PANGAKO NI NANAY

30 1 11
                                    

Title: Pangako ni Nanay
Genre: Paranormal
Author: Wiz Ligera

Nagising si Precious nang may marinig na kumalabog. Pagmulat ng mga mata ay napansin niya na dapithapon na pala. Yamot na kinusot niya ang mga mata nang mapagtantong napahaba ang pag-idlip kanina lamang.

Sinikap niyang tumayo pero napaupo muli. Umikot ang paningin niya kaya napapikit na lang siya at lumunok ng ilang beses upang hindi naman masuka.

Noong nakaraang mga araw ay naging mas antukin at mahihiluin na siya. Simula bata pa lamang ay sakitin na rin siya kaya naging natural na ang ganitong karanasan sa kanya.

Subalit, mas nagtagal ang pagkahilo niya kaya naalarma na siya. May naramdaman siyang likido na tumulo sa kanyang ilong kaya alam niya na dumudugo na naman iyon.

"'Nay," pagtawag niya sa ina na tanging kapamilya na nagtitiyagang nag-aalaga sa kanya.

Limang taon na ang nakalilipas, iniwan na siya ng ama at sumama sa isang mayamang banyaga upang manirahan na sa America. Napagod na kasi ito sa pag-aalaga sa kanya at ayaw nang makasama pa ang asawa na tumanda na ang itsura dahil sa dami ng problema. Kung noon ay biniyayaan ng magandang mukha at katawan ang misis, sa paglipas ng panahon ay nalosyang na raw ito. Nang makahanap ng mas batang babae na mayaman pa, nagdesisyon na itong iwanan silang mag-ina. Tandang-tanda niya noong mag-alsabalutan ang tatay at walang lingon-lingon pa na umalis sa tahanan nila.

Laking pagtataka niya nang hindi siya sagutin ng ina. Dati-rati ay marinig lang siyang tumawag nito ay kaagad na napupuntahan.

"Inay?" pagtawag niya muli.

Nang walang tumugon, kahit nanghihina ang mga paa ay sinikap na niyang maglakad at nagtungo sa sala. Gaya ng dati, nagkalat pa rin ang mga gamit dahil hindi na maasikaso ng ina ang pagliligpit sa bahay. Sa umaga ay nagtatrabaho ito na janitress at sa gabi naman ay nagtitinda naman ng balot at inihaw. Pagod man si Aling Fely sa pagkayod, ginagawa niya ito upang maipagamot ang anak na may leukemia. Pinag-iipunan niya ang mga medisina at pagpapa-chemo therapy kaya kahit anong trabaho at basta legal, pinapasok na niya.

Sumilip si Precious sa labas upang hanapin ang nanay. Tanging mga tambay sa katapat na tindahan ang nakita niya. Kadalasan ay walang pang ala-sais ay nasa tahanan na ang ina kaya nababahala na rin siya.

"Akala ko, magtitinda siya ng inihaw ngayon," pagtataka niya. "Nasaan na kaya siya?"

Lumipas ang ilang sandali kaya nainip na siya. Dahil nahihirapang huminga at naiinitan, lumabas muna siya upang magpahangin. Pinagmasdan niya ang mga taong pauwi na mula sa trabaho upang aliwin ang sarili at makalimutan ang karamdaman. Napansin niya na karamihan ay may dala-dalang mga pagkain at regalo, at may ngiti pa sa mga labi.

"Anong mayroon?" tahimik na pakikiusyoso niya.

"Anak!" narinig niyang tumawag sa malayo. Inakala pa niya na boses ng ina ang narinig kaya napalingon siya bigla. Nadismaya siya na ibang nanay pala ang tumatawag at kapitbahay pala nila. 

Pumasok na ang mag-iina sa tahanan nila. Mula sa loob ay dinig niya ang katuwaan dahil birthday pala ng anak ng ginang na teenager. Nalanghap pa niya ang handang pansit at fried chicken ng pamilya kaya kumalam na rin ang sikmura niya.

"Kailan kaya ako magkakaroon ng ganyang birthday?" may bahid ng inggit na naisip pa ni Precious. Dahil salat sa pera, mumurahing cake at kaunting spaghetti lamang ang nabibili ng ina para sa kanya. Nagpapasalamat naman siya sa simpleng handa pero hindi pa rin niya maiwasang maghangad na sana ay mas masasarap ang nakakain tuwing kaarawan niya.

"Huwag ka nang mainggit," pinagsabihan pa niya ang sarili. "Winner ka naman kay Inay. Napakabait at maalaga pa kaya kahit walang handa, OK lang, basta magkasama kami!"

Paranormal One-shot StoriesWhere stories live. Discover now