusulatan ko siya noong nabubuhay pa, hindi ba niya ako nabanggit sa iyo?" malumanay pero may patama na pakikipaglaro din ni Alejandro ng pagkatuso. "Nangungumusta lang naman ako at walang malisya ang mga liham kaya huwag kang magseselos, ha?"

"Sulat?" pagmamaang-maangan naman ng kausap. "Hmmm, ewan ko kung may mga nakarating nga kay Cassie. Masikreto rin kasi siya kaya hindi na ako nakikialam sa mga bagay na personal dahil nirerespeto ko pa rin ang privacy niya."

"At bakit naman ako magseselos?" pahabol pa nito. "Ang kuwento niya nga sa akin ay mabait at mapagkakatiwalaan ka naman. Naniniwala ako kasi mas kilala ka niya kaysa sa akin..."

Nagsindi ng sigarilyo si Ivan at hinithit iyon. Bahagyang naningkit ang mga mata niya habang iniisip kung paano ba magmumukhang mabuti at huwarang kabiyak sa harapan ng mapanuring kaibigan ni Cassandra. Unang tingin pa lang kay Alejandro ay batid niyang matalino at hindi basta-basta mapapaikot. Bumaling siya sa kanan at dahan-dahang binuga ang usok.

"Excuse me," paghingi niya ng paumanhin nang kumalat ang usok sa kinaroroonan nila. Inalok naman niya ang kahon ng sigarilyo sa bisita. "Sabayan mo ako. Na-stress lang talaga ako, hindi ko pa rin matanggap na naaksidente si Cassie. Kung maaari sana, dito ka na lang muna at mag-inuman tayo. Pag-usapan na rin natin ang magagandang alaala na iniwan niya para kahit paano ay mabawasan naman ang lungkot ko."

"Hindi ako naninigarilyo at bihira akong uminom ng alak," pagtanggi ni Alejandro na naaalibadbaran na sa amoy ng usok, maging sa pagpapanggap ni Ivan na mabuti at palakaibigan. "Kapag na-stress ako, katulad ni Cassandra ay mas gusto namin ang lumanghap ng sariwang hangin. Paborito nga niyang tumambay noon sa hardin ng school kasi presko raw at walang polusyon."

Natigilan si Ivan sa paghithit ng sigarilyo nang mapikon sa pahapyaw na pang-iinis niya. Binaba na nito ang hawak sa ashtray at nagpatuloy sa pag-iinteroga sa ipinagmamalaking kaibigan ng nasawing kabiyak.

Paranormal One-shot StoriesWhere stories live. Discover now