Chapter 42: Face off

934 67 1
                                    

Saktong pagliko ni Mills sa pinakahuling pasilyo ay ang siyang paghinto ng kaniyang mga paa. Kaagad na pumasok sa kaniyang tainga ang mga maliliit na tunog na nagmumula sa kalangitan. Dulot ng pagtataka ay lumapit siya sa corridor at bahagyang tumingala nang sagayon ay makita niya kung ano na nga ba ang kasalukuyang nangyayari sa labas.

Sa pagtama ng kaniyang tingin sa itaas ay doon niya pa mas klarong nakita ang mga jetplanes na paikot-ikot sa kanilang eskwelahan. Kapansin-pansin din na mababa ang lipad ng mga iyon at naagaw din ng kaniyang pansin ang tila patulis na bagay na nasa gawing gilid ng magkabila nitong pakpak.

"Missile ba 'yan?" Hindi niya siguradong tanong saka pinaningkitan ng tingin ang bagay na iyon. Ngunit nang hindi pa rin niya makumpirma ang nakita ay doon na siya nagbaba ng tingin para muling magpatuloy sa paglalakad. Sa bawat paglayo ng kaniyang hakbang ay hindi niya maiwasang alalahanin ang ipinangako ni Earlyseven. Hindi na rin siya magawang makapag-antay pa na muling makasama ang mga naging kasangga niya sa outbreak na 'to. Umaasa rin siya na kung saka-sakali mang nakababa na nang ligtas at kompleto ang Aries, sana lang ay may makatagpo ang mga kasama ng rescuers.

May parte sa kaniya na gusto na niya talagang umalis lalo na at batid niya na rin na mayroon ng mga sundalo na nasa loob ng kanilang eskwelahan at kung tutuusin ay pwedeng-pwede na siyang sumama. Ngunit sadyang hindi niya lang talaga ugali ang mang-iwan.

"Hindi ako aalis ng Juanico High hangga't hindi ko nakukuha si Wren." Mahina niyang sambit sa sarili hanggang sa huminto ang kaniyang mga paa sa mismong tapat ng nakasaradong pinto. Sa loob ng ilang taong panananatili niya sa eskwelahang 'to at sa makailang ulit niyang paglabas-masok sa lab, ngayon lang siya nakaramdam ng kakaiba. Tila ba nagmukhang tarangkahan ng impyerno ang pinto sa kaniyang mga mata at ang nakakapanindig-balahibong awra na pinapakawalan ng pinto ang siyang mabilis na yumakap sa kaniyang balat.

Subalit sa halip na tumunganga sa labas, mas pinili niya pa ring pihitin ang seradora. Saktong pagbukas niya ng pinto ay ang siya namang pagsindi ng fluorescent sa loob ng silid na para bang inaanyayahan talaga siya nitong pumasok. Sandaling nilibot ni Mills ang loob ngunit gaya nga ng inaasahan ay puro mga libro at estante ng iba't-ibang science collection lamang ang nandito. Walang pasa-pasabi niyang hinakbang ang kaniyang mga paa papasok at maagap na nag-antay kung ano na ang susunod na mangyayari.

"May pa see you see you pa siyang nalalaman pero siya naman pala iyong wala rito. Gaguhan lang?" Hindi niya mapigilang reklamo at inabala muna ang sarili sa paglilibot sa loob para na rin maghanap kung mayroon pa bang ibang pintuan ang silid. Muli niya na namang  naalala ang mga umugong na usapan bagupaman nangyari ang outbreak, at iyon ay ang nakakapagtakang pagkawala ni Chloe. Tandang-tanda niya pa kung paano nagsipalitan ng teorya ang kaniyang mga kaklase at kung tama ang pagkakatanda niya. May nabanggit si Ledger na baka may iba pang tagong pinto ang opisina ni Sir Winston. Bagay na gusto niyang kumpirmahin kung totoo ba o hindi ang tinuran ng kaklase.

Pinasadahang mabuti ni Mills ang loob at ni kahit isang bagay ay wala siyang pinaglapas. Dahan-dahan niyang nililipat ang kaniyang mata sa kagustuhang mahanap ang pakay.

"Sarili ko lang yata niloloko ko." Wala sa wisyo niyang sabi nang wala talaga siyang pintong nakita. Bagsak ang balikat niyang tumigil sa ginagawa at mag-antay na lamang dito sa loob. Sa isip niya ay kung pakay talaga siya ng maestro, sigurado siyang miski ngayon ay pinapanood siya nito. Hindi niya nga lang magawang matiyempuhan kung saan lalo na't sa sobrang daming gamit dito sa Science Laboratory, aabutin pa siya ng siyam-siyam para makita ang hidden camera.

Kung titignang maigi ay napakaliit na ng room para magkaroon pa ng panibagong pasukan dito. Subalit ang hindi niya maintindihan, bakit dito pa napili ng maestro na makipagkita sa kaniya gayong base lamang sa naabot ng kaniyang mata, ay wala naman talagang kaespe-espesyal na makikita rito. Idagdag pa na wala sa loob si Wren kaya sigurado siyang hindi iyon dito.

Save UsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon