Kabanata 6

622 34 3
                                    

Kinaumagahan, maaga na naman akong nagising dahil ngayon namin titingnan ang lilipatan kong bahay. Kahit anong tago ko sa kaba ko, hindi ko pa rin mapigilan. Titira ako sa isang bahay na...ako lang? Kaya ko namang mag-isa. Ang kinakatakot ko lang ay ang pagiging mangmang ko sa mga makabaging pamumuhay dito sa siyudad.

"Handa ka na?" Tanong ni Zella sa akin matapos niya akong bisitahin dito sa kwarto ko. Nakapagbihis naman na ako, ginaya ko nga lang suot ko kahapon. Napatingin si Zella sa suot ko kaya napatingin din ako sa sarili ko.

"G-Gusto mo ba 'yang suot mo?" parang nahihirapan niyang tanong.

Tumango ako. Komportable naman ako sa suot kong shorts at maikling damit na hindi umabot sa pusod ko. Hindi naman malayo itong suot ko ngayon sa kung paano ako manamit sa amin.

"Mali ba itong suot ko?" Dahan dahan siyang umiling at alanganin ang ngiti niya na parang pilit.

"H-Hindi naman..." tumawa siya nang bahagya. "Kung diyan ka komportable, hindi kita pipigilan," aniya at bumaba na kami para umalis. Kasama namin si Taiden na kakauwi lang galing sa paghatid sa anak nila.

Mukha ring gulat si Taiden nang makita kami...o ako? Hindi ako sigurado. Salubong ang mga kilay niya nang nakababa na kami ng hagdanan.

"Is she really wearing that?" si Taiden kay Zella na tumango naman.

"Gusto niya 'yan at para sa akin, hindi naman party ang pupuntahan natin kaya ayos lang 'yan. Hindi naman siya nakahubad."

"Sure she's not," sagot naman ni Taiden at hindi nagtagal ay umalis na kami.

Sakay ng sasakyan nila, busog na busog ang mata ko sa tanawin sa siyudad. Ang ganda! Ang matatayog na gusali na nakikita ko noon sa mga libro ni nanay, ngayon nakikita ko na sa personal! Maraming tao, sasakyan at kung ano ano pa! Nakakalungkot lang na wala na ako makitang masyadong puno at medyo marumi ang ilang bahagi ng paligid dahil sa basura.

"Prospy, may gusto ka bang puntahan? O gawin? Puwede nating gawin 'yon ngayon dahil wala naman kaming lakad," ani Zella at nakangiting nakatingin sa akin.

"W-Wala naman akong alam na...pupuntahan dito," sabi ko.

Nalungkot bigla ang mukha niya. "Oo nga pala, no. Huwag kang mag-alala, may isang buwan pa tayo para maglibot- libot at aralin ang ibang bagay para sa 'yo."

"Salamat sa inyo... at pasensiya na rin sa abala."

"Hindi, ah! Ayos lang talaga, Prospy. Masaya kaming tulungan ka at isa pa, para na rin naming tinulungan ang buo mong angkan kaya ayos lang."

Dahil sa pagkaaliw ko sa bagong tanawin sa paligid, hindi ko na namalayan na nakarating na pala kami. Huminto ang sasakyan sa tapat ng isang napakatayog na gusali. Dito ba ako titira? Ang laki naman!

Bumaba na kami ni Zella at ipa-park pa raw ni Taiden ang sasakyan kaya nauna na kami sa taas. Sumakay pa kami sa elevator daw ang tawag do'n. Sobrang mangha ako sa maliit na kwarto na 'yon na umaandar!

"Natatakot ka ba?" tanong ni Zella sa akin dahip tahimik lang ako habang pinapakiramdaman ang elevator.

Umiling ako at mahigpit ang hawak ko sa kamay ni Zella. "H-Hindi naman..." sabi ko pero ang totoo parang hinahalukay na ang lamang loob ko.

"Masasanay ka rin dito. Ito ang ginagamit para mas mapabilis ang pagdating natin sa itaas. May hagdanan naman, pero ginagamit lang 'yon kapag sira 'tong elevator. Tandaan mo rin ang numero saan ka dapat titigil ha? Baka mawala ka. Malaki pa naman 'tong building ni Mac," aniya at napa awang ang labi ko sa sinabi niya.

Kay Macsen ang gusali na ito? Sobrang laki naman! Marami kaya silang nakatira dito? Dahil sa pagkakuryoso ko ay nagtanong na rin ako.

"Ilan ba silang nakatira dito? Mas malaki pa kasi sa bahay ninyo," mangha kong sambit.

Love and Hate Collide Where stories live. Discover now