Kumakalam ang mga sikmurang pinagmamasdan ng dalawang kuting ang pagbuhos ng ulan. Nakakubli sila sa loob ng abandonadong van na napaliligiran din ng pinaglumaang mga sasakyan. Kasalukuyang naghihintay sila sa pagbalik ng nanay. Katulad nang nakagawian, inaasahan nila na may dala-dala itong karne o kaya naman ay ulo ng isda.
Subalit, ngayong gabi ay wala pa rin ang presensiya ng ina. Nag-aalala na rin ang dalawa sapagkat palakas nang palakas ang ulan at magdamag ng walang paramdam ang Inay Pusa nila.
"Hanapin na kaya natin?" aligagang pagtatanong na ni Sunkiss, ang nakababatang kuting, sa kuya niyang si Ponkan.
"Ang sabi ni Inay, maghintay lang daw tayo," tugon ng nakatatanda na ilang minuto lang ang pagitan sa pagkaluwal sa kapatid. "Delikado raw sa labas at baka mapaano pa tayo!"
Tumuntong si Sunkiss sa may manibela ng van at sumilip ulit sa bintana sa pagbabakasaling naroon na ang nanay.
"Nagugutom na ako," mahinang pagrereklamo niya. "Kahapon pa tayo hindi nakakakain..."
"Talagang 'yun gutom mo pa ang inaalala mo!" napagalitan pa tuloy siya ng kapatid na katulad niya ay kulay orange ang balahibo. "Bumaba ka riyan at matulog ka na lang muna! Gigisingin na lang kita kapag narito na si Inay!"
Sumunod naman ang nakababata at nagtungo sa backseat ng sasakyan. Namaluktot na ito upang umidlip upang kahit paano ay makalimutan ang hapdi ng tiyan. 'Di nagtagal ay nahimbing na ito at sa loob ng panaginip ay maraming makakain.
Tanaw niya ang isang plato na punong-puno ng tilapia at bangus. Sa tabi naman nito ay ang bandehado ng mga inihaw na karne. Napalunok siya nang makailang beses nang manuot sa ilong ang amoy ng katakam-takam na mga putahe.
Subalit, unti-unti maglalaho ang mga iyon. Kahit sa pangarap ay ramdam niya ang panlulumo. Napagtanto niya na ilusyon lang pala ang lahat at nararapat na makuntento na siya sa tira-tirang isda't karne.
"Meow!" dinig niyang pagtawag ng pamilyar na tinig. Pagmulat ay nakita niya si Ponkan sa may harapan niya. Namimilog ang mga matang pinagtatapik pa siya nito sa mukha upang magising.
"Aray!" nayayamot na nasabi niya habang unti-unting bumabangon. "Kung makatapik ka, may kasama pang matalas na mga kuko!"
"Nariyan na si Inay Pusa!" sabik na pagbabalita nito.
"May dala ba siyang makakain?" tulirong pagtatanong niya. "Kahit sana buntot lang ng tilapia-"
Natigilan siya sa pagsasalita nang makita na paakyat ng van ang ina na walang dalang kahit ano. Dismayadong napaismid siya sapagkat mahapdi na talaga ang kanyang sikmura. Wala na rin silang makuhang gatas sa nanay kaya batid niyang magdamag na naman silang gugutumin.
"Mga anak!" nakangiting pagbati nito. Lumapit ito sa kanila at isa-isa silang kinumusta kung maayos ba ang kalagayan.
"Pasensiya na at wala akong nadala," may bahid ng lungkot na pagtatapat nito. Panandalian muna itong dumapa sa upuan at pinikit ang mga mata upang magpahinga.
BINABASA MO ANG
Paranormal One-shot Stories
ParanormalA compilation of my one-shot stories, mostly with paranormal theme. Also published in my Facebook Page, Author Wiz.