KABANATA 15: Ugnayan

4.7K 183 61
                                    

"Inyo po bang nakita si Stella, Mang Karding? Narito raw po siya huling namataan bago siya nadakip?" nababagabag kong tanong sa isang matanda sa pamilihan.






Kasalukuyan siyang nagpapasok ng mga kalakal kaya't habang naghihintay ng kanyang sagot ay pinalibot ko ang aking tingin sa paligid. Lasing man ang aking estado mula sa serbesang aking nainom ay malinaw sa aking malalim na ang gabi. Kakaunti na lamang ang mga tao rito sa pamilihang bayan. Bukod sa mga nagtitinda ng isda at karne ay ang maliit na gusaling ito na lamang ang hindi pa tuluyang nagsasara.






Si Mang Karding ay isang mangangalakal na nagbebenta ng mga lumang kagamitan. Ilan sa kanyang mga ipinagbibili ay mga lumang relos, alahas at maging kagamitan sa tahanan na nagmula pa sa iba't-ibang bansa.





"Hijo, nakita mo bang pasara na ang aking tindahan? Hindi ko na mapauunlakan ang iyong nais bilhin. Ipagpabukas mo na lamang iyan," aniya at akmang papasok sa loob ng kanyang tindahan ngunit napigilan ko siya.






"Mang Karding, ako po ito. Si Ryannel na anak ni Don Marcelo at Donya Florencia Guevarra," klaro kong wika.






Sa wari ko'y nasa edad pitumpu na si Mang Karding kung kaya't hirap na siyang makaalala ng mga tao. Ang kanyang nag-iisang anak ay maagang pumanaw sa sakit nito sa puso. Matapos niyon ay mas lalong lumubha ang pagkalimot ni Mang Karding na maging ang pumanaw niyang anak ay hindi niya na maalala.





"O ikaw nga, Heneral Ryannel. Matagal ka ring hindi nakadalaw. Nais mo bang samahan akong maghapunan?" alok ng matanda.






Napakamot ako sa likod ng aking leeg, "Hindi na po, Mang Karding. Ang sadya ko po kaya ako naparito ay hinahanap ko ang nakababata kong kapatid na si Stella. Nakita niyo po ba siya?"





Hindi mapalagay si Mang Karding nang mapansin ang mga sundalong nasa aking likuran kaya't pinalayo ko ang mga ito. Nang masigurong malayo na ang mga sundalo sa kanyang tindahan ay doon siya tumugon.







"Ang totoo niyan, Heneral Ryannel, ay mali ang kumakalat na balita na dinakip ang iyong kapatid ng isang sundalong espanyol," pag-amin niya, "Base sa pagkakatanda ko ay... ang iyong kapatid ang siyang dumakip sa sundalong espanyol."





Tumawa ako nang malakas, pilit pinoproseso ng aking utak ang narinig, "Tulad noon ay sadyang mapagbiro ka pa rin, Mang Karding."




"Heneral Ryannel, wala na ako sa wastong edad para magbiro," seryoso niyang wika kaya ako'y nagambala.






Sakay ng aking kabayo ay mag-isa kong nilakbay matarik na daan patungo sa Batis ng Kasarinlan kung nasaan ang heneral. Ang mga luha ang aking mga mata ay nangingilid na sa labis na pag-aalala. Kung may mangyaring masama sa aking kapatid ay hindi ko mapapatawad ang aking sarili.






Dapat ay nagpumilit akong sumama sa kanya. Nangako ako sa aking ama na poprotektahan ko ang aking kapatid at ina higit pa sa lahat. Mapapanatag lamang ang aking kalooban kung makita kong ligtas ang aking kapatid.






"Heneral!" umalingawngaw ang aking boses habang patuloy ako sa pagkatok sa pintuan ng kanyang tahanan.





Nang wala akong narinig na tugon ay muli akong kumatok ng tatlong beses. Mapapansing madilim ang paligid at marahil ay hindi nasindihan ng kung sino mang nasa loob ang gasera. Matapos ang ilang katok at pagtawag ay pinihit ko ang pinto. Nakapagtatakang hindi iyon nakakandado kaya't malaya akong nakapasok.





Alapaap | R-18Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon