PURPLE LIPSTICK

10 1 0
                                    

Mag-a-alas-otso na ng gabi at humahangos na sa pagtakbo si Kathleen upang makarating sa mall. Dahil sa trapik ay muntikan pa siyang naabutan ng closing hour kaya malaki ang pasasalamat niya na hindi pa nasarhan.

"Bakit naman kasi sa lahat ng birthday wish ni Mama, purple lipstick pa!" tahimik na pag-aanalisa niya. Wala naman siyang reklamo sa hiling ng inang si Aling Jenny pero nagtataka lang siya na imbis na pagsaluhan nila ang cake at pansit na pina-deliver, iyon pa ang naisipan nitong ipabili sa kanya.

"Pero kung magiging masaya siya, sisikapin ko na maibigay 'yun..."

Nasa opisina pa ay tinawagan na siya ng ina upang naglambing at mabilhan ng ganoong klaseng makeup. Bihirang manghingi ito sa kanya ng mga gamit kaya kahit malakas pa ang ulan at nanganganib na bumaha, pinagbigyan na niya.

Pagkadating sa makeup section ng lugar ay inisa-isa na niya ang mga estante upang mahanap ang kulay ube na lipstick. Lahat ng tinanong sa puwesto ay walang stock na ganoon at kadalasang inalok ay mga shade na pink at red.

"Wala na ba talaga? Kahit 'yun pinakamalapit sana na kulay," pagbabakasakali pa rin niya sapagkat salat na ang oras at malapit nang magsara ang pamilihan.

"Paki-try po sa second floor, right corner," pagtuturo na ng saleslady sa kanya kung saan posibleng makahanap ng nasabing kolorete sa labi. "Sa pagkakaalam ko, doon nakakabili ng mga exotic makeup at costume."

"Sige, salamat!" Nagmamadaling sumakay na siya ng escalator upang mapuntahan ang nabanggit na shop. Muntikan pa siyang matapilok nang humakbang sa gumagalaw na hagdanan sapagkat natutuliro na siya sa kakahagilap ng purple lipstick na hindi man siya sigurado kung mayroon nga sa mundo.

Katulad nga ng sinabi ng babae, naroon nga ang hinahanap. Sa paningin niya ay tila ba kumikinang-kinang pa iyon at inaakit siya na bilhin na kaagad.

Nais man niyang sunggaban iyon ay sumakto naman na nagparamdam ang kanyang pantog. Dahil sa kanina pa siya hindi nakakapagbanyo at may kalamigan pa sa loob ng mall, tila ba sasabog na ang kanyang puson sa dami ng nakolektang ihi. Nag-aalangan man ay nagpasya siyang magkubeta muna nang mabilisan at balikan na lang ang makeup.

"Miss, babalikan ko 'yan," pagbibilin muna niya sa saleslady na nakaestasyon malapit doon. "Huwag mong ibibigay sa iba, ha?"

Tumango-tango naman ang pinagsabihan kaya malakas ang loob niyang iwanan muna sa eskaparate ang ireregalo. Ngiting-ngiti pa siya sapagkat paniguradong magiging espesyal ang kaarawan ng pinakamamahal na nanay kapag naibigay niya ang nais nito.

Maglilimang taon na siyang naulila sa ama at nag-iisa lang siya na anak kaya halos lahat ng kanyang atensyon ay nakatuon kay Aling Jenny. Tinatanaw niya rin kasing malaking utang na loob na kahit na nahihihirapan man sila sa buhay, sinikap pa rin siyang itaguyod nito. Ngayong nakapagtapos na siya at nakahanap na ng maayos na trabaho, nais niyang pahalagahan naman ang mga sakripisyo nito.

"Sana, maging maligaya si Mama sa gift ko," malamlam ang mga matang paghiling niya habang pabalik na sa shop.

"At sana, mas matagal ko pa siyang makasama..."

Naantala ang malalim niyang pag-iisip nang matanaw ang matangkad at makisig na lalaking nakatayo sa tapat ng estante ng mga makeup. Napasinghap na lang siya nang mapansing hawak nito ang purple lipstick. Binuksan pa nito ang cosmetic at inikot palabas upang malaman kung maayos ang lagay niyon.

"Kukunin ko na ito, ha," dinig niyang sinabi nito kaya ramdam niya ang pag-angat ng dugo sa kanyang ulo. Hindi niya ugali ang maging agresibo pero sa pagkakataong ito, nais niyang dambahin ang lalaki at agawin ang makeup.

"Para sa girlfriend mo po?" nagpapa-cute na pag-uusisa ng tsismosang saleslady. Gwapong-gwapo kasi ito kay Ethan na may dimples pa kapag ngumingiti. "Ang suwerte naman niya sa iyo!"

Paranormal One-shot StoriesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon