Chapter 10: Pahinga

1.5K 152 19
                                    

"Takbo!" Sigaw ni Yohan at hindi na nag-aksaya pa ng oras ang dalawa at mabilisan ding sumunod. Sa isang iglap lang ay bumaliktad kaagad ang kanilang sitwasyon. Muling naging dominante ang ingay sa paligid dulot ng mga mabibigat na yabag mula sa mga nandito. Kapansin-pansin din ang tila along pagdaloy ng mga halimaw palabas ng dalawang nagtataasang gusali.

Hindi nakatakas sa kanilang mata ang iilan ding mga estudyanteng nakakasabayan nila sa pagtakbo waring nagulat sa biglaang pagpapakita ng isang horde.

Kaagad ginamit ni Corbin ang dala niyang patpat nang muntikan nang masakmal ang nakasabayan niyang babae. Mabilisan niyang naiangat ang hawak niyang stick saka niya iyon buong pwersang hinampas sa leeg ng halimaw. Agarang napatihaya ang zombie sa ibaba na siyang sinundan niya na naman ng panibagong atake. Pinuntirya ng binata ang ulo nito bago nagpakawala ng nagmamadaling sipa na siyang nakapagpatalsik sa halimaw nang ilang dangkal na layo. Hindi na siya nagsayang pa ng oras at kaagad na binalingan ng tingin ang babaeng niligtas niya. Pagdapo pa lang ng kaniyang tingin dito ay mahahalatang wala na talaga ito sa sarili.

"Hoy, ayos ka lang?" Pagtawag niya sa dalaga. Akmang lalapitan na niya sana ito pero nahinto lamang aiya nang bigla itong lumupaypay sa sahig. Kitang-kita ni Corbin kung papaano ito nangisay at kasabay din noon ang paglitaw ng nangingitim nitong ugat sa braso at binti ng kaharap. Subalit bago pa man iyon tuluyang makatayo at makaatake ay tuluyan na itong tinapos ni Mills.

"Halika na!" Aya ng dalaga sa kaniya saka sumenyas kay Yohan na magpatuloy sa pagtakbo.

Panibagong pasilyo na naman ang tinahak nilang tatlo at halos hindi sila makausad nang maayos dahil sa dami ng zombies na sumasalubong sa kanilang dinadaanan.

"Maiipit tayo rito sa hallway! Kailangan nating maghanap ng b-" bago pa man matuloy ni Yohan ang kaniyang sasabihin ay kaagad siyang napakapit sa poste ng hallway nang may bumangga sa kaniya. Saktong paglingon niya sa gawing gilid ay doon niya nakita ang isang napakapamilyar na lalaki na bumagsak sa ibaba.

"Zigler?" Tawag niya saka mabilis na dinaluhan ang kakilala, inalalayan niya ito patayo bago tinignan kung nagkaroon ba ito ng sugat. Nag-angat ng tingin ang binata bago sandaling sinilip ang gawing likuran.

"Bakit kailangan niyo pang bumalik? Umalis na kayo rito." Halata sa boses nito na nangungumbinsi siyang paalisin silang tatlo. Dominante rin ang panginginig ng kaharap dulot ng labis na pagkabaghala at pagkataranta.

"Hindi pa kami pwedeng umalis," paunang sambit ni Mills. "Nasa room pa sila Elsie at nakakasiguro akong inaantay din nila kami." Dugtong niya dahilan kung bakit napakagat-labi na lamang ang kausap.

"Hindi na kayo makakadaan dito, napuno na ng zombies ang lugar kaya napakaimposible ng isipin na makakabalik pa kayo sa room niyo."

"Susugal kami kung kinakailangan." Walang alinlangan na sagot ni Yohan.

"Teka, nagkahiwalay ba kayo ni Sir Winston, Zigler?" Usisa ni Corbin na siyang nakapagpaiwas ng tingin sa kausap.

"Hindi kami nagkita," diretsa nitong banggit bago sandling tumikhim. "Kung hindi ko na talaga magawang baguhin ang isip niyo, mag-ingat nalang kayo. Mauuna na ako." Huli nitong sambit saka muling nakipagsabayan sa mga estudyante sa pagtakbo hanggang sa tuluyan na nga itong mawala sa kanilang tingin.

"B-Babalik ba tayo, Yohan?" Hindi siguradong tanong ni Corbin pero inilingan lang siya ng kaibigan.

"Nandito na tayo at wala na rin naman akong nakikitang rason para bumalik pa." Sagot ng binata. "Ikaw ba sa side mo, gusto mo pa bang bumalik sa dinanan natin kanina?" Tila nanghahamong tanong nito na siyang daglian niya ring inilingan.

Lihim na lamang siyang napalunok bago binalingan ng tingin si Mills at umaasa na baka mabago nito ang isip ng kasama. Ngunit tila pinagbiyak na bunga ang dalawa niyang kaibigan lalo na nang hindi ito sumang-ayon sa kaniyang kagustuhan.

Save UsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon