Kabanata 2

715 38 0
                                    

Napatingin ako kay Elton sa huling sinabi niya. Nakangiti lang ito kay Macsen na masama naman ang tingin sa kanya.

Matapos ang pakikipagkilala, agad naging abala ang lahat para ipaghanda ng makakain ang mga bisita. Nakakahiya pa nga dahil tumulong pa ang mga babae sa amin.

Habang ang mga lalaki naman ay abala sa mga kuwento ni Elton at kung paano siya namuhay dito.

"Ako na dito. Maupo na lang kayo roon," saway ko sa mga babae.

"Ano ka ba, Prospy. Sa bukid din kami nakatira 'no! Kaya hindi na bago sa amin ni GG ang ganitong trabaho..." si Amalia.

"Puwera na lang sa isa riyan..." pasaring na sabi ni Zella sabay tingin kay Suzie habang hinuhugasan namin ang mga kamoteng kahoy.

Umismid si Suzie. "Huwag kang makinig sa kanila, Prospy. Sila ang matapobre hindi ako," pairap niyang sabi at nagsitawan sila. Napangiti na lang din ako.

Ang gaganda ng mga balat nila at napansin ko rin ang ayos nila. Ibang-iba sa amin. Hindi ko alam pero nakaramdam bigla ako ng hiya sa suot kong damit na paulit-ulit ko nang isinusuot.

"Ayos lang ba kayo dito? Ayaw n'yo bang lumipat sa siyudad?" tanong bigla ni GG.

Ngumiti ako. "Ayos lang naman. Pero, oo gusto ko. Hindi ko alam sa mga ka tribu ko. Nakasanayan na kasi nila ang pamumuhay dito."

Tumango si GG. "Sa bagay, pero Prospy naikwento sa amin ni Elton ang pangako n'ya sa'yo at handa kaming tulungan ka sa siyudad. Gusto mo ba?"

"Yeah, I could enroll you to our school.  Which course do you prefer?" mabilis na salita ni Suzie na hindi ko naman naintindihan.

Tumingin sa kanya si Zella at bigla na lang napatakip sa bibig si Suzie sabay iling.

"Sorry, sorry! Nakalimutan ko..."

"Ang sabi n'ya, puwede ka n'yang ipasok sa paaralan namin dati. Ano ba ang gusto mong maging?" si Zella na ang nagpaliwanag.

"Guro sana, kagaya ni ina."

"O? Nasaan na siya? Ibig sabihin ba, naturuan na n'ya kayo rito kahit papaano?" kuryosong tanong ni Suzie.

Tumango ako. "Oo, pero ako lang iyong mas naturuan ni ina. Nahihirapan siya sa mga ka tribu ko. At...matagal na siyang patay."

Gulat silang lahat sa sinabi ko at ngumiti lang ako sa kanila. Para ipakitang ayos lang. Hindi naman na masyadong masakit sa akin ang pagkawala ni ina.

"Sorry, Prospy. Pero tutulong kami sa'yo at ang mga kaibigan ni Elton. Pili ka lang diyan ng sponsor," si Amalia sabay hagalpak ng tawa.

"Oo, hindi naman kami ang mayaman. Ang mga 'yon at itong isa," ani GG sabay tingin kay Suzie na umirap lang.

"A-Ano 'yong...sponsor?" nahihiya kong sabi dahil ngayon ko lang narinig ang salitang 'yon.

"Ah! Asukal de papa, Prospy! Kumbaga, siya 'yong gagastos ng lahat para sa'yo pati pa luho mo..." nakangiting paliwanag ni Amalia.

"Sira!" si Suzie at nagtawanan sila.

"Totoo! Pili ka lang sa mga lalaking 'yon..." ani Zella at sabay kaming napatingin lahat sa mga lalaking tumutulong sa pag-iihaw ng baboy ramo.

Lahat sila ay abala at namangha ako na wala sa mukha nila ang pandidiri kahit na hindi naman ito ang nakasanayan nilang pagkain. Kumpulan ang mga lalaki sa kabila at napadpad ang paningin ko kay Macsen.

Muntik ko pang mabitawan ang hawak kong kamote nang bigla siyang napabaling sa amin saglit. Hindi ako sigurado kung sa akin ba ang titig niya. Pero kumunot bigla ang noo n'ya at ibinalik na ang paningin sa ginagawa.

Love and Hate Collide Where stories live. Discover now