LIHIM NI ITAY

4 0 0
                                    

Simula pagkabata, sa aking pagkakatanda, ay hindi na kami magkasundo ni Itay. Tatlo kaming magkakapatid at ang mga kasunod ko ay malapit naman sa kanya. Kataka-taka na ako ang kaisa-isang babae at panganay pero ako pa ang malayo ang loob sa kanya.

Hindi masamang tao ang aking ama. Sa katunayan ay huwaran pa siya dahil kahit hindi nakapagtapos ng kolehiyo ay naitaguyod niya ang buong pamilya. Napag-aaral niya kami sa maayos na eskuwelahan at kahit kailan ay hindi namin naranasan ang magutom.

Katuwang si Inay ay todo-kayod sila upang matustusan ang aming pangangailangan. Siya ay drayber ng jeep samantalang ang nanay namin ay nagtitinda sa munting sari-sari store na nasa harap lang ng aming bahay. Masasabi ko na kahit hindi kami mayaman, hindi naman kami nagipit sa pera.

Kung tutuusin ay maituturing na masaya sana ang aming pamilya. Subalit, halos walang araw na hindi kami nag-aaway ni Itay. Sadyang mainit ang dugo ko sa kanya na kahit kaunting puna lang ay naiinis na ako. Maraming pagkakataon na pabalang ko siyang nasasagot kaya nasesermonan naman ako at nasasabihang walang mararatimg sa buhay kung matigas ang ulo. Sawang-sawa na ako sa mga pangangaral niya na paulit-ulit na lang.

Araw-araw ay natanim sa utak ko na hindi ako mahal ni Itay. Sa pagdadalaga ko ay mas lumayo ako sa kanya at iniwasan na siyang makausap pa. Siya rin naman ay nananatiling tahimik at pinararating na lang kay Inay kung may nais man siyang sabihin. Sa ganoong paraan ay mas naging payapa ang aming samahan.

Subalit, mas magkakaroon ng lamat ang aming samahan nang tumuntong ako ng edad na labing-anim. Iyon ang panahong naghahangad ako ng kaunting kalayaan at dala na rin ng impluwensiya ng mga kabarkada, kung saan-saan na ako napapadpad.

Isang Sabado, dumalo ako sa kaarawan ng aking kaibigan. Madilim-dilim na noon at nagkaayaan silang mag-inuman. Dala ng pakikisama ay sumubok din ako na timikim ng alak.

"Isa pa!" pang-uudyok ng mga kasamahan ko na pinagkatuwaan pa ako dahil sa kakatwang reaksiyon ko nang matikman ang mapait na inumin.

"Ayaw ko na, ang sama ng lasa!" pagtanggi ko.

"Masasanay ka rin! Hahaha!"

Iniabot sa akin ng birthday celebrant ang bote kung saan may natitira pang kalahating alak. Nagdalawang-isip ako sapagkat sumagi sa isipan ng aking ama na huwag tatanggap ng nakalalasing na inumin lalo na sa lalaki. Lumingon ako sa kasama kong babae na nginitian pa ako bilang senyales na paunlakan naman ito. Akmang tatanggapin ko na sana iyon pero may tumabig sa bote. Tumilapon iyon sa malayo at nagkabitak-bitak.

"Anong ginagawa mo?" dinig kong sinabi ng aking ama na may nanlilisik na mga mata. "Akala ko ba, kainan lang ang pupuntahan mo at uuwi ka ng alas-kuwatro ng hapon? Dumidilim na pero wala ka pa rin sa bahay!"

"I-Itay, nagkakatuwaan lang po kami," pahiyang-pahiya na pagdadahilan ko. "Wala akong ginagawang masama!"

"Uuwi na tayo!" Hinatak na niya ako at sapilitang pinatayo. "Mula sa araw na ito, ayaw ko nang mabalitaan na kasama mo pa ang mga ito!"

"Pinapahiya mo naman ako, eh!" pabalang na sinabi ko na. "Bitiwan mo ako!"

"Pinapahiya?" pigil sa galit na pinagsabihan niya ako. Halos mapiga na ang braso ko sa higpit nang pagkakahawak niya na alam kong nagtitimpi pa. "Ikaw ba'y nahiya na suwayin ako?"

"At kayo!" tinuran naman niya ang mga kaibigan ko na hindi makaimik nang dahil sa takot na mapagbuntunan ng galit niya. "Alam ba ng mga magulang niyo na nag-iinuman kayo? Kabata-bata niyo pa, may bisyo na kayo! Layuan niyo ang anak ko! Masama kayong impluwensiya!"

"Itay, tama na po.!"

Walang ano-ano pa ay hinila na niya akong pauwi. Magkahalong hiya at sama ng loob ang naramdaman ko nang mga oras na iyon. Hiniling ko pa na sana ay iba na lang ang naging ama ako at hindi ako ipapahiya nang ganito.

Paranormal One-shot StoriesWhere stories live. Discover now