CASSANDRA (Part 2)

4 0 0
                                    

Pinagsabihan man ni Cassandra na huwag nang makialam sa desisyon niyang pagpapakasal sa iba, hindi natiis ni Alejandro na puntahan ito at kumbinsihin na sumama na sa kanya. Hindi niya maatim na basta hayaan itong matali sa taong hindi man niya sigurado kung may kakayahan na mahalin at alagaan ang kababata.

Madaling-araw pa lamang ay nagpasya na siyang lumuwas ng Maynila. Pagkababa pa lamang ng sasakyan ay natanaw na siya ni Mr. Morales kaya dali-dali itong sumugod sa kanya.

"Sir, sandali lang po," pakikiusap niya habang tinitiis ang panunulak at pagtataboy ng ginoo. "Hindi po ako narito upang manggulo. Gusto ko lang makausap si Cassie."

"Alam ko ang pakay mo!" naghuhurimintadong sinabi nito kasabay ng marahas na paghatak sa kanya pabalik ng kotse. "Didiktahan mo siya na bumalik sa probinsiya para makasama ka! Noon pa man ay bad influence ka na!"

"Wala po akong masamang intensiyon kahit noon pa man!" pinagdiinan na niya sa lalaki na batid niyang kilala pa nga siya simula pagkabata. Sa katunayan ay nagdamdam pa siya dahil pagkatapos ng mga pabor na ginawa niya para kay Cassandra, malalaman pa niya na minamasama pala nito.

"Nais ko lang na payuhan siya nang maayos! Alam ko po na napipilitan lang siyang magpakasal! Kayo nga po dapat ang unang nakakalam niyan! Nahihirapan na si Cassie kaya pakiusap, huwag niyo naman po siyang itulak sa isang bagay na labag sa kalooban niya!"

"Ang kapal ng mukha mong pangaralan ako!" nanginginig sa galit na pinagsabihan siya ng ginoo. "Hindi ka niya tatay! Ako ang nakakalam ng mas nakabubuti sa kanya!"

Binuksan na nito ang pintuan ng kanyang kotse at itinuro na pumasok na siya sa loob at umalis. Nang hindi siya kumilos ay pinagbantaan na siya nito.

"Hindi ka aalis? Huwag mong hintayin na ipakaladkad kita sa mga tauhan ko o ipahuli ka sa mga pulis!"

Hindi makapaniwala si Alejandro sa narinig na pananakot. Noon naman ay maayos ang pakikitungo nito sa kanya pero ngayon, ramdam niya na parang basura lang ang pagtrato nito sa kanya.

Ganoon pa man ay isinawalang-bahala niya ang pagbabanta nito at nagawa pang magtatakbo patungo sa gate. Doon ay lumusot siya sa tarangkahan at nagsisigaw upang marinig na ng kababata.

"Cassie! Pakiusap, huwag kang magpapakasal sa lalaking 'yan! Maniwala ka sa akin, magiging desperado ka lang! Kilalang-kilala kita, alam ko kung hindi ka tunay na masaya kaya huwag ka nang tumuloy sa kasal!"

"Ilabas niyo 'yan!" dinig na niyang inutos ni Mr. Morales kaya nilakasan niya lalo ang boses bago pa man siya maipagtabuyan ng mga ito.

"Nararamdaman ko na nariyan ka! Pumanaog ka rito at sumama na sa akin! Hindi kita pababayaan, ayusin natin itong problema mo!"

Ramdam niya ang marahas na paghatak sa kanya ng tatlong lalaki. Batid niya na sa pagkakataong ito ay wala na nga siyang magagawa upang labanan ang mga ito lalo na at wala siya sa kanyang teritoryo. Dehado man ay sinikap pa rin niyang magpumiglas upang mabigyan ng oras ang dalaga na magbago ang isip.

"Cassie!" desperadong panawagan niya muli.

"Huwag naman sanang magtapos ang lahat ng pinagsamahan natin nang ganito lang..."

Halos masubsob siya sa daan nang itulak palayo nina Mr. Morales. Mahigpit na pinagbilinan ng ginoo ang mga bantay na huwag na huwag siyang papapasukin. Kinandado pa ng mga ito ang gate upang masiguro na hindi na siya makakapasok pa.

"Cassandra!" tila ba nawawala sa sariling paghiyaw niya kahit malabo pa na mapagbigyan.

Lingid sa kaalaman niya, nasa may pintuan na nga ang dalaga at narinig ang mga pagsamo niya. Tuksong-tukso na nga itong lumabas at sumama sa kanya kung hindi lang nakayapos ang ina at mga kapatid sa kanya upang mapigil na umalis. Makailang beses din na nagmakaawa ang nanay na huwag silang lilisanin dahil siya na lang ang kanilang pag-asa. Walang nagawa si Cassandra kungdi tumangis at tiisin si Alejandro.

Paranormal One-shot StoriesWhere stories live. Discover now