Title: Tagasundo
Genre: Paranormal
Author: Wiz Ligera"Akala ko ba, dito ang daan?" iritableng pagtatanong ni Karen sa mga kabarkada habang tinatahak nila ang daan patungo sa resort na balak puntahan.
Madilim-dilim na kaya naiinis na siya sa mga kaibigan na hindi pala kabisado ang daan patungo roon. Sa hindi maipaliwanag na dahilan, sinusundan naman nila ang GPS* sa kotse at Google Maps pero hindi rin niya maintindihan kung bakit palagi silang naliligaw. Nagkataon pa na biglaang bumuhos ang malakas na ulan kaya nakakaramdam na rin siya ng kaba habang pagmamaneho.
(Global Positioning System)"Ang sabi kasi rito sa Google, malapit na tayo e. Baka naman ikaw ang nagkakamali ng nililikuan?" tugon ni Josie habang binabasa ang panuto sa cellphone.
"Ako pa ang mali?" pasinghal na pinagsabihan niya ang kabarkada na nag-aya sa resort. "Sa lahat ba naman kasi ng masa-suggest mo, dito pa? Liblib masyado! Sabi na nga ba, dapat nag-Boracay na lang tayo!"
"E sabi niyo kasi, gusto niyo ng kaunti ang tao. Nagkataon na nakita ko ang advertisement nito. Mukhang maganda kaya dito na ako nagpa-book!"
Umikot na lang ang mga mata ni Karen dahil tama nga naman ang kausap, siya pa mismo ang may panukala na maghanap ng tahimik at kakaibang lugar. Sawang-sawa na kasi siya sa mga resort na sikat at maraming nagpupuntahang mga tao.
"Oo nga, gusto ko nga ng hindi crowded! Pero hindi ko naman sinabi na barrio ang puntahan natin! May pagkatanga ka rin, ano?"
"Tama na. Kalma lang!" pag-awat na ni Katie dahil nagsisimula na itong magsabi ng masasakit na salita. Kilala niya ito sa pagiging matalas ang dila at mapanlait kaya pinatigil niya na ito bago pa man mapaiyak si Josie.
Sa kalagitnaan ng daan na napapalibutan ng mga talahib at naglalakihang bato, hindi namalayan ni Karen na may parating pala na truck. Dahil sa lakas ng ulan at kadiliman ay aksidente niyang nahagip ang kasalubong na sasakyan. Napahiyaw na lang silang apat na magkakabarkada nang lumipad sa ere ang kotse at bumagsak sa gilid ng daan. Nilagpasan lang sila ng nakabanggaan na tila ba hindi pa sila napansin.
Hilong-hilo man si Katie ay sinikap niyang buksan ang nayuping pinto sa back seat. Subalit, natigilan siya nang pagsilip sa ibaba, malalim na bangin pala ang babagsakan nila. Napabalik siya bigla sa loob pero yumanig naman ang buong kotse at nagbadya na dadausdos paibaba kung magkakamali sila ng galaw.
"A-Anong nangyari?" wala sa wisyong pagtatanong ni Josie. Siya rin ay kinapa ang pintuan sa passenger's seat pero pinigil na siya.
"Huwag kayong gagalaw!" aligagang panuto ni Katie. "Nasa dulo tayo ng bangin!"
"Uhmmm..." mahinang pag-iyak ni Jessy. Paglingon nila sa kaibigan, nabagabag sila dahil napuruhan pala ito nang mahagip sila ng truck sa likuran. Dumaloy mula sa ulo nito ang dugo at sa kundisyon ng katawan niya, mukhang nagkaroon pa siya ng maraming bali sa buto.
"T-Tumawag kayo ng rescue!" nanlalaki ang mga matang instrukyon ni Karen. "Ayaw ko pang mamatay! Kailangan kong makaligtas!"
"Oo! Sandali!" Mabilis na kinuha ni Josie ang cellphone upang tumawag ng sasaklolo sa kanila. Halos maiyak na siya nang makitang wala rin signal kaya bigo siyang makahingi ng tulong. "W-Wala akong matatawagan!"
"Anong wala? Talagang hindi ka maaasahan!" naghuhurimintadong sinigaw ni Karen. Tinignan din niya ang sariling cellphone subalit tama si Josie, network unavailable nga sila.
Muli ay yumanig ang sasakyan kaya mas nataranta ang tatlo. Nag-alala na si Katie sa kaibigang si Jessy na nag-aagaw-buhay na. Pasinghap-singhap na ito kaya alam niya na kailangang kumilos kahit delikado ang lagay nilang lahat. Dahil isa siyang atleta at biniyayaan ng bilis at lakas, nagdesisyon siya na maglakas-loob lumabas upang isa-isang matulungan ang mga kabarkada.
BINABASA MO ANG
Paranormal One-shot Stories
ParanormalA compilation of my one-shot stories, mostly with paranormal theme. Also published in my Facebook Page, Author Wiz.